May Pananabik na Ipangaral ang Mabuting Balita
1 “Nananabik akong makita kayo . . . May pananabik sa aking bahagi na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo.” Ganito ipinahayag ni apostol Pablo ang kaniyang sarili sa pasimula ng kaniyang liham sa mga kapatid sa Roma. Bakit sabik si Pablo na dalawin sila? Sinabi niya: “Upang magtamo rin ako ng ilang bunga sa gitna ninyo . . . Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas.”—Roma 1:11-16.
2 Ipinakita ni Pablo ang gayunding pananabik sa pakikipag-usap sa matatandang lalaki sa Efeso. Ipinaalaala niya sa kanila: “Mula nang unang araw na tumungtong ako sa distrito ng Asia . . . , hindi ko ipinagkait ang . . . pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego.” (Gawa 20:18-21) Sa buong teritoryong iniatas sa kaniya, desididong palaganapin ni Pablo ang mabuting balita ng kaligtasan at tamuhin ang bunga ng Kaharian. Kay inam na espiritu upang tularan!
3 Maitatanong natin sa ating sarili: ‘Ako ba ay nagpapamalas ng gayunding pananabik sa paghahayag ng mabuting balita sa aking komunidad? Imbes na malasin ang gawaing pangangaral bilang isa lamang tungkulin, may pananabik ko bang ibinabahagi ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t maaari? May pananalangin ko bang isinaalang-alang ang aking personal na mga kalagayan? Sinubukan ko na ba ang lahat ng posibilidad sa aming teritoryo, tulad ng pangangaral sa bahay-bahay, sa lansangan, sa mga lugar ng negosyo, sa pamamagitan ng telepono, at sa di-pormal na paraan?’
4 May Pananabik na Makibahagi sa Abril: Ang buwan ng Abril ay isang mabuting panahon upang pag-ibayuhin ang ating personal na pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang binawasang kahilingan sa oras ay dapat na magpangyari sa marami na makapag-auxiliary pioneer. Marahil ang iyong mga kalagayan ay magpapahintulot sa iyo na maglingkod bilang auxiliary pioneer sa Abril at Mayo. O kaya’y maaari kang magpatala bilang isang regular pioneer, dahilan sa binagong kahilingan sa oras. Kung ikaw ay isang mamamahayag sa kongregasyon, maaari ka bang gumugol ng higit pang oras kaysa karaniwan sa paglilingkod sa buwang ito at sa susunod, bilang pagsuporta doon sa mga maaaring magpayunir? Ito’y magpapasaya sa puso ni Jehova!
5 Ang mga mamamahayag ng Kaharian, gaya ni Pablo, ay dapat na patuloy na magpamalas ng pananabik sa pamamagitan ng higit na pagsisikap sa gawaing pangangaral. Ang paggawa ng buong makakaya natin sa ministeryo ay magdudulot sa atin ng tunay na kagalakan. Si Pablo ay nakadama ng kagalakang ito sa kaniyang sagradong paglilingkod. Makabubuting tularan natin ang kaniyang napakainam na halimbawa.—Roma 11:13; 1 Cor. 4:16.