Pagpapanatili ng Pagkakasuwato sa Pagitan ng Matatanda at ng Ministeryal na mga Lingkod
DI-NAGTAGAL pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., isang biglaang pangangailangan ang bumangon sa bagong katatatag na kongregasyong Kristiyano. Isang kaayusan ang itinatag upang mag-asikaso sa nangangailangang mga babaing balo. Subalit pagkaraan ng ilang panahon “nagkaroon ng bulung-bulungan sa bahagi ng mga Judiong nagsasalita ng Griego laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi.”—Gawa 6:1.
Ang mga reklamong ito ay nakarating sa pandinig ng mga apostol. “Kaya tinawag ng labindalawa ang karamihan ng mga alagad sa kanila at sinabi: ‘Hindi kalugud-lugod para sa amin na iwanan ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain sa mga mesa. Kaya, mga kapatid, humanap kayo para sa inyong mga sarili ng pitong pinatotohanang mga lalaki mula sa gitna ninyo, puspos ng espiritu at karunungan, upang maatasan namin sila sa kinakailangang gawaing ito.’ ”—Gawa 6:2, 3.
Inilalarawan nito ang isang mahalagang simulain ng organisasyon sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Ginagamit ang ilang responsableng mga lalaki upang mag-asikaso sa ilang bagay na palagiang ginagawa, samantalang ang iba naman ay nag-aasikaso ng mas mabibigat na espirituwal na bagay. Ito’y may batayan. Sa sinaunang Israel, hinirang si Aaron at ang kaniyang mga inapo upang maglingkod bilang mga saserdote na maghahandog ng mga hain sa Diyos. Gayunman, itinagubilin ni Jehova na ang mga Levita ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng ‘pangangalaga sa lahat ng mga kasangkapan sa tolda ng kapisanan.’ (Bilang 3:5-10) Sa katulad na paraan, ang mga tagapangasiwa sa ngayon ay tinutulungan ng ministeryal na mga lingkod.
Ang Papel na Ginagampanan ng Matatanda at ng Ministeryal na mga Lingkod
Binabalangkas sa Kasulatan ang matataas na kuwalipikasyon kapuwa para sa matatanda at sa ministeryal na mga lingkod. (1 Timoteo 3:1-10, 12, 13; Tito 1:6-9) Sila’y hindi magkakakompetensiya kundi gumagawa ukol sa iisang tunguhin—ang pagpapatibay sa kongregasyon. (Ihambing ang Efeso 4:11-13.) Gayunpaman, may ilang pagkakaiba sa gawaing ginagampanan nila sa kongregasyon. Sa 1 Pedro 5:2, ang mga tagapangasiwa ay sinasabihan: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-matapat na pakinabang, kundi may pananabik.” Sila’y magsusulit sa Diyos kung papaano nila isinasagawa ang banal na ipinagkatiwalang ito.—Hebreo 13:17.
Kumusta naman ang ministeryal na mga lingkod? Ang Kasulatan ay hindi humihiling na sila ay magkaroon ng gayunding kuwalipikasyon sa kanilang kakayahang magturo. Ang kanilang mga tungkulin ay may kaunting pagkakaiba sa taglay ng matatanda. Noong unang siglo C.E., walang alinlangan na marami sa mga bagay na materyal, palagian, o mekanikal ang nangangailangan ng pansin, marahil kasali na ang pagbili ng gamit para sa pagkopya ng Kasulatan o maging ang paggawa ng kopya mismo.
Sa ngayon, patuloy na ginagampanan ng ministeryal na mga lingkod ang sari-saring mahahalagang gawain sa loob ng kongregasyon, tulad halimbawa ng pag-aasikaso sa kuwenta at mga teritoryo ng kongregasyon, pamamahagi ng mga magasin at mga aklat, at pangangalaga ng Kingdom Hall. Ang ilang ministeryal na mga lingkod na may kakayahan ay maaari pa ring gamitin sa pagtuturo, kung minsan sa pangangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, pagganap ng mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod, at pagbibigay ng mga pahayag pangmadla.
Kapag ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay gumagawang magkakasama nang may pagkakasuwato, ang mga pangangailangan ng kongregasyon—kapuwa espirituwal at pang-organisasyon—ay naaasikaso sa isang timbang na paraan. Ang mga miyembro ng kongregasyon kung magkagayon ay may kagalakan, malalakas, at mabunga sa espirituwal. Gunitain ang isinulat ni Pablo sa mga pinahiran sa Efeso: “Palibhasa’y pinagsama-samang magkakasuwato at pinapangyaring magkatulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan na nagbibigay ng kung ano ang kinakailangan, ayon sa pagkilos ng bawat isang sangkap sa kaukulang sukat, ay gumagawa tungo sa paglaki ng katawan ukol sa pagpapatibay sa sarili nito sa pag-ibig.”—Efeso 4:16.
Ang matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay kailangang magsikap na magpaunlad ng nakakatulad na pagkakasuwato, alalaong baga, pagkakasundo, pagiging kaayon, pagtutulungan, at pagkakaisa. Gayunman, ang gayong pagkakasuwato ay hindi dumarating nang kusa. Kailangang linangin at maingat na bantayan iyon.
Ang Magagawa ng Matatanda
Isang mahalagang hakbang ang kilanlin na ang kaugnayan ng isang matanda sa isang ministeryal na lingkod ay hindi yaong gaya ng sa isang panginoon sa isang alipin o ng isang amo sa isang empleyado. Kung saan may tunay na pagkakasuwato, mamalasin ng matatanda ang ministeryal na mga lingkod bilang kapuwa mga ministro ng Diyos. (Ihambing ang 1 Corinto 3:6-9.) “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo,” ang sabi ng Roma 12:10. Samakatuwid ay iiwasan ng matatanda na pakitunguhan ang ministeryal na mga lingkod sa mga paraan na tila nagpapababa o humahamak. Kanilang pinatitibay-loob, sa halip na sinisira, ang kapaki-pakinabang na pagkukusa. Ang pakikitungo sa ministeryal na mga lingkod nang may paggalang ay pumupukaw ng pinakamaiinam na mga katangian sa kanila at tumutulong sa kanila upang masiyahan sa kanilang gawain sa kongregasyon.
Dapat ding isaisip ng matatanda na sa kanilang atas na magpastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pangangalaga ay kasali ang mga kapatid na ministeryal na lingkod. Totoo, ang gayong responsableng mga lalaki ay inaasahang maging may gulang na mga Kristiyano. Gayunpaman, tulad ng iba pa sa kawan, sila’y nangangailangan ng personal na atensiyon sa pana-panahon. Ang matatanda ay dapat na lubhang interesado sa kanilang espirituwal na pagsulong.
Halimbawa, nang makilala ni apostol Pablo ang binatang si Timoteo, agad niyang natalos ang potensiyal ni Timoteo at “ipinahayag ang pagnanasa na ang lalaking ito ay makasama niyang umalis.” (Gawa 16:3) Si Timoteo ay nagsilbing kasamahan ni Pablo sa paglalakbay, kaya naman siya’y tumanggap ng napakahalagang pagsasanay. Aba, makalipas ang mga taon si Pablo ay naaaring makasulat sa mga Kristiyano sa Corinto: “Isinusugo [ko] sa inyo si Timoteo, yamang siya ang aking iniibig at tapat na anak sa Panginoon; at ilalagay niya sa inyong isipan ang aking mga pamamaraan may kaugnayan kay Kristo Jesus”!—1 Corinto 4:17.
Kayong matatanda, sinimulan na ba ninyong gamitin ang buong potensiyal ng ministeryal na mga lingkod sa inyong kongregasyon? Tinutulungan ba ninyo sila na sumulong sa pamamagitan ng personal na pagsasanay sa kanila sa pagpapahayag sa madla at sa pagsasaliksik sa Bibliya? Inaanyayahan ba ninyo ang mga kuwalipikado na sumama sa inyo sa gawaing pagpapastol? Kayo ba’y gumagawang kasama nila sa ministeryo sa larangan? Sa talinghaga ni Jesus ng mga talento, ganito ang sabi ng panginoon sa kaniyang tapat na mga lingkod: “Mahusay, mabuti at tapat na alipin!” (Mateo 25:23) Kayo ba ay bukas-palad din sa pagbibigay ng papuri at komendasyon sa ministeryal na mga lingkod na may kapakumbabaang gumaganap ng kanilang mga atas sa mainam na paraan? (Ihambing ang Kawikaan 3:27.) Kung hindi, madarama kaya nila na ang kanilang gawain ay hindi pinahahalagahan?
Mahalaga rin naman ang komunikasyon sa isang may pagkakasuwatong ugnayan sa paggawa. (Ihambing ang Kawikaan 15:22.) Ang mga tungkulin ay hindi dapat iatas o alisin sa isang sapilitan o padalus-dalos na paraan. Dapat na may pananalanging talakayin ng matatanda kung papaano pinakamagaling na magagamit sa kongregasyon ang mga kakayahan ng isang kapatid na lalaki. (Ihambing ang Mateo 25:15.) Pagka gumawa ng isang atas, kailangang lubusang itagubilin sa isang kapatid kung ano talaga ang kahilingan sa kaniya. “Kung saan walang mahusay na patnubay,” ang babala ng Kawikaan 11:14, “ang bayan ay nabubuwal.”
Hindi mainam na sabihin na lamang sa kapatid na siya ang mag-asikaso ng kuwenta, mga magasin, o departamento ng literatura na dating ginagampanan ng ibang lingkod. Kung minsan ay minamana ng isang bagong kaaatas na lingkod ang isang talaksan ng di-wasto o di-kompletong mga rekord. Nakalulungkot naman! “Ang lahat ng bagay ay maganap nawa nang disente at ayon sa kaayusan,” ang payo ng 1 Corinto 14:40. Ang matatanda ang dapat magkusa na sanayin ang mga kapatid, anupat tinuturuan sila ng pangkongregasyong mga paraan at nagpapakita mismo ng halimbawa sa pagsunod sa gayong mga paraan. Halimbawa, isasaayos ng matatanda na ang mga kuwenta ng kongregasyon ay masuri tuwing tatlong buwan. Ang pagpapabaya sa gayong mahalagang kaayusan ay maaaring humantong sa mga suliranin at pahinain ang paggalang ng ministeryal na mga lingkod sa pang-organisasyong mga tagubilin.
Subalit ipagpalagay na waring pabaya ang isang kapatid sa pagganap ng isang pantanging atas? Sa halip na agad-agad na alisin siya sa kaniyang atas, dapat makipag-usap sa kaniya ang mga matatanda tungkol sa bagay na iyon. Baka ang suliranin ay kakulangan ng pagsasanay. Kung ang kapatid ay patuloy na nagkakasuliranin sa pagganap ng kaniyang atas, marahil ay magagampanan niya nang mas mahusay ang ibang atas.
Maaari ring itaguyod ng matatanda ang pagkakasuwato sa pamamagitan ng pagpapakita ng kababaang-loob. Ang Filipos 2:3 ay humihimok sa mga Kristiyano na huwag gumawa “ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi nang may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” Kung gayon ay dapat makipagtulungan ang isang matanda kung pinauupo siya ng isang attendant sa isang upuan sa bulwagan, na hindi nangangatuwiran na dahilan sa siya’y isang matanda, hindi na siya kailangang sumunod. Marahil ay tumutupad lamang ang attendant sa mungkahi na maupo sa iba’t ibang panig ng bulwagan, subalit dapat niyang tandaan na walang alituntunin na lahat ay kailangang gumawa ng gayon.a Iiwasan ng isang matanda ang di-kinakailangang pagpapawalang-saysay sa mga desisyon tungkol sa mga bagay na naiatas sa isang ministeryal na lingkod.
Ang Ministeryal na mga Lingkod na Gumagawa Ukol sa Pagkakasuwato
“Ang mga ministeryal na lingkod ay dapat ding maging seryoso,” ang banggit ni apostol Pablo. (1 Timoteo 3:8) Kung seryosong mamalasin nila ang kanilang mga atas—bilang bahagi ng kanilang sagradong paglilingkuran—malaki ang magagawa upang maiwasan na magkaroon ng mga kaigtingan. Kung ikaw ay isang ministeryal na lingkod, ginagawa mo ba ang iyong mga tungkulin nang may kasiglahan? (Roma 12:7, 8) Pinagsisikapan mo bang maging bihasa sa paghawak ng iyong mga tungkulin? Ikaw ba’y mapagkakatiwalaan at maaasahan? Ikaw ba’y nagpapakita ng espiritu ng pagkukusa pagdating na sa mga atas? Isang ministeryal na lingkod sa isang bansa sa Aprika ang humahawak ng tatlong iba’t ibang atas sa kongregasyon. Ang kaniyang saloobin? “Buweno, nangangahulugan lamang iyan ng higit pang pagpapagal,” ang sabi niya, “at hindi mo naman ikamamatay ang pagpapagal.” Oo, yaong mga nagbibigay ng kanilang sarili ay nagtatamasa ng pinakamalaking kaligayahan.—Gawa 20:35.
Malaki rin ang magagawa mo upang itaguyod ang pagkakasuwato sa pamamagitan ng lubusang pakikipagtulungan sa matatanda. “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop,” ang sabi ng Hebreo 13:17, “sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.” Totoo, ang matatanda ay mga lalaking di-sakdal, at marahil ay madali na hanapan sila ng kapintasan. Subalit ang saloobing mapamintas ay naghahasik ng maling pagtitiwala. Maaaring sirain nito ang iyong kagalakan at makasamâ sa iba sa kongregasyon. Kaya si apostol Pedro ay nagpayo ng ganito: “Kayong mga nakababatang lalaki, magpasakop kayo sa mga nakatatandang lalaki. Subalit kayong lahat ay magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa . . . Samakatuwid, magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang maitaas niya kayo sa takdang panahon.”—1 Pedro 5:5, 6.
Ang gayong payo ay lalo nang angkop kung nadarama mo na ikaw ay nilalampasan sa mga pribilehiyo ng paglilingkod. Marahil ikaw ay “umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa,” subalit hindi ka hinihirang. (1 Timoteo 3:1) Ang kababaan ng isip ay makatutulong sa iyo upang mapanatili ang “isang saloobing naghihintay.” (Mga Panaghoy 3:24) Imbes na magtanim ng galit sa matatanda—na tiyak na makasisira sa inyong mabuting ugnayan—tanungin sila kung may mga pitak na maaari mong pasulungin. Ang iyong tunay na pagkukusang tanggapin at ikapit ang payo ay tiyak na makikitang katunayan ng iyong espirituwal na paglaki.
Ang maka-Diyos na pagpapakumbaba at kahinhinan ay makatutulong sa isang ministeryal na lingkod upang manatiling timbang kung siya’y may bukod-tanging mga kakayahan o may mga bentahang pang-edukasyon at panlipunan. Isang malaking tukso nga sa kaniya na sikaping daigin ang matatanda o itawag-pansin ang kaniyang sariling mga kakayahan! Pinaaalalahanan tayo ng Kawikaan 11:2 na “ang karunungan ay nasa mabababang-loob.” Ang isang kapatid na may mababang-loob ay nakababatid sa kaniyang mga limitasyon. Siya’y handang gumawang tahimik na nasa likuran at gamitin ang kaniyang mga kakayahan upang sumuporta sa matatanda. Ang kababaang-loob ay maaari ring tumulong sa kaniya na matanto na samantalang siya’y maaaring may malaking kaalaman sa makasanlibutang paraan, baka kulang pa rin siya sa mahahalagang pitak ng espirituwal na karunungan at pang-unawa—mga katangian na doo’y maaaring makahigit ang matatanda.—1 Corinto 1:26–2:13; Filipos 1:9.
Maliwanag, ang matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay gumaganap ng mahahalagang bahagi. Kung magkakasama sila’y maraming magagawa upang patibayin ang lahat sa kongregasyon. Subalit upang magawa ang gayon, sila’y kailangang gumawang magkakasama nang may pagkakasuwato, “na may buong kababaan ng pag-iisip at kahinahunan, na may mahabang-pagtitiis, na pinagtitiisan ang isa’t isa sa pag-ibig, na marubdob na pinagsisikapang tuparin ang pagiging-isa ng espiritu sa nagbubuklod na bigkis ng kapayapaan.”—Efeso 4:2, 3.
[Talababa]
[Mga larawan sa pahina 27]
Minamalas ng matatanda ang ministeryal na mga lingkod, hindi bilang nakabababa sa kanila, kundi bilang kapuwa mga ministro ng Diyos