Ang Katapatan ay Ginagantimpalaan
1 Sinasabi sa atin sa Hebreo 11:6 na ang Diyos ay “nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga marubdob na humahanap sa kaniya.” Ang isang paraan kung paano niya ginagantimpalaan ang deboto niyang mga lingkod na naging ‘tapat sa kakaunting bagay’ ay ang ‘atasan sila sa maraming bagay.’ (Mat. 25:23) Sa ibang pananalita, si Jehova ay kadalasang nagbibigay ng gantimpala sa mabuting gawa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniyang tapat na mga lingkod ng karagdagang mga pribilehiyo ng paglilingkod.
2 Ang katapatan ni apostol Pablo ay ginantimpalaan sa pamamagitan ng pag-aatas sa kaniya sa isang ministeryo na nagdala sa kaniya sa mga lunsod at mga nayon ng Europa at Asia Minor. (1 Tim. 1:12) Bagaman malaking pagsisikap ang nasangkot sa lubusang pagsasakatuparan ng kaniyang ministeryo, lubhang pinahalagahan ni Pablo ang pribilehiyong kaniyang tinanggap. (Roma 11:13; Col. 1:25) Ipinakita niya ang kaniyang taus-pusong pagpapahalaga sa pamamagitan ng masikap na paghanap ng pagkakataong makapangaral. Sa pamamagitan ng kaniyang masigasig na gawain, malinaw niyang ipinakita na namumuhay siya ayon sa kaniyang pananampalataya. Ang kaniyang halimbawa ay nagpapakilos sa atin na pagyamanin ang ating mga pribilehiyo ng paglilingkod.
3 Binigyan Tayo ni Jehova ng Isang Ministeryo: Paano natin ipakikita ang nakakatulad na pangmalas sa pribilehiyo ng paglilingkod gaya ng ipinakita ni Pablo? Humahanap tayo ng mga paraan upang mapasulong ang ating bahagi sa ministeryo. Sinasamantala natin ang bawat pagkakataong makapagpatotoo nang impormal at sa bahay-bahay. Dinadalaw natin ang lahat ng wala-sa-tahanan at gumagawa ng mga pagdalaw-muli sa lahat ng interesado. At tinutupad natin ang ating mga pinagkasunduang usapan upang magdaos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
4 Hinggil sa ating ministeryo, si Pablo ay nagpayo: “Maging apurahan ka rito.” (2 Tim. 4:2) Ang isang bagay na apurahan ay humihiling ng karaka-rakang pansin. Ginagawa ba natin ang ating ministeryo sa paraang apurahan, na binibigyan ito ng priyoridad sa ating buhay? Halimbawa, hindi natin gustong hayaan ang ating paglilibang at iba pang personal na kagustuhan kung dulong sanlinggo na makahadlang sa panahong dapat nating ilaan sa ministeryo sa larangan. Yamang tayo ay kumbinsido na ang katapusan ng sistemang ito ay mabilis na dumarating, tayo rin ay kumbinsido na ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ang pinakamahalagang gawain na maisasagawa natin.
5 Ang katapatan sa Diyos ay ipinamamalas sa pamamagitan ng pagiging totoo at tapat sa kaniya at palagian sa gawaing kaniyang iniatas sa atin. Nawa’y lubusan nating isakatuparan ang ating ministeryo upang saganang gantimpalaan ni Jehova ang ating katapatan.