Mga Kabataang Brother, Umaabot ba Kayo ng mga Pribilehiyo?
1. Kailan dapat simulang ikapit ng kabataang brother ang tagubilin sa 1 Timoteo 3:1?
1 “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan . . . , siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa.” (1 Tim. 3:1) Pinatitibay ng tekstong ito ang mga brother na abutin ang mga kuwalipikasyon para maging karapat-dapat sa mga pribilehiyo sa kongregasyon. Kailangan bang maging adulto muna bago gawin ito? Ang totoo, makabubuting magsikap ka nang umabot ng mga pribilehiyo habang kabataan ka pa. Sa gayon, makatatanggap ka ng pagsasanay at maipakikita mong karapat-dapat kang maatasan bilang ministeryal na lingkod sa kalaunan. (1 Tim. 3:10) Kung isa kang bautisadong kabataang brother, paano ka aabot ng mga pribilehiyo?
2. Paano mo malilinang at maipakikita ang mapagsakripisyong saloobin?
2 Pagsasakripisyo: Tandaan na ang inaabot mo ay isang mainam na gawa, hindi isang titulo o posisyon. Kaya linangin ang hangaring tumulong sa mga kapatid. Ang isang paraan para magawa ito ay ang pagbubulay-bulay sa magandang halimbawa ni Jesus. (Mat. 20:28; Juan 4:6, 7; 13:4, 5) Hilingin kay Jehova na tulungan kang maging interesado sa iba. (1 Cor. 10:24) Maaari ka bang tumulong sa mga kakongregasyon mo na may-edad na o may-kapansanan? Nagboboluntaryo ka ba sa pagtatabas ng damo, paglalampaso ng sahig, o iba pang gawain para sa pagmamantini ng Kingdom Hall? Puwede ka bang pumalit, kahit biglaan, sa mga estudyanteng hindi makagaganap ng kanilang bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo? Makikita mong masusuklian ng kagalakan ang pagtulong mo sa iba.—Gawa 20:35.
3. Gaano kahalaga ang matibay na espirituwalidad, at paano ito malilinang?
3 Espirituwalidad: Mas mahalagang taglayin ng isang lingkod sa kongregasyon ang matibay na espirituwalidad kaysa sa pambihirang talento o likas na kakayahan. Sinisikap ng isang taong espirituwal na tularan ang pangmalas ni Jehova at ni Jesus. (1 Cor. 2:15, 16) Nagpapakita siya ng “bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Isa siyang masigasig na ebanghelisador at inuuna niya ang Kaharian. (Mat. 6:33) Bukod sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, malilinang mo ang espirituwal na mga katangian kung mahusay ang rutin mo sa personal na pag-aaral. Kasama rito ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw, pagbabasa ng bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising!, at paghahanda para sa mga pulong. (Awit 1:1, 2; Heb. 10:24, 25) Noong pinasisigla niya ang kabataang si Timoteo na sumulong sa espirituwal, sumulat si Pablo: “Laging bigyang-pansin ang . . . iyong turo.” (1 Tim. 4:15, 16) Kaya gampanang mabuti ang iyong mga bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Maghanda sa ministeryo, at makibahagi rito nang regular. Magtakda at umabot ng espirituwal na mga tunguhin, gaya ng pagpapayunir, paglilingkod sa Bethel, o pag-aaral sa Bible School for Single Brothers. Makatutulong sa iyo ang matibay na espirituwalidad para ‘makatakas mula sa mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan.’—2 Tim. 2:22.
4. Bakit mahalaga ang pagiging maaasahan at matapat?
4 Pagiging Maaasahan at Matapat: Yamang ang mga kapatid na inatasang mamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga Kristiyano noong unang siglo ay “may patotoo,” o kilalang maaasahan at tapat, hindi nag-alala ang mga apostol kung magagampanan ng mga ito ang atas. Kaya nakapagpokus ang mga apostol sa iba pang mahahalagang bagay. (Gawa 6:1-4) Sa ngayon, kapag binigyan ka ng atas sa kongregasyon, gampanan mo itong mabuti. Tularan mo si Noe, na maingat na sumunod sa mga tagubilin sa pagtatayo ng arka. (Gen. 6:22) Ang katapatan ay pinahahalagahan ni Jehova at katibayan ito ng espirituwal na pagkamaygulang.—1 Cor. 4:2; tingnan ang kahong “Pakinabang sa Pagsasanay.”
5. Bakit dapat umabot ng mga pribilehiyo ang mga kabataang brother?
5 Gaya ng inihula, pinabibilis ni Jehova ang pagtitipon. (Isa. 60:22) Taun-taon, mga sangkapat ng isang milyon ang nababautismuhan. Yamang napakaraming baguhan ang yumayakap sa katotohanan, kailangan ang kuwalipikadong espirituwal na mga lalaki na mag-aasikaso sa mga pananagutan sa kongregasyon. Ngayon higit kailanman, napakarami nating dapat gawin sa gawain ng Panginoon. (1 Cor. 15:58) Mga kabataang brother, umaabot ba kayo ng mga pribilehiyo? Kung gayon, nagnanasa kayo ng isang napakainam na gawa!
[Blurb sa pahina 2]
Yamang napakaraming baguhan ang yumayakap sa katotohanan, kailangan ang kuwalipikadong espirituwal na mga lalaki na mag-aasikaso sa mga pananagutan sa kongregasyon
[Kahon sa pahina 3]
Pakinabang sa Pagsasanay
Nakikinabang ang kuwalipikadong mga kabataang brother kapag binibigyan sila ng atas at sinasanay ng mga elder. Pagkatapos ng pulong, nakaupo sa stage ang isang tagapangasiwa ng sirkito kasama ang isang mamamahayag na pinatitibay niya. Napansin niya ang isang batang lalaki na nakatayo malapit sa stage, kaya nagtanong siya kung may gusto bang sabihin ang bata. Sinabi ng bata na siya ang naatasang mag-vacuum ng stage pagkatapos ng bawat pulong. Nakahanda nang umuwi ang mga magulang niya, pero ayaw niyang umalis nang hindi ito nagagampanan. Kaya naman bumaba ng stage ang tagapangasiwa ng sirkito. Sinabi niya: “Regular na sinasanay ng mga elder sa kongregasyong iyon ang kuwalipikadong mga kabataang brother sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng atas. Kaya karaniwan nang may nairerekomenda silang maging ministeryal na lingkod tuwing dumadalaw ako sa kanilang kongregasyon.”