Pag-aalok ng New World Translation
1 “Sulit ang pagkakaroon ng New World [Translation]. Ito’y nakapagpapasigla at mistulang buhay, at nauudyukan nitong mag-isip at mag-aral ang mambabasa. Hindi ito akda ng mga nagtataguyod ng Maselan na Pagpuna, kundi ng mga iskolar na nagpaparangal sa Diyos at sa Kaniyang Salita.” Ito ang sinabi ng kilalang Hebreo at Griegong komentarista. Sang-ayon tayo. Paano natin matutulungan ang iba na magkaroon ng gayunding pagpapahalaga sa New World Translation kapag inialok natin ito sa Disyembre kasama ng aklat na Kaalaman?
2 Ang ilang tao ay maaaring magsabi, “Mayroon na akong Bibliya. Hindi ko na kailangan ang karagdagan pa.” Hamon para sa atin na tulungan sila na makitang ang New World Translation ay hindi basta Bibliya. Ito ay isang literal na salin sa makabagong wika na wastong nagpapanatili sa diwa ng orihinal na teksto. Maipakikita ang isang aspekto ng pagiging nakahihigit nito sa pamamagitan ng paghahambing sa paggamit ng mga salitang gaya ng “shambles” (King James Version) at “meat market” (New World Translation) sa 1 Corinto 10:25.
3 Gayunman, iilang tao lamang ang nagbabasa ng Bibliya, lalo pa nga ang maunawaan ang mga simulain nito sa pang-araw-araw na buhay. Kailangan nilang malaman na makaiimpluwensiya ang Salita ng Diyos sa kanilang buhay ukol sa ikabubuti at na ang pagsunod sa payo nito hinggil sa katapatan, moralidad, at buhay pampamilya ay makatutulong sa kanila upang mapagtagumpayan ang mga suliranin ngayon. Paano maisasagawa ito?
4 Isang Mungkahing Presentasyon: “Kayo ba ay sumasang-ayon na dahilan sa napakabilis na pagbabago ngayon ng mga pamantayan sa moral at dahilan sa kawalang katiyakan ng ating kinabukasan, tayo’y nangangailangan ng isang maaasahang patnubay sa buhay? [Hayaang sumagot.] Bagaman ito ang pinakamatanda sa mga aklat, ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo para sa makabagong pamumuhay at sa maligayang buhay pampamilya.” Pagkatapos ay bumaling sa kabanata 2 ng aklat na Kaalaman, at basahin ang parapo 10 at ang unang pangungusap sa parapo 11, lakip na ang 2 Timoteo 3:16, 17. Kapag nagpakita ng interes, ipasakamay ang aklat na Kaalaman, ipaliwanag ang ating programa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at ialok ang New World Translation. Kung sa palagay ninyo ay makabubuting magpasimula ng pag-aaral sa brosyur na Hinihiling, maaari ninyong gawin ito. Makasusumpong kayo ng karagdagang angkop na mga pambungad sa pahina 9-15 ng aklat na Nangangatuwiran.
5 Ipamalas natin ang ating pagpapahalaga sa napakahusay na New World Translation. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng masigasig na pag-aalok nito sa Disyembre.