Kung Paano Nagtutulungan ang mga Miyembro ng Pamilya Para sa Lubusang Pakikibahagi—Sa Ministeryo
1 Ano pa ang higit na nakapagpapasigla ng puso kaysa makita ang mga asawang lalaki at asawang babae, mga magulang at mga anak na gumagawang magkakasama sa ministeryong Kristiyano, na hayagang pumupuri sa pangalan ni Jehova? (Awit 148:12, 13) Ang lahat ng pamilya ay dapat na magkaroon ng isang mabuting rutin para sa regular na pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan. Ang inyo bang pamilya ay may itinakdang araw bawat linggo upang gugulin sa ministeryo? Kung gayon, alam na alam ng bawat isa kung ano ang dapat na isaplano at sa gayo’y lubos na makibahagi rito.—Kaw. 21:5a.
2 Bago ang araw ng paglilingkod ng pamilya, bakit hindi gawing sama-samang proyekto ang paghahanda ng mga presentasyong gagamitin ng inyong pamilya? Ang mga sesyon ng pag-eensayo ay maaaring maging higit na kapaki-pakinabang, at ang mga ito ay magbubunga ng isang tunay na espiritu ng pagtutulungan sa pamilya. Kay laking pakinabang kapag ang ministeryo sa larangan ay naging isang pampamilyang gawain at ang lahat ng miyembro nito ay handang-handa!
3 Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang sumama sa isang buong pamilya sa gawain sa magasin. Samantalang siya’y nagbabahay-bahay kasama ng isa sa mga anak na babae, ito ay nagtanong: “Gaano katagal kayong gagawang kasama ko?” Pagkatapos ay ipinaliwanag nito na siya’y gagawang kasama naman ng kaniyang ama. Maliwanag na silang mag-ama ay nasisiyahang gumawang magkasama sa paglilingkod. Kay inam na espiritu ng pamilya!
4 Ang ilang pamilya ay maaaring sama-samang makapag-auxiliary pioneer sa isang buwan sa taóng ito. O maaaring posible na isa man lamang miyembro ng pamilya ang patuloy na makapaglingkod bilang isang auxiliary pioneer o kaya’y magpatala pa nga bilang isang regular pioneer. Sa pamamagitan ng mabuting organisasyon at pagtutulungan, marahil ay mapasusulong ng lahat ng miyembro ng sambahayan ang kanilang personal na bahagi sa paglilingkod sa pamamagitan ng pagsuporta sa isa na nagpapayunir. Ang pamilya ay tiyak na pagpapalain sa pamamagitan ng karagdagang gawaing ito at sa pamamagitan ng mabubuting karanasan na tinatamasa sa ministeryo.—Mal. 3:10.
5 Ang pakikibahagi nang lubusan sa pag-eebanghelyo ay gawaing tutulong sa mga pamilya na manatiling malapit sa isa’t isa, masigasig, mabunga, at maligaya sa paglilingkod kay Jehova!—Ihambing ang Filipos 2:1, 2.