Mga Nangungunang Tagapangasiwa—Ang Punong Tagapangasiwa
1 Ang paglilingkod bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon ay isang maselan na pananagutan. (Gawa 20:28; 1 Tim. 3:1) Ito ang una sa serye ng mga artikulo na babalangkas sa iba’t ibang tungkulin ng Kristiyanong matatanda upang mabatid nating lahat ang mahalagang gawaing kanilang ginagampanan alang-alang sa atin.
2 Inaatasan ng Samahan ang punong tagapangasiwa upang maglingkod nang patuluyan. Habang pinag-uugnay ng punong tagapangasiwa ang mga bagay-bagay, ito’y nakatutulong sa matatanda na magbigay ng wastong pansin sa kanilang mga atas na gawain. (Ating Ministeryo, p. 42.) Ano ang kasangkot dito?
3 Tinatanggap ng punong tagapangasiwa ang mga sulat para sa kongregasyon at karaka-rakang ipinapasa iyon sa kalihim para asikasuhin. Sa paghahanda ng mga pulong ng matatanda, kinukuha ng punong tagapangasiwa ang mga mungkahi ng matatanda sa mga bagay na kailangang pag-usapan at inihahanay ang agenda. Siya rin ang nagsisilbing tsirman sa mga pulong ng matatanda. Kapag may nabuong kapasiyahan, titiyakin niyang naisasagawa iyon nang wasto. Pinangangasiwaan niya ang paghahanda ng Pulong sa Paglilingkod at ang paggawa ng iskedyul ng mga pahayag pangmadla. Siya ang nagpapahintulot sa lahat ng patalastas na ipinahahayag sa kongregasyon, nagpapahintulot sa pagbabayad ng lahat ng karaniwang gastos, at tumitiyak na ang kuwenta ng kongregasyon ay natutuos (audit) tuwing ikatlong buwan.
4 Bilang tsirman, pinag-uugnay ng punong tagapangasiwa ang gawain ng Komite ng Kongregasyon sa Paglilingkod. Kapag hiniling ng isang estudyante sa Bibliya na maging di-bautisadong mamamahayag o kapag nais ng isang di-bautisadong mamamahayag na mabautismuhan, isasaayos ng punong tagapangasiwa na makausap siya ng matatanda. Ang punong tagapangasiwa ang siya ring nangunguna sa paghahanda para sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito upang makinabang nang lubusan ang kongregasyon sa pantanging sanlinggong gawain.
5 Ang mga tungkulin ng punong tagapangasiwa ay marami at iba’t iba. Habang may pagpapakumbabang ginagampanan niya ang mga pananagutan nang “may tunay na kasigasigan,” magagawa nating lahat ang ating bahagi sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa matatanda. (Roma 12:8) Kung tayo ay “masunurin” at “mapagpasakop” sa mga nangunguna sa atin, magagampanan nila ang kanilang gawain nang may higit na kagalakan.—Heb. 13:17.