Mga Paraan Upang Mapalawak ang Inyong Ministeryo
1 Mahigit na 40 taon na ang nakalilipas, isang artikulong pinamagatang “Iyan na ba ang Pinakamabuting Magagawa Mo?” ang lumitaw sa Enero 15, 1955 ng Watchtower. Ipinakita nito sa maibiging paraan kung paanong posible para sa bayan ni Jehova na mapabuti ang kanilang indibiduwal na pagsisikap sa ministeryo upang mapasulong nila ang kanilang gawaing pang-Kaharian. Ang mabuting payong iyon ay kapit din sa ngayon, habang patuloy nating pinagbubuti ito nang higit pa.
2 Lahat ng ating paglilingkod ay dapat na isagawa udyok ng pinakadakilang utos na: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.” (Mar. 12:30) Ipinakikita natin ang ating ganap na pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng lubusang paggamit sa lahat ng taglay nating pagkakataon upang mapasulong ang gawain niyang pang-Kaharian. Isaalang-alang ang sumusunod na paraan upang mapalawak ninyo ang inyong ministeryo.
3 Balikatin ang Inyong Pananagutan: Ang mga naaalay na mga kapatid na lalaki ay maaaring magsikap na maging kuwalipikado bilang mga ministeryal na lingkod at pagkatapos ay sumulong sa paglilingkod bilang matatanda. Ang artikulong “Ikaw ba ay Nagsisikap Makaabot?” at “May Kakayahan Ka ba sa Paglilingkod?,” sa Setyembre 1, 1990, labas ng Ang Bantayan, ay nagpasigla sa maraming kapatid na lalaki upang gamitin nila ang sarili sa mga pananagutan sa kongregasyon. Alamin mula sa inyong lokal na matatanda ang espesipikong mga mungkahi kung paano makapagsisikap upang makaabot at maging kuwalipikado.
4 Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod na walang asawa ay inaanyayahang taimtim na pag-isipan ang tungkol sa pag-aaplay para sa Ministerial Training School. Maaari kayong maging pamilyar sa paaralang ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga reperensiya sa ilalim ng “Ministerial Training School” sa Watch Tower Publications Indexes for 1986-1995, 1996, at 1997. Nakikita ba ninyo ang ‘malaking pintuan na umaakay sa gawain’ na nakabukas sa inyong harapan? (1 Cor. 16:9a) Hindi kaagad nakita ng maraming kapatid na lalaki na nakapag-aral dito ang lahat ng mga pribilehiyo ng paglilingkuran. Ngayon sila’y nasisiyahang maglingkod sa Bethel o sa larangan bilang mga special pioneer, mga misyonero, o mga tagapangasiwa ng sirkito.
5 Pagsikapang Abutin ang Buong-Panahong Paglilingkod: Ang mga kabataang malapit nang magtapos sa mataas na paaralan, mga ina ng tahanan, at sinumang nakaabot na sa edad ng pagreretiro ay dapat na seryosong pag-isipan ang pagpapayunir. Repasuhin ang insert ng Hulyo 1998 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, at pagkatapos ay makipag-usap sa mga payunir na katulad ninyo ang kalagayan sa buhay. Maaaring kayo’y mapakilos nito na palawakin ang inyong ministeryo sa pamamagitan ng pagpapayunir, gaya ng kanilang ginagawa. (1 Cor. 11:1) Ano ang kailangan upang mapalawak ninyo ang inyong gawain hanggang 70 oras sa isang buwan at nang sa gayo’y makapaglingkod bilang isang regular pioneer?
6 Maglingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan: Ikaw ba’y nakatira kung saan ang teritoryo ay nagagawa nang masyadong malimit o kung saan marami ang mga kapatid na nakikibahagi sa gawain? Naisip mo na ba ang tungkol sa pagpapalawak ng iyong ministeryo sa pamamagitan ng paglipat kung saan mas malaki ang pangangailangan? Marahil ang paglipat ay maaaring gawin sa kalapit na probinsiya kung saan kailangan ang mas maraming manggagawa. (Mat. 9:37, 38) Ito’y hindi dapat gawin nang padalus-dalos. Kailangan nito ang may pananalanging pagsasaalang-alang. (Luc. 14:28-30) Ipakipag-usap ang inyong kalagayan sa matatanda at sa tagapangasiwa ng sirkito. Makapagbibigay sila ng makatuwirang dahilan kung magiging katalinuhan para sa inyo na gawin ang gayong paglipat ngayon o kakailanganin muna ang paghahanda upang magawa iyon sa hinaharap. Gayundin, maaaring alam ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga lugar na nangangailangan ng tulong sa kaniyang sirkito at kung iyon ay praktikal para sa inyo. Kung kayo’y susulat sa Samahan upang humingi ng mungkahi kung saan kayo maaaring lumipat, dapat na ito’y nalalakipan ng isang liham na pirmado ng inyong Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon.
7 Pasulungin ang Uri ng Inyong Paglilingkod: Malamang na lahat tayo ay maaaring makabahagi nang higit pa sa ministeryo sa pamamagitan ng pagpapasulong sa uri ng ating paglilingkod sa larangan. Nakikibahagi ba kayo sa lahat ng larangan ng gawain, lakip na ang pagbabahay-bahay at di-pormal na pagpapatotoo at gayundin sa gawaing pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya? Kung kayo ay nagdaraos ng isang pag-aaral, mapasusulong ba ninyo ang sining ng iyong pagtuturo? Makabubuting repasuhin ang insert ng Hunyo 1996 ng Ating Ministeryo sa Kaharian para sa mga mungkahi na maaaring magpasigla sa inyong mga estudyante tungo sa pag-aalay at bautismo.
8 Ang higit pang pagtalakay sa mga paraan upang mapalawak at mapasulong ang ating ministeryo ay masusumpungan sa kabanata 9 ng Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo. Walang pagsalang nanaisin nating lahat na gawin ang ating magagawa sa paglilingkod sa Diyos. Bakit hindi taimtim na pag-isipan ang inyong espirituwal na mga tunguhin? Gawin ang inirerekomenda ng 1 Timoteo 4:15: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”