“Ano ang Dapat Kong Gawin?”
1 Bilang isang kabataang patungo na sa hustong gulang, maaari mong itanong, ‘Ano ang dapat kong gawin sa aking buhay?’ Nais palawakin ng mga Kristiyanong kabataan ang kanilang paglilingkod kay Jehova sa ministeryo. Subalit paano mo magagawa ito habang binabalikat ang mga pananagutan ng isang nasa hustong gulang, na dito’y kalakip ang paglalaan sa iyong materyal na mga pangangailangan? Ang kasagutan ay maaaring hindi madaling masumpungan.
2 Ang ilang kabataan ay nababalisa kapag kanilang pinagmamasdan ang kalagayan ng ekonomiya sa daigdig at ang mga hula hinggil sa kinabukasan. Sila’y nag-iisip: ‘Dapat ba akong kumuha ng karagdagang sekular na edukasyon? Dapat ba akong pumasok kaagad sa buong-panahong paglilingkod?’ Upang makagawa ng tamang desisyon, kailangang taimtim na masagot ng isang tao ang katanungang ito, ‘Ano ang pinakapangunahing interes ko sa buhay?’ Kailangan niyang suriin ang kaniyang mga motibo.
3 Ano ba ang iyong nalinang bilang pangunahing mithiin mo nang nasa kabataan ka pa? Ikaw ba’y interesado lamang sa paghahanap ng materyal na kapakinabangan, o talaga bang nais mong gamitin ang iyong buhay upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian? Ang isang titulo sa unibersidad ay hindi gumagarantiya ng tagumpay sa hanapbuhay. Bilang mapagpipilian, marami ang naging bihasa sa trabaho sa pamamagitan ng edukasyon sa ilang bokasyonal o teknikal na paaralan, o maiikling kurso sa kolehiyo na nangangailangan lamang ng kaunting panahon at pag-aaral.
4 Magtiwala sa Salita ni Jehova: Ang isang napakahalagang bagay na dapat isaalang-alang ay ang katiyakan mula sa Diyos na Jehova na siya’y maglalaan sa mga taong ang inuuna sa kanilang buhay ay ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33) Ito’y hindi isang hungkag na pangako. Maraming kapatid na nag-aaral sa Ministerial Training School ang nagkaroon ng mga titulo sa kolehiyo bago natuto ng katotohanan. Subalit ano ang naging trabaho nila? Iilan lamang ang gumamit ng kanilang pinag-aralang karera. Ang naging hanapbuhay ng marami ay ang magbigay ng serbisyo sa iba, subalit napangangalagaang mabuti ang kanilang materyal na pangangailangan habang nagpapayunir. Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang gawain sa ministeryo, sila’y tumatanggap ng mga pagpapala na makapupong higit sa salapi.
5 Sa pagpapasiya kung ano ang dapat mong gawin pagkatapos ng gradwasyon sa mataas na paaralan, timbangin ang lahat ng salik at maingat na suriin ang iyong mga motibo. Para magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa iyong pagpili, isaalang-alang ang impormasyon hinggil dito na lumabas sa Gumising! ng Marso 8, 1998, pahina 19-21. Makipag-usap sa iyong mga magulang, sa matatanda, sa inyong tagapangasiwa ng sirkito, at sa matatagumpay na mga payunir sa inyong lugar. Ito’y makatutulong sa iyo na makagawa ng isang matalinong desisyon hinggil sa kung ano ang dapat mong gawin sa iyong buhay.—Ecles. 12:1, 13.