Ialok ang Aklat na Kaligayahan sa Pamilya sa mga Tao Anuman ang Edad
1 Ipinahayag ng isang 11-taóng-gulang na batang lalaki mula sa California ang kaniyang pagpapahalaga sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Sumulat siya: “Pinahahalagahan ko ito, at pinasisigla ko ang ibang pamilya na basahin ang aklat na ito dahil napakaganda nito. Ito ay . . . nakatutulong sa aking pamilya na masumpungan ang kapayapaan at kaligayahan sa aming tahanan.” Ang karanasan ng kabataang ito ay dapat magpasigla sa ating lahat na ialok ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya sa mga tao anuman ang edad. Narito ang ilang mungkahi na baka gusto ninyong subukin sa inyong ministeryo sa Pebrero.
2 Kapag nakatagpo ang isang kabataan, maaari ninyong sabihin:
◼ “Marami sa mga kaedad mo ay nagbabalak mag-asawa. Subalit saan ka makasusumpong ng maaasahang impormasyon hinggil sa paksang ito? [Hayaang sumagot.] Kadalasang sinasabi ng mga kabataan na hindi pa nila tiyak kung handa na silang mag-asawa. Hayaan mong ibahagi ko sa iyo kung ano ang sinasabi ng aklat na ito tungkol sa paksang iyan.” Bumaling sa pahina 14 sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya, at basahin ang parapo 3. Pagkatapos ay ipakita ang bawat subtitulo sa kabanata. Ialok ang aklat, at isaayos na magbalik.
3 Kapag nakikipag-usap sa isang magulang, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ibinabahagi namin sa mga magulang ang ilang praktikal na mga mungkahi na talagang mabisa sa pagpapalaki ng mga anak. Ang mga ito ay tinipon sa aklat na ito na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya.” Bumaling sa pahina 55. Basahin ang parapo 10, pagkatapos ay ang Deuteronomio 6:6, 7, sa parapo 11. Pagkatapos ay ipakita ang mga pangungusap na nakasulat nang pahilig sa mga parapo 12 hanggang 16. Magpatuloy sa pagsasabing: “Ang aklat na ito ay nakatulong sa marami na higit na maging matagumpay bilang mga magulang. Kung nais mong basahin ito, malulugod akong iwan sa iyo ang kopyang ito sa maliit na kontribusyon.”
4 Kapag nakikipag-usap sa isang may edad na, maaari ninyong sabihin:
◼ “Pagkatapos ko pong basahin ang maikling komentong ito, pakisuyong sabihin ninyo sa akin ang inyong palagay.” Buksan ang aklat na Kaligayahan sa Pamilya sa pahina 169, at basahin ang unang dalawang pangungusap ng parapo 17. Pagkatapos ay humiling ng komento. Depende sa sinabi, maaaring bumasa pa kayo ng karagdagang punto mula sa aklat bago ito ialok.
5 Kapag binabalikan ang naipasakamay na aklat na Kaligayahan sa Pamilya, isaisip ang pagpapasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Baka angkop na magsimula sa Aralin 8 sa brosyur na Hinihiling o sa kabanata 15 ng aklat na Kaalaman. Samantala, sikapin nating tulungan ang mga tao anuman ang edad na magtayo ng isang maligayang Kristiyanong buhay pampamilya.