Gumawa Nang Higit Pa sa Ating Ministeryo
1 Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na lumakad sa daan ng Diyos at ‘patuloy na gawin iyon nang lubus-lubusan.’ (1 Tes. 4:1) Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Dapat tayong laging maghanap ng mga paraan upang makibahagi nang higit pa sa mga gawaing espirituwal, at laging magsikap na ‘lubusang ganapin ang ating ministeryo.’—2 Tim. 4:5.
2 Motibo: Ang paggawa nang higit sa ministeryo ay udyok ng ating hangaring maglingkod nang lubus-lubusan sa ating Maylalang. Nais nating maging may-gulang sa espirituwal at maghanap ng mga paraan para pasulungin ang ating ministeryo. Kung mayroon tayong magandang rutin at tamang motibo, maaabot natin ang ating teokratikong mga tunguhin.—Aw. 1:1, 2; Fil. 4:6; Heb. 10:24, 25.
3 Upang mapalawak ang ating ministeryo, kailangan nating maging mapagbigay at mapagsakripisyo sa sarili. Malilinang natin ang mga katangiang ito kung bubulay-bulayin natin ang mainam na halimbawa ni Jesus at ipananalangin nating matularan ito. (Mat. 20:28) Nakadama ng malaking kaligayahan si Jesus sa paglilingkod niya sa iba sa kaniyang buong ministeryo. (Gawa 20:35) Matutularan natin siya kung magpapakita tayo ng personal na interes sa mga tao at magiging alisto sa mga pagkakataong gumawa nang higit pa sa ating ministeryo.—Isa. 6:8.
4 Papel ng mga Magulang: Maikikintal sa mga bata sa napakamurang edad ang pagnanais na maglingkod sa iba at mapalawak ang ministeryo. Mapapansin ng mga kabataan ang kasigasigan ng kanilang mga kapamilya at ang aktibong pakikibahagi ng mga ito sa pagpapalawak ng kanilang ministeryo. Isang brother na sumasama sa kaniyang lolo sa mga gawain sa kongregasyon noong bata pa siya ang naudyukang gumawa nang higit pa sa ministeryo. Ang kasigasigan at kagalakan ng kaniyang lolo ang nagpakilos sa kaniya na humanap ng mga pagkakataong mapaglingkuran ang mga kapatid. Isa na siya ngayong ministeryal na lingkod.
5 Pribilehiyo Para sa mga Brother: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan . . . , siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa.” (1 Tim. 3:1) Pinasisigla ng mga salitang ito ang mga brother na magsikap para maging kuwalipikado sa higit pang pribilehiyo ng paglilingkod sa organisasyon ni Jehova. Hindi ito nangangailangan ng bukod-tanging talino o kakayahan. Inuuna ng isang brother na umaabot sa pribilehiyo ang Kaharian at masigasig siya sa ministeryo. (Mat. 6:33; 2 Tim. 4:5) Sinisikap niyang maging mabuting halimbawa sa iba.
6 Sa Buong Daigdig: Pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon ng ani. (Isa. 60:22) May apurahang pangangailangan para sa lahat ng tumutulad sa halimbawa ni Jesus na gawin ang kanilang ministeryo nang lubus-lubusan. Ayon sa pandaigdig na ulat para sa 2006 taon ng paglilingkod, 248,327 ang nabautismuhan. Nangangahulugan ito na may mahigit 680 baguhan araw-araw! Patuloy nawa tayong maghanap ng mga paraan para gawin ang ating ministeryo nang lubus-lubusan.