Kailangan ang Tulong Mo
1 “Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para sa amin. Talagang nakikinabang kami rito.” Malinaw na ipinahahayag ng komentong iyan ang nadarama nating pasasalamat sa ating mga elder at ministeryal na lingkod. Dahil sa patuloy na paglago ng organisasyon ng Diyos, laging kailangan ang may-gulang na mga lalaki upang maglingkod sa halos 100,000 kongregasyon sa buong daigdig. Kung isa kang bautisadong kapatid na lalaki, kailangan ang tulong mo.
2 ‘Pag-abot’: Paano mo maaabot ang karagdagang mga pribilehiyo sa paglilingkod? (1 Tim. 3:1) Pangunahin nang sa pamamagitan ng pagiging mainam na halimbawa sa lahat ng pitak ng iyong buhay. (1 Tim. 4:12; Tito 2:6-8; 1 Ped. 5:3) Lubusang makibahagi sa gawaing pangangaral, at tulungan ang iba na gayundin ang gawin. (2 Tim. 4:5) Magpakita ng taimtim na interes sa kapakanan ng iyong mga kapananampalataya. (Roma 12:13) Maging masigasig na estudyante ng Salita ng Diyos, at linangin ang “sining ng pagtuturo.” (Tito 1:9; 1 Tim. 4:13) Masikap na gampanan ang mga atas na ipinagkatiwala sa iyo ng mga elder. (1 Tim. 3:10) Kung isa kang ulo ng pamilya, ‘mamuno sa iyong sariling sambahayan sa mahusay na paraan.’—1 Tim. 3:4, 5, 12.
3 Kailangan ang masikap na paggawa at espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili upang magampanan ang tungkulin ng isang ministeryal na lingkod o elder. (1 Tim. 5:17) Kaya kapag inaabot ang mga pribilehiyong ito, magtuon ng pansin sa mapagpakumbabang paglilingkod sa iba. (Mat. 20:25-28; Juan 13:3-5, 12-17) Bulay-bulayin ang naging saloobin ni Timoteo, at sikaping tularan iyon. (Fil. 2:20-22) Gaya niya, hayaan mong ang iyong mainam na paggawi ang magrekomenda sa iyo. (Gawa 16:1, 2) Habang nililinang mo ang espirituwal na mga katangiang kailangan sa paghawak ng karagdagang mga pribilehiyo at ikinakapit ang anumang payong ibinibigay ng iba upang sumulong ka, ‘ang iyong pagsulong ay mahahayag sa lahat ng mga tao.’—1 Tim. 4:15.
4 Mga Magulang, Sanayin ang Inyong mga Anak na Tumulong: Maaari nang matutong tumulong ang mga bata kahit sa napakamurang edad pa lamang. Sanayin silang magtuon ng pansin sa mga pulong, mangaral, at maging halimbawa sa paggawi kapag nasa Kingdom Hall at paaralan. Turuan silang maglingkod sa iba, gaya ng pakikibahagi sa paglilinis ng Kingdom Hall, pagtulong sa mga may-edad na, at iba pa. Hayaang madama nila ang kasiyahang nagmumula sa pagbibigay. (Gawa 20:35) Ang gayong pagsasanay ay tutulong sa kanila upang maging mga payunir, ministeryal na lingkod, at elder sa hinaharap.