Ang Ating Ministeryo—Isang Kapahayagan ng Tunay na Pag-ibig
1 Sa pamamagitan ng ating ministeryo naipapakita natin ang ating pagsunod sa dalawang dakilang kautusan. (Mat. 22:37-39) Ang ating pag-ibig kay Jehova ay nag-uudyok sa ating magsalita nang positibo hinggil sa kaniya. Ang ating pag-ibig sa ating kapuwa ay nagpapakilos sa atin na pasiglahin sila na hanapin ang kaalaman hinggil sa kalooban at mga layunin ng Diyos upang kagaya natin, kanilang ibigin si Jehova at ihanay nila ang kanilang sarili sa gantimpala ng buhay na walang hanggan. Kaya, sa pamamagitan ng ating ministeryo ating pinararangalan ang pangalan ni Jehova at ibinabahagi sa ating kapuwa ang walang-kasinghalagang pag-asa sa Kaharian. Oo, ang ating ministeryo ay isang kapahayagan ng tunay na pag-ibig sa Diyos at sa tao.
2 Ang ating pag-ibig ang nagbubunsod sa atin na magsalita sa lahat ng uri ng tao, sa lahat ng uri ng kalagayan. (1 Cor. 9:21-23) Upang ipaghalimbawa: Sakay ng isang eroplano, isang Kristiyanong matanda ang naupong katabi ng isang paring Romano Katoliko. Naudyukan ng matanda na magsalita ang pari sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilang mataktikang katanungan at, pagkatapos ay inakay ang pag-uusap sa Kaharian. Sa panahong bumaba ang pari sa eroplano, nakakuha na siya ng dalawa sa ating mga aklat. Anong inam na resulta dahilan sa pagpapahayag ng matanda ng tunay na pag-ibig sa kaniyang kapuwa!
3 Inuudyukan Tayo ng Pag-ibig na Mangaral: Yaong mga gumagawa ng pag-o-auxiliary at pambuong panahong pagpapayunir ay walang alinlangang nagpapahayag ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. Ang mga payunir ay patuloy na nagsasakripisyo ng kanilang panahon at lakas upang tulungan ang iba sa espirituwal. Ano ang nag-uudyok sa kanilang gawin ito? Isang payunir ang nagsabi: “Batid kong ang pag-ibig ay isang bunga ng espiritu ng Diyos. Kaya kung wala ito ay hindi ako kailanman mapapasa katotohanan, at bukod dito ay hindi ako magtatagumpay bilang isang payunir. Ang pag-ibig ang nagpapangyari sa akin na maging interesado sa mga tao, gising sa kanilang mga pangangailangan, at napahahalagahan ko na ang mga tao’y tumutugon sa pag-ibig.” Itinanghal ni Jesus ang gayong pag-ibig sa mga tao. Minsan nang siya at ang kaniyang pagod nang mga alagad ay patungo sa isang dako upang “magpahinga nang kaunti,” naunahan pa sila roon ng pulutong. Ano ang ginawa ni Jesus? “Naantig siya sa pagkahabag sa kanila,” inilagay niya sa isang tabi ang kaniyang personal na mga pangangailangan upang “magturo sa kanila ng maraming mga bagay.”—Mar. 6:30-34.
4 Kahit na tinatanggihan ng mga tao ang mabuting balita na ating iniaalok, tayo’y nakararanas ng panloob na kagalakan, na nalalaman, na dahilan sa pag-ibig, nagawa natin ang pinakamagaling upang tulungan silang magtamo ng kaligtasan. Kapag tayong lahat sa wakas ay hinatulan ni Kristo, tayo’y magiging maligaya na ating naitanghal ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng ‘lubusang pagganap ng ating ministeryo.’—2 Tim. 4:5.