Ang mga Pulong ay Nag-uudyok sa Maiinam na Gawa
1 Dalawa sa mahalagang bahagi ng ating pagsamba ay ang pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Ang dalawang ito ay magkaugnay. Ang isa ay nakaiimpluwensiya sa isa. Ang Kristiyanong mga pulong ay nag-uudyok sa maiinam na gawa, at ang pinakamainam dito ay ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Heb. 10:24) Kung tayo’y titigil sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, maaaring tumigil na rin tayo sa pangangaral dahilan sa hindi na tayo mauudyukang gawin iyon.
2 Sa lingguhang mga pulong, tinatanggap natin ang espirituwal na tagubilin na dinisenyo upang ganyakin tayong mangaral. Ang pagkaapurahan ng mga panahon ay palaging idiniriin upang magbunsod sa atin na dalhin sa iba ang nagbibigay-buhay na mensahe ng Bibliya. Tayo ay napasisigla at napalalakas na magtiis sa gawaing pangangaral. (Mat. 24:13, 14) Sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga pagkakataong magkomento sa mga pulong, lalo tayong nabibihasa sa pagpapahayag ng ating pananampalataya sa harapan sa iba. (Heb. 10:23) Sa pamamagitan ng pagpapatala sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ating tinatanggap ang pagsasanay upang maging higit na mabibisang ministro at mapasulong ang ating mga kasanayan sa pagtuturo.—2 Tim. 4:2.
3 Kung Paanong ang mga Pulong sa Paglilingkod ay Nag-uudyok sa Atin na Mangaral: Tayong lahat ay pinasisiglang tingnan nang patiuna ang materyal sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Sa gayo’y naikikintal ang impormasyong ito sa ating isipan habang tayo’y dumadalo sa Pulong sa Paglilingkod at nakikita ang itinatanghal na mga presentasyon mula sa plataporma. Kapag tayo ay nasa paglilingkod sa larangan, maaari nating alalahanin ang sinasabi ng Ating Ministeryo sa Kaharian, isiping muli ang itinanghal na mga presentasyon, at sa gayo’y makapagbigay ng isang mabisang patotoo. Ito ang naging karanasan ng maraming mamamahayag.
4 Upang gawin ang sinasabi sa mga Pulong sa Paglilingkod, ang ilan ay nakikipagkasundo sa iba na gumawang magkasama sa ministeryo. Sariwa pa sa isipan ng mga mamamahayag ang mga punto para sa larangan at nagaganyak na subukan ang mga ito dahilan sa napasigla sila ng mga pulong na ito na magkaroon ng bahagi sa pangangaral sa bawat linggo.
5 Walang maaaring ihalili sa ating Kristiyanong mga pagpupulong, kung saan tayo nakikipagtipon sa mga kapananampalataya at nauudyukan sa maiinam na gawa. Upang sumulong ang ating ministeryo, tayo’y kailangang palagiang dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Nawa’y ipakita natin ang pagpapahalaga sa kamangha-manghang paglalaang ito mula kay Jehova “na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.”—Heb. 10:25.