KABANATA 6
Mga Ministeryal na Lingkod na Mahalaga ang Paglilingkod
SUMULAT si apostol Pablo sa kongregasyon sa Filipos: “Akong si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Kristo Jesus, ay sumusulat sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus sa Filipos, pati na sa mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Fil. 1:1) Pansinin na binati niya ang mga ministeryal na lingkod. Maliwanag na may mahalagang papel ang mga lalaking ito sa pagtulong sa mga elder sa kongregasyon noon. Ganiyan din sa ngayon. Maraming ginagawa ang mga ministeryal na lingkod na nakatutulong sa mga tagapangasiwa at sa kaayusan ng kongregasyon.
2 Kilala mo ba ang mga ministeryal na lingkod sa inyong kongregasyon? Alam mo ba ang ginagawa nila na nakatutulong sa iyo at sa buong kongregasyon? Talagang pinahahalagahan ni Jehova ang pagsisikap ng mga lalaking ito. Isinulat ni Pablo: “Ang mga lalaking naglilingkod sa mahusay na paraan ay nagkakaroon ng magandang reputasyon at malaking kalayaan sa pagsasalita tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus.”—1 Tim. 3:13.
MAKAKASULATANG MGA KAHILINGAN PARA SA MGA MINISTERYAL NA LINGKOD
3 Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na namumuhay ayon sa pamantayang Kristiyano, responsable, at maayos sa pagganap ng mga atas. Kitang-kita ito sa sinabi ni Pablo sa liham niya kay Timoteo tungkol sa kuwalipikasyon ng mga ito: “Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat ding maging seryoso, hindi mapanlinlang ang pananalita, hindi malakas uminom ng alak, hindi sakim sa pakinabang, at nanghahawakan sa sagradong lihim ng pananampalataya nang may malinis na konsensiya. Isa pa, subukin muna sila kung karapat-dapat sila; at kung malaya sila sa akusasyon, hayaan silang maglingkod bilang ministeryal na lingkod. Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat na asawa ng isang babae at namumuno sa kanilang pamilya sa mahusay na paraan, lalo na sa kanilang mga anak.” (1 Tim. 3:8-10, 12) Ang pagsunod sa mataas na pamantayan sa paghirang ng mga ministeryal na lingkod ay nagsasanggalang sa kongregasyon laban sa mga akusasyon tungkol sa uri ng mga lalaking inaatasan ng pantanging mga pananagutan.
4 Anuman ang edad ng mga ministeryal na lingkod, aktibo sila sa ministeryo kada buwan. Tinutularan nila ang sigasig ni Jesus sa ministeryo. Dahil dito, nakikita sa kanila ang kagustuhan ni Jehova na iligtas ang mga tao.—Isa. 9:7.
5 Ang mga ministeryal na lingkod ay huwaran din sa pananamit, pag-aayos, pananalita, saloobin, at paggawi. Matino ang kanilang pag-iisip kaya iginagalang sila. Bukod diyan, napakahalaga sa kanila ng kaugnayan nila kay Jehova at seryoso nilang ginagampanan ang kanilang atas sa kongregasyon.—Tito 2:2, 6-8.
6 Ang mga lalaking ito ay ‘sinubok muna kung karapat-dapat sila.’ Bago sila hirangin, napatunayan nilang tapat sila. Inuuna nila sa kanilang buhay ang kapakanan ng Kaharian at sinisikap nilang abutin ang mga pribilehiyong bukás sa kanila. Talagang huwaran sila sa kongregasyon.—1 Tim. 3:10.
KUNG PAANO SILA NAGLILINGKOD
7 Malaki ang naitutulong ng mga ministeryal na lingkod sa mga kapatid, kaya naman mas maraming panahon ang mga tagapangasiwa sa pagtuturo at pagpapastol. Kapag nagbibigay ng atas, isinasaalang-alang ng lupon ng matatanda ang kakayahan ng mga ministeryal na lingkod at ang pangangailangan ng kongregasyon.
Malaki ang naitutulong ng mga ministeryal na lingkod kaya naman mas maraming panahon ang mga tagapangasiwa sa pagtuturo at pagpapastol
8 Ito ang ilan sa mga atas nila: May ministeryal na lingkod na nag-aasikaso ng mga literatura para makakuha tayo ng personal na kopya at ng magagamit natin sa ministeryo. Ang ilan ay nag-aasikaso ng accounts ng kongregasyon o mga rekord ng teritoryo. Ang iba naman ay inaatasang mag-abot ng mikropono, mag-operate ng sound system, maging attendant, at tumulong sa mga elder sa iba pang gawain. Maraming kailangang gawin para mamantini ang Kingdom Hall at mapanatili itong malinis, kaya ang mga ministeryal na lingkod ay madalas na hinihilingang tumulong sa pag-aasikaso sa mga ito.
9 Sa ilang kongregasyon, baka posibleng makapag-atas ng isang ministeryal na lingkod para sa bawat gawain. Sa iba naman, maaaring higit sa isang atas ang inaasikaso ng isang ministeryal na lingkod. May pagkakataon namang mahigit sa isang ministeryal na lingkod ang inaatasan sa isang partikular na gawain. Kung kulang ng ministeryal na lingkod na mag-aasikaso sa ilang gawain, maaaring atasan ng lupon ng matatanda ang ibang huwarang bautisadong brother para gampanan ito. Dahil dito, magkakaroon sila ng karanasan na mapapakinabangan nila kapag kuwalipikado na silang maging mga ministeryal na lingkod. Kung walang brother na puwedeng atasan, maaaring hilingan ang isang huwarang sister na tumulong sa ilang gawain, pero siyempre, hindi siya hihirangin bilang ministeryal na lingkod. Masasabing huwaran ang isang brother o sister kung ang kaniyang paggawi at pagsamba ay maituturing na karapat-dapat tularan. Dapat na mabuting halimbawa siya sa pagdalo sa pulong, pakikibahagi sa ministeryo, buhay pampamilya, pagpili ng libangan, pananamit at pag-aayos, at iba pa.
10 Sa mga kongregasyon na iilan lang ang elder, maaaring atasan ang kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod para magrepaso sa mga kandidato sa bautismo may kinalaman sa mga doktrina. Makikita ito sa Apendise “Bahagi 1: Paniniwala ng mga Kristiyano.” Ang “Bahagi 2: Pamumuhay Bilang Kristiyano” ay naglalaman ng sensitibo at personal na mga bagay, kaya isang elder ang dapat na tumalakay sa seksiyong ito.
11 Baka makita ng lupon ng matatanda na makakabuting pagpalit-palitin sa pana-panahon ang ilang atas ng mga ministeryal na lingkod. Pero mas mabuti kung hahawakan ng mga brother ang isang atas nang matagal-tagal para magamay nila ito at maging makaranasan.
12 Depende sa kalagayan, maaaring may iba pang mga gawain na maiaatas sa mga ministeryal na lingkod na ang pagsulong ay ‘kita ng lahat.’ (1 Tim. 4:15) Kung kulang ang elder, puwedeng atasan ang isang ministeryal na lingkod bilang assistant ng tagapangasiwa ng grupo o, sa ilang pagkakataon, bilang lingkod ng grupo, na nasa ilalim ng mahusay na pangangasiwa ng mga elder. May ilang bahagi sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo na maaaring iatas sa kanila, kasama na ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya kung kailangan. Puwede rin silang atasang magbigay ng pahayag pangmadla. Maaaring iatas sa mga ministeryal na lingkod ang iba pang mga pribilehiyo kapag may partikular na pangangailangan at kung naaabot nila ang mga kahilingan para dito. (1 Ped. 4:10) Dapat na bukal sa puso ang pagtulong ng mga ministeryal na lingkod sa mga elder.
13 Iba ang gawain nila sa mga elder, pero sagradong paglilingkod pa rin ito sa Diyos at mahalaga para maging maayos ang takbo ng kongregasyon. Pagdating ng panahon, kapag mahusay na ginagampanan ng mga ministeryal na lingkod ang kanilang mga pananagutan at naging kuwalipikado bilang pastol at guro, maaari silang irekomenda bilang elder.
14 Kung isa kang brother na tin-edyer o bagong bautisado, sinisikap mo bang maging kuwalipikado bilang isang ministeryal na lingkod? (1 Tim. 3:1) Napakaraming nababautismuhan taon-taon, kaya kailangan ang kuwalipikadong espirituwal na mga lalaki para mag-asikaso ng mga pananagutan sa kongregasyon. Makaaabót ka ng pribilehiyo kung pasisidhiin mo ang pagnanais na tumulong. Ang isang paraan para magawa ito ay ang pagbubulay-bulay sa magandang halimbawa ni Jesus. (Mat. 20:28; Juan 4:6, 7; 13:4, 5) Lalo mong nanaising tumulong habang nadarama mo ang kagalakang dulot ng pagbibigay. (Gawa 20:35) Kaya magboluntaryo sa pagtulong sa iba, sa pagmamantini ng Kingdom Hall, o sa paghalili sa mga estudyanteng may bahagi sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Kasama sa pag-abot ng pribilehiyo ang pagkakaroon ng espirituwal na mga katangian na resulta ng magandang rutin ng personal na pag-aaral. (Awit 1:1, 2; Gal. 5:22, 23) Bukod diyan, ang isang brother na umaabót ng pribilehiyo ay maaasahan at tapat sa pagganap ng mga atas sa kongregasyon.—1 Cor. 4:2.
15 Ang mga ministeryal na lingkod ay hinirang ng banal na espiritu para sa kapakanan ng kongregasyon. Maipapakita ng lahat ng nasa kongregasyon ang pagpapahalaga nila sa pagpapagal ng mga ministeryal na lingkod kapag nakikipagtulungan sila sa mga lalaking ito. Sa ganitong paraan, naipapakita ng kongregasyon na pinahahalagahan nila ang paglalaan ni Jehova para manatiling maayos ang sambahayan.—Gal. 6:10.