Handa Ka Ba sa Likas na Kalamidad?
1. Bakit isang katalinuhan na maging handa sa mga kalamidad?
1 Taun-taon, milyun-milyong tao sa buong daigdig, pati na ang ating mga kapatid, ang naaapektuhan ng mga lindol, tsunami, matinding pag-ulan dulot ng habagat, bagyo, buhawi, at mga pagbaha. Yamang di-inaasahan ang likas na kalamidad at nakaaapekto ito sa sinuman sa atin, isang katalinuhan na maging handa.—Kaw. 21:5.
2. Bakit dapat nating ipaalam sa mga elder ang ating kasalukuyang adres at (mga) numero ng telepono?
2 Patiunang Maghanda: Kung minsan, nakapagbibigay ng babala ang mga awtoridad tungkol sa dumarating na kalamidad. Mahalagang bigyang-pansin ang mga babalang ito. (Kaw. 22:3) Sa gayong mga situwasyon, sisikapin ng mga elder na makontak ang lahat ng miyembro ng kongregasyon upang tulungan silang gumawa ng kinakailangang paghahanda. Pagkatapos ng kalamidad, sisikapin din ng mga elder na makontak ang lahat ng kaugnay sa kongregasyon upang malaman kung ligtas sila at kung anong tulong ang kailangan nila. Maaaring masayang ang mahalagang panahon kung hindi alam ng mga elder ang kasalukuyang adres at (mga) numero ng telepono ng mga kapatid. Kaya mahalagang ipaalam ito ng mga mamamahayag sa kanilang kalihim at tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat.
3. Paano tayo maaaring makipagtulungan sa mga elder kung nakatira tayo sa isang lugar na madalas tamaan ng kalamidad?
3 Kung ang kongregasyon ay nasa isang lugar na madalas tamaan ng kalamidad, maaaring hingin ng mga elder sa mga mamamahayag ang pangalan at numero ng telepono ng isang kamag-anak o kaibigan na hindi tagaroon at na maaaring makontak sakaling may kagipitan. Makatutulong ito sa mga elder para matagpuan ang mga nagsilikas. Nanaisin din ng mga elder na magplano ng mga gagawin ng kongregasyon sakaling magkaroon ng kalamidad, gumawa ng simpleng listahan ng mga suplay na kakailanganing ihanda, mga kaayusan sa paglikas at pagtulong sa mga may pantanging pangangailangan. Mahalaga ang pakikipagtulungan sa maibiging kaayusang ito.—Heb. 13:17.
4. Ano ang dapat nating gawin kung tamaan ng kalamidad ang ating lugar?
4 Pagkatapos ng Kalamidad: Ano ang dapat mong gawin kung tamaan ng kalamidad ang inyong lugar? Tiyaking naaasikaso ang dagliang pisikal na mga pangangailangan ng iyong pamilya. Hangga’t maaari, tulungan mo rin ang ibang naapektuhan. Sikaping makontak sa lalong madaling panahon ang inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat o isa pang elder. Dapat itong gawin kahit na ligtas ka at hindi mo kailangan ng tulong. Kung kailangan mo naman ng tulong, makatitiyak kang ginagawa ng iyong mga kapatid ang buong-makakaya nila para matulungan ka. (1 Cor. 13:4, 7) Tandaan na batid ni Jehova ang iyong situwasyon; umasang aalalayan ka niya. (Awit 37:39; 62:8) Maging alisto sa mga pagkakataong maglaan ng espirituwal at emosyonal na tulong sa iba. (2 Cor. 1:3, 4) Agad ipagpatuloy ang iyong teokratikong mga gawain hangga’t maaari.—Mat. 6:33.
5. Bilang mga Kristiyano, paano tayo naaapektuhan ng banta ng kalamidad?
5 Bagaman lubhang ikinababalisa sa daigdig ang banta ng kalamidad, maaari tayong tumingin sa hinaharap na may pagtitiwala. Malapit nang mawala ang lahat ng kalamidad. (Apoc. 21:4) Samantala, makagagawa tayo ng makatuwirang mga hakbang upang paghandaan ang mga panahon ng kaligaligan at kahirapan habang nananatiling masigasig sa paghahayag ng mabuting balita sa iba.