Pinag-iibayo ang Pagpapatotoo Habang Nalalapit Na ang Wakas
1 Ang pag-aani ay isang masayang panahon. Ito’y isa ring panahon ng puspusang paggawa. Limitado lamang ang panahon upang tipunin ang mga ani. Ang mga manggagawa ay hindi dapat magpatigil-tigil sa kanilang gawain.
2 Sa makasagisag na pananalita, inihambing ni Jesus “ang katapusan ng sistema ng mga bagay” sa panahon ng pag-aani. (Mat. 13:39) Tayo’y nabubuhay sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, na ang panahong natitira ay limitado lamang upang makapagbigay ng patotoo “sa buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Habang papalapit nang papalapit ang wakas, kailangan nating pag-ibayuhin ang ating pakikibahagi sa ministeryo. Bakit? Ipinaliwanag ni Jesus: “Ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.”—Mat. 9:37, 38; Roma 12:11.
3 Maging Apurahan Dito: Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang dakilang gawaing pangangaral, mayroon lamang siyang tatlo at kalahating taon upang maisakatuparan ang gawaing iniatas sa kaniya. Siya’y nangaral taglay ang pagkaapurahan, na nagsasabing: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.”—Luc. 4:43.
4 Ikinintal ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang gayunding pagkaapurahan. (Mar. 13:32-37) Kaya “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Hindi nila inuna sa kanilang buhay ang di-gaanong mahahalagang gawain. Bagaman sila ay kakaunti lamang, sila’y nagtagumpay sa pangangaral ng mabuting balita “sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.”—Col. 1:23.
5 May higit pang dahilan upang linangin natin ang gayunding pagkaapurahan ngayon, yamang “ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na.” (1 Ped. 4:7) Si Jehova ay nagtakda ng isang araw at oras para sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. (Mat. 24:36) Ang gawaing pangangaral ay matatapos sa nalalabing panahon. Kaya patuloy nating dinaragdagan ang ating mga pagsisikap upang maipaabot ang mabuting balita sa mas marami pang mga tao.
6 Kapag pinag-iibayo natin ang ating bahagi sa gawaing pagpapatotoo samantalang nalalapit na ang wakas, magkakaroon tayo ng kasiyahan sa pagsasabi kay Jehova, gaya ni Jesus: ‘Tinapos namin ang gawaing ibinigay mo sa amin upang gawin.’—Juan 17:4.