Magplano Nang Patiuna!
1 Ang organisasyon ni Jehova ay naglalaan ng isang regular na programa ng teokratikong mga gawain na dinisenyo upang matugunan ang lahat ng ating espirituwal na mga pangangailangan. Ang pagpapahalaga ay mag-uudyok sa atin na kunin ang lubos na kapakinabangan mula sa lahat ng kaayusan, tulad ng mga pagdalaw ng naglalakbay na tagapangasiwa, mga asamblea at mga kombensiyon, at iba pang mga pantanging gawain na isinaplano nang lokal. (Mat. 5:3) Gayunman, hindi napapakinabangan ng ilan ang marami sa espirituwal na mga paglalaang ito dahilan sa iba pa nilang mga plano. Ano ang maaaring gawin upang mahadlangan ito? Paano natin matitiyak na hindi maaapektuhan ng di-teokratikong mga gawain “ang mga bagay na higit na mahalaga”?—Fil. 1:10.
2 Mahalaga ang Matalinong Pagpaplano: Ang Kawikaan 21:5 ay nagpapayo: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na ukol sa kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na pabigla-bigla ay tiyak na patungo sa kakapusan.” Upang tamuhin ang espirituwal na “kapakinabangan,” kailangan nating puspusang magplano nang patiuna, na pinag-iisipan ang naisaayos na teokratikong mga gawain. Dapat nating iiskedyul ang ating personal na mga gawain sa panahong hindi makahahadlang ang mga ito sa ating pagkanaroroon upang anihin ang espirituwal na mga pagpapala. Kung nagmamadali tayo sa pagpaplano upang gawin ang mga bagay-bagay na nais nating gawin, anupat hindi na iniisip ang dumarating na mga teokratikong gawain, malamang na magdusa tayo ng “kakulangan” sa espirituwal.
3 Huwag Kaliligtaan! Tayong lahat ay gumagawa ng mga plano para sa hinaharap, lakip na ang para sa mga bakasyon, pagbibiyahe dahilan sa negosyo, pagdalaw sa mga kamag-anak, at iba pa. Bago kayo magpasiya o gawing hindi na mababago pa ang inyong mga plano, alamin muna ang iskedyul ng dumarating na mga gawaing espirituwal. Kung malaman ninyong darating ang tagapangasiwa ng sirkito o naka-iskedyul ang isang pansirkitong asamblea sa panahong kayo’y mawawala, sikaping isaayos-muli ang inyong gawain upang kayo’y makabahagi. Maaga tayong pinahihiwatigan tungkol sa mahahalagang gawain na nakaiskedyul sa hinaharap. Maaaring sabihin sa inyo ng matatanda sa inyong kongregasyon kung ano ang naisaplano sa lokal na paraan.
4 Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng patiunang pananaw at pagpaplano para sa higit na mahahalagang bagay, tayo ay ‘mapupuspos ng matuwid na bunga, . . . sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.’—Fil. 1:11.