Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 6/8 p. 20-24
  • Mga Ministeryal na Lingkod—Pagpapala sa Bayan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Ministeryal na Lingkod—Pagpapala sa Bayan ni Jehova
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Subukin Muna Kung Karapat-dapat”
  • Tinulungan ng Buong-Panahong Ministeryo
  • Mga Tungkulin ng Ministeryal na mga Lingkod
  • Paano Sila Nakakaabot sa Sukatan?
  • Mga Ministeryal na Lingkod na Mahalaga ang Paglilingkod
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Mga Ministeryal na Lingkod—Manatili sa Mainam na Katayuan!
    Gumising!—1986
  • Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
  • Pagpapanatili ng Pagkakasuwato sa Pagitan ng Matatanda at ng Ministeryal na mga Lingkod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 6/8 p. 20-24

Mga Ministeryal na Lingkod​—Pagpapala sa Bayan ni Jehova

“Ang mga ito’y subukin muna kung karapat-dapat, saka sila hayaang maglingkod bilang mga ministro, kung walang kapintasan.”​—1 TIMOTEO 3:10.

1. Sino ang tumutulong upang masiguro ang kaligayahan at pagkakaisa ng kongregasyon?

SI Jehova “ang maligayang Diyos,” at ibig niya na maging maligaya ang kaniyang mga lingkod. (1 Timoteo 1:11) Kaya naman, siya’y naglaan ng mga matatanda o elders at ministeryal na mga lingkod ukol sa pagpapala ng kaniyang bayan. Ang responsableng mga lalaking ito ay naglilingkod sa kapaki-pakinabang na mga layunin at tumutulong upang masiguro ang kaligayahan, pagkakaisa, at maayos na pag-andar ng kongregasyong Kristiyano. Anong laki ng pasasalamat ng mga Saksi ni Jehova dahil sa maibigin at matulunging paglilingkod ng mga inatasang ito sa loob ng teokratikong organisasyon ng Diyos!

2. Anong saloobin ang dapat na mayroon ang matatanda at mga ministeryal na lingkod, subalit ano ang hindi nila dapat kaligtaan?

2 Gayunman, sa kabila ng mahalagang nagagawa ng matatanda at ministeryal na mga lingkod sa kongregasyon, sila’y hindi dapat lumabis sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Tandaan nila na ipinayo ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay maging mapagpakumbaba. Minsan ay sinabi niya sa kanila: “Sinumang magpakababa na katulad ng maliit na batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:4) At ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Magpakababa kayo sa harap ni Jehova, at kaniyang itataas kayo.” (Santiago 4:10; Roma 12:3) Subalit hindi dahil sa pagkakaroon ng kababaang-loob ay mamaliitin ng mga lalaking ito ang kahalagahan ng kanilang gawain bilang mga matatanda at ministeryal na mga lingkod. Sila’y maaaring maging mapagpakumbaba at manguna pa rin sa mga gawain sa paglilingkod. Kailanma’y hindi nila dapat kaligtaan ang kapakinabangan na naidudulot ng kanilang gawain, kundi laging tatandaan nila ang kanilang obligasyon, kapuwa kay Jehova at sa kanilang mga kapatid na Kristiyano, na gawin ang pinakamagaling na magagawa nila upang magampanan ang kanilang mga tungkulin.

3. Ang nagkakaisang pagkilos ng mga Saksi ni Jehova ay maihahambing sa ano, at paanong ang nag-alay na mga lalaki ay makapagtataguyod ng gayong pagkakaisa at ng pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian?

3 Ang nagkakaisang pagkilos sa gitna ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay maihahalintulad sa pagkakaisa sa katawan ng tao. Sa katunayan, ang espirituwal na katawan ni Kristo ay itinulad ni apostol Pablo sa katawan ng tao na binubuo ng maraming sangkap. Gayunman, para sa ikabubuti ng isa’t isa, lahat ng sangkap ng katawan ay gumagawang sama-sama. (1 Corinto 12:12-31) At, tiyak naman, ang hinirang na matatanda at ministeryal na mga lingkod ay isang pagpapala sa bayan ni Jehova, sapagkat ang mga lalaking ito ay nakatutulong para sa higit pang nagkakaisang pagkilos ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon. (Ihambing ang Colosas 2:18, 19.) Ang nag-alay na mga lalaking membro ng kongregasyon na nagsisikap na itaguyod ang kaayusang pang-organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng “pagsisikap na makaabot sa katungkulang pagkatagapangasiwa” ay may mahalagang bahagi sa pagkakaisang Kristiyano at sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian. (1 Timoteo 3:1) Subalit paano bang ang isang lalaking Kristiyano ay nagiging kuwalipikado, unang-una, na isang ministeryal na lingkod?

“Subukin Muna Kung Karapat-dapat”

4. (a) Bakit ang hihiranging mga ministeryal na lingkod ay dapat na “subukin muna kung karapat-dapat”? (b) Dapat na ang mga lalaking ito ay handang gawin ang ano?

4 Sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo kung ano ang kailangan bago ang mga lalaki ay mahirang na ministeryal na mga lingkod. Bukod sa iba pang mga bagay, si Pablo ay sumulat: “Ang mga ito’y subukin muna kung karapat-dapat, saka sila hayaang maglingkod bilang mga ministro, kung walang kapintasan.” (1 Timoteo 3:10) Kaya naman maiiwasan ang paghirang ng mga lalaking di-karapat-dapat, yaong mga hindi nakakaabot sa mga pangunahing kahilingan ng Kasulatan. Nagbibigay rin ito ng panahon upang matiyak ang motibo ng hihirangin na mga ministeryal na lingkod. Oo, ang dapat na maging motibo ng mga lalaking ito ay hindi yaong paghahangad ng katanyagan, sapagkat magpapakita iyan ng kakulangan ng kababaang-loob. Bagkus, bilang pagkilala sa bagay na ang pagkaalay ng isang Kristiyano sa Diyos ay walang pasubali at lubus-lubusan, ang isang kapatid na lalaki ay dapat na handang maglingkod sa anumang katungkulan na doo’y minamagaling ni Jehova na gamitin siya sa Kaniyang organisayon. Oo, ang mga umaasang mahihirang na ministeryal na mga lingkod ay dapat handang maglingkod na gaya ng tapat na si Isaias, na nagsabi: “Narito ako! Suguin mo ako.”​—Isaias 6:8.

5. (a) Anong kuwalipikasyon para sa ministeryal na mga lingkod ang kahilingan sa 1 Timoteo 3:8? (b) Ano ang ibig sabihin ng pagiging “seryoso”? (c) Ano ba ang ibig sabihin ni Pablo nang sabihin niya na ang ministeryal na mga lingkod ay kailangan na hindi “dalawang-dila”?

5 “Gayundin naman na ang ministeryal na mga lingkod ay dapat na seryoso, hindi dalawang-dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi sakim sa mahalay na pakinabang,” ang paliwanag ni Pablo. (1 Timoteo 3:8) Bagama’t ang ibang mga ministeryal na lingkod ay baka mga nasa kabataan pa kung ihahambing sa iba, sila ay hindi na mga bata at kailangang maging “seryoso.” Sa panahong iyon ay natuto na sila na seryosong malasin ang mahalagang mga bagay-bagay. (Ihambing ang Kawikaan 22:15.) Sila’y kailangang maaasahan at matapat, hindi mga lalaking ang hilig ay gawing biro ang pananagutan. Oo, sila’y dapat na mapananaligan, na seryoso sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin. Ano nga ba ang higit na seryosong gawain kaysa banal na paglilingkod kay Jehova? Dito nakasalalay ang buhay at kamatayan​—para sa kanila at para sa iba. (Ihambing ang 1 Timoteo 4:16.) Isa pa, sa pagsasabi na ang ministeryal na mga lingkod ay hindi dapat na “dalawang-dila,” ang ibig sabihin ni Pablo ay na sila’y kailangan na tuwiran at tapat sa kanilang pagsasalita, hindi matsismis, mapagpaimbabaw, o manlilinlang.​—Kawikaan 3:32.

6. Ano ang mga ilang paraan na doo’y dapat magpakita ng pagkatimbang ang ministeryal na mga lingkod?

6 Ang mabuting pagkatimbang ay kailangan sa sariling pamumuhay ng mga lalaki na kuwalipikadong maging ministeryal na mga lingkod. Maliwanag na ang ibig sabihin ni Pablo ay na kailangang iwasan nila ang paglalasing, ang kasakiman, at ang pandaraya nang kaniyang sabihin na sila’y ‘hindi dapat mahilig sa maraming alak’ ni dapat man silang maging “sakim sa mahalay na pakinabang.” Ang mga lalaking Kristiyanong ito ay dapat din namang umiwas sa pagbibigay ng kahit na impresyon na sila’y labis-labis na mahilig sa kalayawan o materyal na mga bagay. Sisikapin nilang laging unahin sa kanilang buhay ang espirituwal na mga bagay. Ito’y tutulong sa kanila upang manatiling may “isang malinis na budhi” sa harap ng kanilang mga kapuwa-tao at, lalong mahalaga, sa paningin ng Diyos.​—1 Timoteo 3:8, 9.

7. (a) Bakit masasabi na ang mga pananagutan ng ministeryal na mga lingkod ay hindi inilaan para sa mga bata? (b) Ang bagay na binata ang isang ministeryal na lingkod ay maaaring nagpapakilala ng ano tungkol sa kaniya?

7 Ang mabibigat na pananagutang binabalikat ng ministeryal na mga lingkod ay hindi para sa mga bata. Ang mga lalaking ito ay tinutukoy sa Kasulatan na nasa edad na sila’y maaaring may asawa at may pamilya. Sa ganitong mga kalagayan, sila’y kailangan na “namamahalang mainam sa mga anak at sa kanilang sariling sambahayan.” (1 Timoteo 3:12) Ang ibig bang sabihin nito ay na ang isang kabataang lalaki ay hindi maaaring maging isang ministeryal na lingkod hangga’t hindi muna siya nag-aasawa at nagkakapamilya? Hindi, hindi iyan ang ibig sabihin. Sa katunayan pa nga, ang kaniyang pagtangging padalus-dalos na mag-asawa nang hindi muna naghahanda nang husto o kung hindi pa siya nakakatagpo ng isang karapat-dapat na bautismado nang babaing Kristiyano ay maaaring nagpapakilala ng pagkamaygulang na kailangan para wastong makapangasiwa sa sariling pamumuhay at bumalikat ng lalong seryosong mga pananagutan sa kongregasyon.

8. May kaugnayan sa 1 Timoteo 3:13 at Mateo 24:14, anong pananagutan ang nakaatang sa ministeryal na mga lingkod?

8 Sinabi ni Pablo na “ang mga lalaki na naglilingkod na mainam ay nagtatamo sa kanilang sarili ng mainam na katayuan at malaking kalayaan ng pagsasalita sa pananampalataya tungkol kay Kristo Jesus.” (1 Timoteo 3:13) Ang isang paraan na sila’y makapagpapakita ng kinakailangang “malaking kalayaan ng pagsasalita” ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aktibong bahagi sa pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Dapat nilang alamin na sila’y may bahagi kasama ng matatanda sa pananagutan ng pangunguna sa pangangaral sa bahay-bahay at pakikibahagi sa mga iba pang pitak ng ministeryo. (Gawa 5:42; 20:20, 21) Samantalang ang balakyot na sistema ni Satanas ay mabilis na palapit sa wakas, lalo namang nagiging lalong apurahan ang gawaing pangangaral. Kung gayon, ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral ng Kaharian ay dapat patuloy na itawag-pansin ng mga ministeryal na lingkod sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapakita nila ng magandang halimbawa sa ministeryo sa larangan.

Tinulungan ng Buong-Panahong Ministeryo

9. Dahilan sa pagkaapurahan ng ating panahon, sa anong paglilingkod nakikibahagi ang maraming Kristiyano?

9 Dahilan sa pagkaapurahan ng ating mapanganib na panahong ito, maraming mga lalaki at babaing Kristiyano ang lumahok sa buong-panahong ministeryo. Marami, na tinatawag na mga payunir, ang sa araw-araw ay gumugugol ng sa katamtaman ay nasa pagitan ng dalawa at limang oras sa gawaing pangangaral, ang iba sa kanila ay mga misyonero sa mga lupaing banyaga. Ang mga iba naman ay naglilingkod nang buong-panahon sa punung-tanggapan ng Watch Tower Society o sa mga tanggapang sangay nito sa buong lupa. Ang kanilang paglilingkod ay pinagmumulan ng kagalakan at kasiyahan para sa kanila at sa mga pinaglilingkuran nila. At sa maraming kaso ang karanasan sa buong-panahong paglilingkod ay tumulong sa mga lalaki na mapasulong ang kuwalipikasyon na kinakailangan sa paglilingkod sa kongregasyon bilang ministeryal na mga lingkod.

10, 11. Gaya ng ipinakikita ng mga ipinahayag dito, paanong ang mga lalaking naghahangad na maging mga ministeryal na lingkod ay makikinabang sa buong-panahong paglilingkod?

10 Isang dating ministeryal na lingkod, ngayo’y isang elder sa Berlin, Alemanya, sa isang kongregasyon doon, ang nagsasabi ng ganito tungkol sa kaniyang pagpapayunir bilang isang kabataan mga ilang taon na ngayon ang nakalipas: “Masasabi ko na isang hakbang ito na hindi ko kailanman pinagsisisihan. Pinagpala ako ni Jehova. Ang aking kaugnayan sa kaniya ay naging lalong malapit.” Oo, tulad ng libu-libo pang mga iba, natuklasan ng kapatid na ito na ang buong-panahong ministeryo ay lalo pang nagpapatibay ng kaugnayan ng isang tao kay Jehova at nagpapabilis ng kaniyang pagsulong sa Kristiyanong pagkamaygulang.

11 Isa pang matagal nang payunir ang nagsasaysay kung paano nakatulong sa kaniya ang buong-panahong paglilingkod. “Ako’y naging mahinahon at naging lalong timbang kung tungkol sa paggawa ng padalus-dalos na mga hakbang,” aniya. “Ako ay naging lalong maligaya at naging lalong madaling bumagay pagka nakikitungo ako sa iba’t ibang klase ng tao.” Hindi baga ito ang mga katangian na kailangan ng mga lalaking naghahangad na maglingkod bilang ministeryal na mga lingkod?

12. (a) Anong mga pagkakataon mayroon upang makibahagi sa buong-panahong ministeryo? (b) Upang makabahagi sa buong-panahong ministeryo kailangan ang anong mga kakayahan na tutulong sa isang ministeryal na lingkod na gampanan ang kaniyang mga tungkulin?

12 Ang pakikibahagi sa buong-panahong ministeryo, kung ipinahihintulot ng mga pananagutang maka-Kasulatan, ay maaaring magsilbing isang kahanga-hangang pagkakataon para sa mga lalaking Kristiyano upang ‘masubok muna kung karapat-dapat.’ Ang iba ay maaaring palagian nang lumahok sa ganiyang ministeryo, ang iba naman ay pana-panahon. Ang mga kabataan ay maaaring lumahok diyan kung panahon ng bakasyon sa paaralan, at ang medyo may mga edad ay kung panahon naman ng bakasyon nila o sa mga ibang angkop na panahon sa ano mang bahagi ng isang taon. Mangyari pa, ang pakikibahagi sa buong-panahong paglilingkod ay nangangailangan ng pagiging timbang at ng maingat na pagpaplano. Ang mga katangiang ito ay kinakailangan ng isang ministeryal na lingkod at tutulong sa kaniya na gampanan ang kaniyang mga tungkulin. Anong mga tungkulin?

Mga Tungkulin ng Ministeryal na mga Lingkod

13. Ang Gawa 6:1-6 ay nagmumungkahi ng ano kung tungkol sa uri ng gawain na iniatas sa ministeryal na mga lingkod?

13 Bagaman ang Gawa 6:1-6 ay hindi tuwirang kumakapit sa paghirang sa ministeryal na mga lingkod, ang sinasabi roon ay nagpapahiwatig ng uri ng gawain o ng mga tungkulin na karaniwan nang iniaatas sa ministeryal na mga lingkod. Hindi yaong pagtuturo sa mga kapananampalataya kundi ang pamamahagi ng pagkain ang iniatas sa “pitong lalaking may mabuting katunayan” kung kaya nalibre ang mga apostol upang ‘maitalaga nila ang kanilang sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.’ Sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa nahahawig na mga tungkulin sa ngayon, natutulungan ng ministeryal na mga lingkod ang mga matatanda upang magkaroon ng higit na panahon para sa pagpapastol at pagtuturo sa “kawan ng Diyos.”​—1 Pedro 5:2, 3.

14. Anong sarisaring mga tungkulin ang maaaring iatas sa ministeryal na mga lingkod?

14 Tungkol sa mga tungkulin ng ministeryal na mga lingkod, ang aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay nagsasabi: “Ang isang ministeryal na lingkod ay maaaring atasan na mangalaga sa mga literatura ng kongregasyon, na ginagawang kombinyente sa lahat ang pagkuha ng literatura na gagamitin nang sarilinan o sa paglilingkod sa larangan. Ang isa naman ay maaaring mag-asikaso ng mga magasin ng kongregasyon. Ang iba ay inaatasan na mag-ingat ng mga salansan gaya niyaong sa kuwenta ng kongregasyon o pag-aatas ng teritoryo, o sila ay ginagamit sa pag-aasikaso ng mga mikropono, pagpapaandar ng kagamitan sa sound, mag-asikaso sa plataporma o kaya’y tumulong sa matatanda sa iba’t ibang paraan. Marami ang nasasangkot sa pag-iingat ng Kingdom Hall at pagpapanatiling malinis nito, kaya ang ministeryal na mga lingkod ay madalas tinatawagan na tumulong sa pag-aasikaso ng gayong mga pananagutan. Ang ministeryal na mga lingkod ay inaatasan din na maging mga attendant, upang salubungin ang mga baguhan at tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan kapag may pulong ang kongregasyon.”​—Pahina 57-8.

15. (a) Upang makapaglingkod nang mabisa bilang isang ministeryal na lingkod, ano ang kailangan bukod sa praktikal na kakayahan? (b) Bagaman ang ministeryal na mga lingkod ay nag-aasikaso ng sarisaring bagay, ano ang dapat na pangunahing pagkaabalahan nila?

15 Ang sinuman bang kapatid na lalaki na may praktikal na kakayahan ay makagaganap ng ganiyang gawain? Hindi, sapagkat ang “mga lalaking may mabuting katunayan” na pinili noong unang siglo sa Jerusalem ay “puspos ng espiritu at karunungan,” o “kapuwa praktikal at may kaisipang espirituwal.” (Gawa 6:3, Phillips) Kahit na sila ay matatandang lalaki sa gitna ng bayan ni Jehova, sila’y inatasan ng gawain na nahahawig sa kasalukuyang gawain na ginagawa ng ministeryal na mga lingkod. Kaya naman kung ang kasalukuyang mga ministeryal na lingkod ay mabisang gaganap ng kanilang mga tungkulin, sila rin naman ay kailangang “kapuwa praktikal at may kaisipang espirituwal.” Bagaman sila’y okupado sa mga gawaing pang-organisasyon, dapat na ang kanilang pangunahing interes ay ang maglingkod sa mga tao sa mga paraang makabubuti sa kanilang espirituwalidad.

16. Kung walang sapat na dami ng matatanda sa isang kongregasyon, sa anong mga tungkulin maaaring atasan ang ministeryal na mga lingkod?

16 Yamang ang ministeryal na mga lingkod ay kailangang magkaroon ng kaisipang espirituwal, kung minsan ay maaari rin silang gamitin sa mga gawain na karaniwan nang ginagawa ng mga matatanda. Ganito ang paliwanag ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo (pahina 58-9): “Kung walang sapat na matatanda upang mangasiwa sa mga Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon, ang ilan sa higit na kuwalipikadong ministeryal na lingkod ay ginagamit bilang mga konduktor sa pag-aaral upang mangasiwa sa iniatas na mga grupo. Maaari silang atasan na gumanap ng mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod at sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at magbigay ng mga pahayag pangmadla sa lokal na kongregasyon. Ang iba pang pribilehiyo ay maaaring ibigay sa ministeryal na mga lingkod kapag may bumabangong partikular na pangangailangan at kapag naaabot nila ang kahilingan para sa gayong atas.​—Ihambing ang 1 Pedro 4:10.”

17. Anong uri ng tao si Esteban, at anong tanong ang ibinabangon nito tungkol sa ministeryal na mga lingkod?

17 Isa sa “pitong lalaking may mabuting katunayan” na binabanggit ng Bibliya ay “si Esteban, isang lalaking lipós ng pananampalataya at banal na espiritu.” (Gawa 6:5) Bago namatay bilang isang tapat na martir, si Esteban ay nagbigay ng isang pumupukaw na patotoo sa harap ng Sanhedring Judio. Basahin ang paglalahad, at kayo ay makukumbinse na siya ay may kaisipang espirituwal, isang tanyag na saksi na tumanggap sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos at handang ibigay ang kaniyang buhay sa paglilingkuran kay Jehova. (Gawa 6:8–7:60) Kung ikaw ay isang ministeryal na lingkod, iyo bang ginagampanan ang iyong mga tungkulin sa kongregasyon at ang iyong ministeryo sa larangan sa seryosong paraan gaya ni Esteban na seryoso sa kaniyang mga pananagutan at sa kaniyang pribilehiyo na magsalita ng katotohanan?

Paano Sila Nakakaabot sa Sukatan?

18. Ano ang masasabi tungkol sa gawain ng maraming ministeryal na mga lingkod, at ano ang matitiyak nila?

18 Maraming ministeryal na mga lingkod ang nagsisilbing mabuting halimbawa sa pamumuhay Kristiyano, at kanilang ginagampanan nang buong husay ang kanilang mga pananagutan sa kongregasyon, at nangungunang mainam sa ministeryo sa larangan. Ang kanilang gawain ay lubhang pinahahalagahan ng kanilang mga kapananampalataya at hindi kaliligtaan ni Jehova na sila’y bigyan ng gantimpala, sapagkat sa mga Hebreong Kristiyano ay tiniyak: “Ang Diyos ay hindi liko upang kalimutan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita alang-alang sa kaniyang pangalan, sa bagay na kayo’y naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”​—Hebreo 6:10.

19. (a) Ano ang maaaring itanong sa kaniyang sarili ng bawat ministeryal na lingkod? (b) Bakit kapaki-pakinabang na talakayin ang mga problema na naranasan ng mga ibang ministeryal na lingkod?

19 Gayunman, dapat itanong ng bawat ministeryal na lingkod sa kaniyang sarili: Paano ba ako nakakaabot sa sukatan tungkol sa mga kahilingan ng Kasulatan? Talaga bang may bahagi ako sa pagkakaisa ng kongregasyon? Akin bang inaasikaso nang husto ang iniatas sa akin na mga tungkulin at ginagawa ko ito nang may kasipagan? Ako ba’y nagpapakita ng mabuting halimbawa sa ministeryo sa larangan? May mga ministeryal na lingkod na napaharap sa mga problema sa pag-abot sa sukatan na hinihiling sa kanila. Kaya talakayin natin ang ilan sa mga problemang ito. Ang paggawa ng gayon ay tutulong sa bawat ministeryal na lingkod upang “patunayan ang kaniyang sariling gawa.” (Galacia 6:4) Dapat din itong makapagpasulong sa pagpapahalaga ng iba sa gawain ng pag-ibig na ginagampanan ng mga lalaking ito na naglilingkod sa mga layuning kapaki-pakinabang sa gitna ng mga Saksi ni Jehova at isang tunay na pagpapala sa bayan ng Diyos.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Paanong ang ministeryal na mga lingkod ay isang pagpapala sa bayan ni Jehova?

◻ Paanong ang buong-panahong ministeryo ay makatutulong sa mga kapatid na lalaki na ibig maging ministeryal na mga lingkod?

◻ Bakit ang ministeryal na mga lingkod ay dapat na “kapuwa praktikal at may kaisipang espirituwal”?

◻ Paanong ang tapat na si Esteban ay isang mainam na halimbawa para sa ministeryal na mga lingkod ngayon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share