Mga Nangungunang Tagapangasiwa—Mga Konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
1 Isang pambihirang pribilehiyo para sa isang kuwalipikadong matanda o ministeryal na lingkod ang maglingkod bilang isang konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ang pag-aasikaso sa espirituwal na mga pangangailangan niyaong nasa kaniyang grupo ay isang maselan na pananagutan. May tatlong larangan ang kaniyang tungkulin.
2 May-Kakayahang Pagtuturo: Kahilingan sa konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na maghanda nang lubusan upang makapagbigay ng kaunawaan sa grupo bawat linggo. Sinisikap niyang palakihin ang pagpapahalaga sa materyal na pinag-aaralan. Sa halip na magkomento nang labis-labis sa panahon ng pag-aaral, magbabangon siya ng karagdagang kaugnay na mga tanong kung kinakailangan upang mapalabas ang mga pangunahing punto sa aralin. Isang hamon sa kaniya na gawing nakapupukaw-interes at nakapagtuturo ang pag-aaral at isali ang lahat sa talakayan. Layunin niya na magpatibay sa espirituwal na paraan, itampok ang praktikal na halaga ng pag-aaral, at paabutin sa puso at isip ang materyal.—1 Tes. 2:13.
3 Matulunging Pagpapastol: Ang konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.” (Isa. 32:2) Talagang nagmamalasakit siya sa lahat ng kabilang sa kaniyang grupo at tinitiyak na nailalaan ang espirituwal na tulong kapag ang isa sa mga nasa kaniyang pangangalaga ay nasisiraan ng loob.—Eze. 34:15, 16; 1 Tes. 2:7, 8.
4 Masigasig na Pag-eebanghelyo: Ang konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay palaisip tungkol sa paggawa ng praktikal na mga kaayusan para makabahagi nang lubusan sa ministeryo sa larangan ang lahat ng nasa kaniyang grupo. Nangunguna siya sa gawaing pag-eebanghelyo, palibhasa’y alam na ang pagkapalagian, kasigasigan, at kasiglahang kaniyang ipinakikita sa paglilingkod ay mamamalas sa lahat ng kabilang sa grupo. (Col. 4:17; 2 Tes. 3:9) Sa dakong huli, sinisikap niyang gumawa sa paglilingkod na kasama ang bawat miyembro sa kaniyang grupo. Kung ibig nating mapatalas ang ating mga kakayahan sa pangangaral at pagtuturo sa ministeryo, makatutulong sa atin ang konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat para maabot ang ating tunguhin.—1 Tim. 4:16; 2 Tim. 4:5.
5 Tayo ay tunay na pinagpala dahil sa mga kaloob na mga taong ito na handang magbigay ng espirituwal na tulong at maibiging pag-alalay. (1 Tes. 5:14) Atin nawang ipakita ang ating pagpapahalaga sa kahanga-hangang paglalaang ito mula kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pakikibahagi sa pag-aaral ng aklat at sa ating tapat na pagsuporta sa gawaing pag-eebanghelyo.—Heb. 10:25.