“Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?”
1 Isang maganda, makaantig-damdamin, at nakapagpapasigla-sa-pusong mensahe ang ipahahayag sa buong daigdig sa 169 na wika. Ano ang mensaheng ito? At paano ito ihahatid?
2 Ang mensahe ay tungkol sa pag-ibig sa kapuwa. Ito ay masusumpungan sa Kingdom News Blg. 35, na pinamagatang “Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?” Ang Kingdom News na ito ay saglit na nagsusuri sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay sa buong daigdig at nagpapakita na ang kawalan ng pag-ibig sa gitna ng mga tao ang ugat na sanhi ng napakaraming kirot at pighati. Ipinaliliwanag nito kung bakit, lalo na sa ating kaarawan, nanlalamig ang pag-ibig sa kapuwa at kung ano ang kahulugan nito para sa hinaharap.
3 Gayundin, ang Kingdom News Blg. 35 ay nagpapakita na ang tunay na pag-ibig sa kapuwa ay umiiral sa gitna ng milyun-milyong nabubuhay ngayon sa daigdig. Ipinakikilala nito yaong mga nakikibahagi sa muling-pagsasauli ng unang-siglong pagsamba, na nakilala sa pag-ibig sa kapuwa gaya ng itinuro ni Jesu-Kristo.—Luc. 10:25-37.
4 Ang Kingdom News Blg. 35 ay nagtatapos sa pagpapaliwanag kung paanong ang buong sanlibutan ng sangkatauhan ay malapit nang magsagawa ng pag-ibig sa kapuwa sa ilalim ng administrasyon ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng Kristo. Ang mga nagbabasa ng mensaheng ito ay pinasisiglang kumuha ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at alamin kung paano magiging bahagi ng pambuong-daigdig na kaayusang ito na detalyadong inilarawan sa Salita ng Diyos.
5 Sino ang Maghahatid ng Mensaheng Ito? Ibabahagi ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mensaheng ito ng pag-ibig sa kapuwa sa kanilang mga kakilala, mga kapitbahay, at mga kamag-anak sa buwan ng Oktubre at Nobyembre. Ang lahat ng kuwalipikado ay pinasisiglang makisama sa pangmadlang pamamahagi ng Kingdom News Blg. 35.
6 Ang ultimong tunguhin ng kampanyang ito ay upang pukawin ang interes ng mga tao sa pagkakaroon ng pag-aaral sa Bibliya maging sa brosyur na Hinihiling o sa aklat na Kaalaman. Karagdagan pa, ang buong-pusong pagsisikap sa bahagi ng bawat lingkod ni Jehova ay magdudulot ng isang malaking patotoo sa Diyos ng pag-ibig, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.