Nais Mo Bang Gumawa Nang Higit Pa?
1 Inihalintulad ni Jesus ang Kaharian sa napakahalagang kayamanan. (Mat. 13:44-46) Ang gawaing pagpapalaganap ng balita ng Kaharian ay isa ring mahalagang kayamanan. Ang ministeryong ito ay nararapat na maging pinakapangunahin sa ating buhay, magsangkot man ng isang sukat ng pagkakait sa sarili ang pagkakaroon ng lubusang pakikibahagi rito. (Mat. 6:19-21) Nais mo bang gumawa nang higit pa sa paglilingkod sa Kaharian?
2 Isaalang-alang ang mga Kinakailangang Ito: May ilang bagay na kinakailangan upang mapalawak ang ating personal na pakikibahagi sa ministeryo: (1) pagiging determinado na unahin sa buhay ang mga kapakanan ng Kaharian (Mat. 6:33); (2) pananampalataya at pananalig kay Jehova (2 Cor. 4: 1, 7); (3) paghiling ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng taimtim at matiyagang pananalangin (Luc. 11:8-10); (4) pagsasagawa nito at pagkilos na kasuwato ng ating mga panalangin.—Sant. 2:14, 17.
3 Mga Paraan Upang Mapalawak ang Ating Ministeryo: Tayong lahat ay makapagtatakda ng simpleng tunguhin na palagiang mag-ukol ng panahon sa ministeryo bawat buwan. Ngunit napag-isipan mo na rin bang samantalahin ang bawat pagkakataon na magpatotoo nang di-pormal, sinisikap na gawing mas makabuluhan ang iyong mga presentasyon, ginawang mas epektibo ang iyong mga pagdalaw-muli, at sinisikap na magdaos ng progresibong mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya? Magagawa mo bang makapag-auxiliary o makapag-regular pioneer o makapaglingkod kung saan mas higit ang pangangailangan? Kung ikaw ay isang bautisadong lalaki, maaari ka bang magsikap upang maging kuwalipikado bilang isang ministeryal na lingkod o isang matanda? (1 Tim. 3:1, 10) Mapalalawak mo kaya ang iyong ministeryo sa pamamagitan ng pag-aaplay para sa paglilingkod sa Bethel o sa Ministerial Training School?—Luc. 10:2.
4 Isang kapatid na lalaki na may buong-panahong trabaho at gumugugol ng maraming oras sa mga gawain sa isport ay pinasiglang maging regular pioneer. Sinimulan niyang mag-auxiliary pioneer at pagkatapos ay isinaayos ang kaniyang kalagayan upang makapasok sa buong-panahong ministeryo. Nang maglaon ay nag-aral siya sa Ministerial Training School, na nakatulong upang maihanda siya sa kaniyang kasalukuyang atas bilang isang tagapangasiwa ng sirkito. Siya ay tuwang-tuwa na tumugon siya sa pampasigla na kaniyang tinanggap, at natitiyak niyang mas maligaya siya bunga ng kaniyang pasiya na gumawa nang higit pa sa paglilingkod sa Kaharian.
5 Pinagpapala ni Jehova yaong mga handang magpagamit ng kanilang sarili. (Isa. 6:8) Huwag hayaang mahadlangan ka ng anuman sa pagpapalawak ng iyong ministeryo at sa pagtatamasa nang higit pang kasiyahan at kaginhawahan bilang bunga nito.