Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 6/8 p. 24-28
  • Mga Ministeryal na Lingkod—Manatili sa Mainam na Katayuan!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Ministeryal na Lingkod—Manatili sa Mainam na Katayuan!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagkabinata at Pag-aasawa
  • Hanapbuhay at Materyalismo
  • Katapatan sa Kaharian ng Diyos
  • Kailangan ang Lalong Higit na Karanasan
  • Pagtagumpayan ang Panghihina ng Loob
  • Kung Paano Makatutulong ang Iba
  • Mga Ministeryal na Lingkod—Pagpapala sa Bayan ni Jehova
    Gumising!—1986
  • Mga Ministeryal na Lingkod na Mahalaga ang Paglilingkod
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
  • Pagpapanatili ng Pagkakasuwato sa Pagitan ng Matatanda at ng Ministeryal na mga Lingkod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 6/8 p. 24-28

Mga Ministeryal na Lingkod​—Manatili sa Mainam na Katayuan!

“Ang mga lalaki na naglilingkod na mainam ay nagtatamo sa kanilang sarili ng mainam na katayuan at malaking kalayaan ng pagsasalita sa pananampalataya tungkol kay Kristo Jesus.”​—1 TIMOTEO 3:13.

1. Pagkatapos ng kaniyang pagkahirang bilang isang ministeryal na lingkod, ano ang dapat na tunguhin ng isang lalaki, at ano ang dapat na naising gawin ng mga iba pa sa kongregasyon?

ANG mga lalaking ngayo’y mga ministeryal na lingkod ay ‘nasubok na muna kung karapat-dapat.’ (1 Timoteo 3:10) Ngunit ang kanilang pagkahirang ay hindi siyang katapusan ng bagay na iyan. Ang kanilang tunguhin ay patuloy na ‘magtamo para sa kanilang sarili ng isang mainam na katayuan’ sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin sa “mainam na paraan.” (1 Timoteo 3:13) Bawat membro ng nagkakaisang kongregasyong Kristiyano ay magnanais na suportahan sila upang magtagumpay sila sa tunguhing ito.

2. Paanong ang mga membro ng kongregasyon ay naaapektuhan ng ginagawa ng ministeryal na mga lingkod?

2 Ipinakita ni apostol Pablo na lahat ng membro ng espirituwal na katawan ni Kristo ay nakikinabang sa pamamagitan ng paggawang sama-sama at pag-aasikaso sa isa’t isa. (1 Corinto 12:12-31) Gayundin naman, pagka ginagawa ng mga ministeryal na lingkod ang kanilang bigay-Diyos na gawain sa “mainam na paraan,” bawat membro ng kasalukuyang-panahong kongregasyong Kristiyano ay nakikinabang. Subalit pagka ang ministeryal na mga lingkod ay may mga problema na humahadlang sa kanila sa hustong pagganap sa kanilang mga tungkulin, baka ito’y magdulot ng suliranin sa lahat ng membro ng kongregasyon.

3. (a) Anong mga problema ang dinaranas ng lahat ng mga lingkod ni Jehova? (b) Ano ang ipinakikita ng isang surbey kamakailan?

3 Lahat ng mga lingkod ni Jehova ay may iisang pakikipagbaka, “pakikipagbaka hindi laban sa dugo at laman, kundi . . . laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa mga dakong kalangitan.” (Efeso 6:12) Gayundin, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay may pakikipagbaka laban sa kanilang sariling mga di-kasakdalan at makasalanang mga hilig. Bilang isang grupo, gayunman, ang ministeryal na mga lingkod ay nakaharap sa mga problema nang lalong higit kaysa mga ibang grupo ng mga Saksi ni Jehova. Para matulungan tayo na maunawaan ang bagay na ito nariyan ang kamakailan lamang na surbey ng mahigit na 320 mga kongregasyon na may 1,360 mga ministeryal na lingkod sa isang bansa sa kanlurang Europa.

Pagkabinata at Pag-aasawa

4. Paano dapat malasin ng wala pang asawang mga ministeryal na lingkod ang kanilang pagkabinata, at anong pampatibay-loob ang maibibigay sa kanila ng iba?

4 Ayon sa surbey, mahigit-higit lamang na 10 porsiyento ng mga ministeryal na lingkod ang binata pa. Sa gayo’y nagtatamasa sila ng kalayaan buhat sa mga ilang pananagutan na binabalikat ng halos 90 porsiyento ng mga may-asawa na. Subalit ang mga kapatid na binata ay kailangang pakaingat at huwag gamitin ang kalayaang ito tangi lamang sa personal na mga kapakanan na tulad halimbawa ng labis na paglilibang o sosyal na mga pakikihalubilo. Huwag din nilang payagan na ang likas na paghahangad na mag-asawa ang mangibabaw sa kanila sa anumang bagay sa buhay. (Mateo 6:33) Ni huwag nilang payagan na ang panggigipit buhat sa kanilang mga kaibigang may-asawa na ang humila sa kanila sa isang padalus-dalos o di-matalinong pag-aasawa. At, tunay, ang mga Kristiyanong may malasakit sa isa’t isa ay gagalang sa kanilang mga kapananampalataya na nagpasiyang huwag munang mag-asawa at kanilang hihimukin ang mga ito na samantalahin ang kanilang higit na kalayaan upang makapag-ukol ng higit na panahon sa mga teokratikong gawain, posible na iyon ay ang buong-panahong ministeryo.

5. Anong lalong malaking panganib ang nakaharap sa may-asawang mga ministeryal na lingkod kaysa roon sa mga binata?

5 Sang-ayon sa binanggit na surbey, mga 62 porsiyento ng ministeryal na mga lingkod ang mga magulang. Para sa kanila, ang panganib na ang kanilang mga puso’y “malugmok” dahilan sa “mga kabalisahan sa buhay” ay lalong malaki kaysa nakaharap sa mga kapatid na walang pamilya. (Lucas 21:34-36) Sa gayon, sa pagrirekomenda ng pagkabinata, sinabi ni Pablo: “Ayaw kong mabalisa kayo. Ang lalaking walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng Panginoon. Ngunit ang lalaking may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya matatamo ang pagsang-ayon ng asawa niya, at nahahati siya. . . . Siya rin naman na tumatalikod sa kaniyang pagkabinata at nag-aasawa ay mabuti, subalit siyang hindi nag-aasawa ay mas mabuti.”​—1 Corinto 7:32-38.

6. Ano ang kailangang gawin ng may-asawang ministeryal na mga lingkod at sino ang maaaring magbigay ng mga mungkahi na tutulong sa kanila?

6 Bagaman ang mga lingkod ni Jehova ay hindi naniniwala na ‘may mga pag-aasawang galing sa langit,’ batid nila na kailangan ang makalangit na karunungan upang lutasin ang problema ng mga mag-asawa. (Awit 19:7; Kawikaan 3:5, 6) Kung gayon, ang may-asawang ministeryal na mga lingkod ay kailangang sumunod sa payo ng Salita ng Diyos hangga’t maaari. Sikapin nila na manatili sa hustong pagkatimbang sa pagganap sa kanilang pampamilyang mga pananagutan, ngunit huwag gagamitin ang mga ito bilang dahilan ng pagpapabaya nila sa kanilang mga tungkuling teokratiko sa kongregasyon. Bukod sa iba pang mga bagay, kailangan ang isang pinag-isipang maayos na iskedyul. Ang nakatatanda at higit na may karanasang mga mag-asawa ay maaari sigurong tumulong sa mga mag-asawang nakababata para bigyan sila ng mga mungkahi sa bagay na ito pagka sila hinilingan ng tulong.

7. (a) Paanong ang pamilya ng isang may-asawang ministeryal na lingkod ay maaaring makaapekto sa kaniyang pagsisikap at espirituwal na pagsulong? (b) Ano ang mabuting isaisip ng ministeryal na mga lingkod na nagbabalak mag-asawa?

7 Ang pagtangkilik ng kaniyang pamilya ay napakalaking tulong sa isang ministeryal na lingkod na may asawa. Mangyari pa, kung may mga membro ng pamilya na nangangailangan na pag-ukulan niya ng higit na panahon at atensiyon o kaya’y labis na mapaghanap o mapaghangad ng materyal na mga bagay, ito ay maaaring makahadlang sa kaniyang espirituwal na pagsulong. Subalit isang pagpapala pagka ang kaniyang buong pamilya ay sumusuporta sa kaniyang pagsisikap na “maglingkod na mainam.” (1 Timoteo 3:13) Kaya’t anong pagkahala-halaga nga na bago ang isang binatang ministeryal na lingkod ay lubusang mahulog ang kalooban sa isang babaing binabalak niyang maging asawa, tiyakin niya kung ang babaing ito’y makatutulong sa pagpapasulong ng kanilang espirituwalidad!

Hanapbuhay at Materyalismo

8. (a) Sa anong posibleng panganib nakaharap ang mga ilang ministeryal na lingkod kung tungkol sa kanilang hanapbuhay? (b) Ang pagbubulaybulay sa anong mga kasulatan ang tutulong sa isang tao upang labanan ang materyalismo?

8 Walo sa bawat sampung ministeryal na mga lingkod na sinurbey ang wala pa sa edad na 60 anyos. Kaya’t karamihan sa kanila ay naghahanapbuhay upang suportahan ang kanilang sarili at ang kani-kanilang pamilya. Halos lima sa bawat sampu sa kanila ang nasa pagitan ng 20 at 40 anyos​—mga edad ito na ang mga lalaki ng sanlibutan karaniwan na ay nagiging matatag sa isang trabaho o karera at nagsusumikap na umasenso at magkaroon ng kabuhayan. Kung isa ka sa ministeryal na lingkod na nasa ganiyang edad, maging gising ka sa panganib na magkaroon ng makasanlibutan at materyalistikong kaisipan na maaaring magpahina sa iyong espirituwalidad. Bagkus, tandaan ang sinabi ni Pablo: “Kung tayo’y may pagkain at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:8) Si Jesus din naman ay nagbigay ng mainam na payo na makatutulong sa lahat sa atin upang labanan ang materyalismo. Basahin ito para sa inyong sarili sa Mateo 6:19-34.

9. Kasuwato ng Mateo 16:26, ano ang landas ng katalinuhan para sa nakababatang mga ministeryal na lingkod lalo na?

9 Kayong nakababatang ministeryal na mga lingkod lalo na, masdan ninyo ang “matagumpay” na mga lalaking asensado sa makasanlibutang mga karera o nagkakamal ng malaking kayamanan ngunit nakalimutan naman nila si Jehova sa lahat ng kanilang mga plano. (Ihambing ang Kawikaan 16:3; 19:21.) Gaano nga bang katalino ang iyong tularan ang sinumang materyalistikong mga tao na walang espirituwalidad at ang mga buhay ay hindi na magtatagal pagka sila’y nilipol na sa “malaking kapighatian”? (Mateo 24:21) Sinong lingkod ni Jehova ang makikipagpalitan sa kanila ng lugar? “Sapagkat,” sabi ni Jesus, “ano ang mapapakinabang ng isang tao kung makamit niya ang buong sanlibutan ngunit mawala naman ang kaniyang buhay?” (Mateo 16:26) Tiyak iyan, ang landas ng katalinuhan ay ang magtayo ng isang seguradong kinabukasan kasama ng organisasyon ni Jehova imbis na ang maghangad ng isang kinabukasan na walang anumang kasiguruhan at maikli lamang kasama ng naghihingalo nang sanlibutang ito na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas.​—1 Juan 5:19.

Katapatan sa Kaharian ng Diyos

10. Kung tungkol sa makapulitikang pamamalakad, ano ang paninindigan ng dumaraming “hukbo ng mga kabataang lalaki,” kasali na ang ministeryal na mga lingkod?

10 Tungkol sa Mesianikong Hari ni Jehova ay inihula: “Ang bayan mo ay kusang maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban. Sa kagandahan ng kabanalan, buhat sa bukang-liwayway ng umaga, nasa iyo ang iyong hukbo ng mga kabataang lalaki na sadyang kagaya ng mga patak ng hamog.” (Awit 110:3) Ang hulang ito ay natutupad sapol noong 1914, at yaong dumaraming “hukbo ng mga kabataang lalaki” ay nakatatalos na unang-unang dapat nilang itaguyod ang Kaharian ng Diyos na ang Hari ay ang niluwalhating si Jesu-Kristo. Kaya bagaman ang nag-alay na mga lalaking ito, kasali na ang ministeryal na mga lingkod, ay may pasubaling napasasakop sa “nakatataas na mga awtoridad” sa pamahalaan, pagka may pagkakasalungatan ang kapakanan ng mga ito sila’y “kailangang sumunod muna sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” (Roma 13:1; Gawa 5:29) Gaya ng sinabi ni Jesus, ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 18:36) Sila’y nananatiling neutral kung tungkol sa makapulitikang pamamalakad ng mga bansa, sapagkat batid nila na kung hindi gayon ang gagawin nila ay magiging mga traidor sila sa Kaharian ng Diyos.

11. Ano ang matitiyak ng mga kapatid na lalaking naghihirap dahilan sa pananatiling neutral bilang Kristiyano?

11 Kumusta naman kung ang ministeryal ng mga lingkod o ang mga iba pa ay mawalan ng kanilang hanapbuhay o pati ng kanilang kalayaan dahilan sa pananatiling neutral bilang Kristiyano? (Isaias 2:2-4; Juan 17:16) Kung magkagayo’y batid nila na ang kanilang espirituwal na mga kapatid ay magbibigay sa kanila ng lahat ng suportang posibleng ibigay maging sa espirituwal, at, kung kinakailangan, sa materyal. Ito’y dahilan sa ang mga lingkod ni Jehova ay maibiging nagmamalasakit sa isa’t isa.​—Ihambing ang Juan 13:34, 35; 1 Corinto 12:24, 25.

Kailangan ang Lalong Higit na Karanasan

12. Ano ang kasali sa ‘pagtatamo ng mainam na katayuan’?

12 Halos isang katlo ng ministeryal na mga lingkod na sinurbey ang wala pang sampung taon na mga Saksi ni Jehova. Maliwanag, ang mga lalaking ito ay tumanggap ng tulong at patnubay ng mga membro ng kongregasyon na may higit na karanasan. Subalit ang ‘pagtatamo ng isang mainam na katayuan’ ay nangangailangan ng patuloy na pagkatuto buhat sa iba at pagkakaroon ng karanasan. Nangangahulugan din ito ng patuloy na pagtatakda ng personal na mga tunguhin at taimtim na pagsisikap na marating ang mga tunguhing ito. Kaya’t kung tunay na naghahangad kang maglingkod sa mga layuning kapaki-pakinabang bilang isang ministeryal na lingkod o nagsisikap kang maabot ang pribilehiyong iyan, ikaw ba ay mayroong ilang personal na mga tunguhin? Halimbawa, bakit hindi mag-iskedyul na basahin ang buong Bibliya hanggang sa isang takdang petsa o maging isang auxiliary payunir sa loob ng mga ilang buwan?

13. Anong payo na ibinigay kay Timoteo ang pakikinabangan ng isang kapatid na lalaki na nagnanais maging isang ministeryal na lingkod o ngayo’y naglilingkod na sa ganiyang katungkulan?

13 Kung ikaw naman ay bata pa sa edad o sa karanasan, pakikinabangan mo ang sinabi sa 1 Timoteo 4:12-15. Bagaman ang mga salitang iyan ay tuwirang sinabi sa kabataang tagapangasiwang si Timoteo, karamihan ng sinabi ni Pablo roon tungkol sa pagsasalita at pag-uugali ay pakikinabangan ng sinumang kapatid na lalaki na naghahangad na maging isang ministeryal na lingkod o ngayo’y naglilingkod na sa ganiyang katungkulan. Ang apostol ay sumulat: “Huwag hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan. Bagkus, sa mga sumasampalataya ay maging uliran ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-asal. Samantalang ako’y pupunta riyan, patuloy na isagawa mo ang pagbabasa sa madla, ang pagpapayo, ang pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng hula at nang ipatong sa iyo ng lupon ng nakatatandang mga lalaki ang kanilang mga kamay. Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao.” Ano ba ang lalong higit na dapat mong pasulungin upang “ang iyong pagsulong ay mahalata ng lahat ng tao”? Kasabay ng panalangin na tiyakin mo kung ano ang kailangan mong gawin, at pagkatapos ay gawin mo iyon sa tulong ni Jehova!

Pagtagumpayan ang Panghihina ng Loob

14, 15. (a) Ano ang maka-Kasulatang pampalakas-loob para sa ministeryal na mga lingkod na napapaharap sa problema ng katandaan o mahinang kalusugan? (b) Paanong ang mga lalaking ito ay makapagpapalakas-loob sa iba sa kongregasyon?

14 Totoong maraming ministeryal na mga lingkod na hindi na kailangang humarap sa mga problema na napapaharap sa mga kabataang lalaki. Sila’y napapaharap sa problema ng katandaan o mahinang kalusugan, na maaaring humantong sa panghihina ng loob. Subalit yaong patuloy na nananatiling malakas sa espirituwalidad ay naaaliw ng ganitong mga salita ni Pablo sa kaniyang kapuwa mga pinahirang Kristiyano: “Hindi kami sumusuko, kundi bagaman ang aming pagkataong labas ay pahinâ, tiyak naman na ang aming pagkataong loob ay nababago sa araw-araw. Sapagkat bagaman panandalian at magaang ang kapighatian, iyon ay gumagawa para sa amin ng kaluwalhatian na may higit at higit na kaligayahan at walang hanggan; samantalang aming ipinapako ang aming mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di nakikita ay walang hanggan.” (2 Corinto 4:16-18) Sa mga lingkod ni Jehova na may makalupang mga pag-asa ay mayroon din namang nagpapalakas-loob​—yaong pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa isang makalupang paraiso.​—Lucas 23:43; Juan 17:3.

15 Samakatuwid yaong mga ministeryal na lingkod na hindi gaanong malaki ang nagagawa na di-gaya ng iba dahilan sa mahinang kalusugan o katandaan ay may mabuting dahilan na manatiling nagagalak at may positibong saloobin. Ipinababanaag nito ang pagpapahalaga sa katotohanan at taimtim na pananampalataya sa mga bagay na walang hanggan. Ang ganiyang kainam na espiritu, lakip na ang mapagpakumbabang paglilingkod, ay pakikinabangan nang husto at magiging pampalakas-loob sa bawat isa sa kongregasyon.

16. Bakit hindi dapat manghina ang loob ng isang ministeryal na lingkod kung siya ay hindi nahihirang na isang matanda?

16 Kung ikaw ay isang ministeryal na lingkod, patuloy na ‘magsikap ka na manatili sa tungkuling pagkatagapangasiwa; sa pamamagitan ng pagpapasulong ng iyong kakayahang magturo at ng iyong espirituwalidad. (1 Timoteo 3:1) Huwag manghina ang iyong loob kung hindi ka agad nahihirang na isang elder o matanda. Tandaan na bilang isang ministeryal na lingkod na nag-aasikaso ng iyong mga tungkulin sa “mainam na paraan” ikaw ay nagsisilbi sa kapaki-pakinabang na mga layunin at tunay na isang kapurihan sa kongregasyon. Isang malaking pribilehiyo na maglingkod sa anupamang paraan sa loob ng organisasyon ni Jehova at makatulong sa mga kapananampalataya sa pagsasagawa ng utos na ipangaral ang Kaharian.​—Mateo 24:14; 28:19, 20.

Kung Paano Makatutulong ang Iba

17. Paanong ang isang ministeryal na lingkod ay matutulungan ng kaniyang asawa at mga anak?

17 Sa pagkatanto ng kapakinabangan na dulot ng ministeryal na mga lingkod, lahat ng mga lingkod ni Jehova ay maghahangad na suportahan ang kanilang mga pagsisikap. Halimbawa, mas madali para sa gayong lalaki na patuloy na ‘maglingkod nang mainam’ kung ang kaniyang asawa at mga anak ay kontento na sa mga pangangailangan sa buhay at hindi humihiling ng maraming luho na nangangailangang pagkagastahan ng karagdagan pang pagsisikap sa paghahanapbuhay.​—1 Timoteo 6:6-8.

18. (a) Paanong ang matatanda ay makatutulong sa ministeryal na mga lingkod? (b) Bakit ang mabuting pakikipagtalastasan ay kailangan sa pagitan ng matatanda at ng ministeryal na mga lingkod?

18 Ang matatanda ay makatutulong sa ministeryal na mga lingkod sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kinakailangang patnubay at payo. At pagka nagkaroon ng pagsulong, kailangang bigyan sila ng taimtim na komendasyon. Bukod sa iba pang mga bagay, ang matatanda ay makasasama sa ministeryal na mga lingkod sa ministeryo sa larangan, ang mga ito’y makatutulong sa kanila sa paghahanda ng mga pahayag, at pakikibahagi sa kanila sa kanilang mga karanasang Kristiyano. Kung minsan ang ganiyang interes at pakikipagtalastasan ay napapabayaan. Halimbawa, nang tanungin tungkol sa kaniyang mababang ulat sa paglilingkod sa larangan, isang ministeryal na lingkod ang nagsabi sa isang tagapangasiwa ng sirkito: “Bakit ninyo itinatanong? Mababa na po iyan sa loob ng mga ilang taon, subalit kayo ang unang-una na nagtanong sa akin nang ganiyan.” Ang matatanda na matiyagang tumutulong sa ministeryal na mga lingkod sa kanilang mga problema at nagbibigay sa kanila ng mainam at mapagmahal na payo ay malimit na nagkakaroon ng kagalakan sa pagkakita sa mga resulta nito.

19. Paanong ang bawat membro ng kongregasyon ay makatutulong sa ministeryal na mga lingkod upang manatili sa kanilang mainam na katayuan?

19 Oo, bawat membro ng kongregasyon ay makatutulong sa ministeryal na mga lingkod na manatili sa kanilang mainam na katayuan. Paano? Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kanila at pagpapakita ng taos-pusong pagpapahalaga sa kanilang gawain. Kung paanong lahat ng bahagi ng katawan ng tao ay nagtutulung-tulong upang mapanatili ang pisikal na kalusugan ng katawan, gayundin na lahat ng membro ng kongregasyon ay kailangang magtulung-tulong upang manatili ang espirituwal na kalusugan nito. (Ihambing ang 1 Corinto 12:24, 25.) Sa tunguhing iyan, malaki ang nagagawa ng masisipag na ministeryal na mga lingkod na nagsisilbi sa kapaki-pakinabang na mga layunin at nananatiling nasa mainam na katayuan. Harinawang sila, at lahat ng tapat na mga saksi ni Jehova, ay manatiling naghihintay ng walang hanggang kaligayahan at nagkakaisang patuloy na pagalakin ang puso ng “maligayang Diyos.”​—1 Timoteo 1:11; Kawikaan 27:11.

Pakisuyong Ipaliwanag

◻ Anong mga problema ang napapaharap sa ministeryal na mga lingkod?

◻ Ano ang magagawa ng asawa at mga anak ng ministeryal na mga lingkod upang matulungan ang mga ito?

◻ Ano ang magagawa ng matatanda upang matulungan ang ministeryal na mga lingkod?

◻ Ano ang magagawa ng bawat membro ng kongregasyon upang matulungan ang ministeryal na mga lingkod?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share