Tinuturuan Tayo ni Jehova
1 Isinasagawa ngayon sa 233 lupain ang isang internasyonal na programa sa edukasyon sa ilalim ng patnubay ng Diyos. Hindi ito maihahambing sa anumang maiaalok ng sanlibutang ito. Tinuturuan tayo ng ating Dakilang Tagapagturo, si Jehova, kung paano makikinabang ang ating sarili ngayon habang tinuturuan din niya tayo para sa walang-hanggang buhay.—Isa. 30:20; 48:17.
2 Mga Paaralan ng Makadiyos na Edukasyon: Isaalang-alang ang mga paaralan na kasalukuyang ginagamit para sa kapakinabangan ng bayan ni Jehova. Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, na lingguhang idinaraos sa mga 87,000 kongregasyon, ay nagsasanay ng milyun-milyong mamamahayag ng Kaharian upang maging mabibisang ministro ng mabuting balita. Nakapagpatala ka na ba rito? Kabilang ka ba sa libu-libong nakadalo sa dalawang-linggong Pioneer Service School? Marahil, ang mas mababang kahilingan sa oras para sa mga regular pioneer ay makatutulong sa marami na makapagpayunir at maging kuwalipikadong dumalo sa paaralang ito. Ang dalawang-buwan na Ministerial Training School, ngayo’y idinaraos sa mga pangunahing wika sa daigdig, ay nagsasangkap sa walang-asawang matatanda at mga ministeryal na lingkod upang bumalikat ng mas maraming teokratikong pananagutan. Sa pana-panahon, ang lahat ng matatanda at ministeryal na lingkod ay nakatatanggap ng pantanging pagtuturo sa Kingdom Ministry School.
3 Ang mga pasilidad sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, ay ginagamit sa kasalukuyan upang doon idaos ang tatlong pantanging paaralan, na nagbibigay ng mas mataas na antas ng teokratikong pagsasanay. Ang limang-buwan na kurso sa Watchtower Bible School of Gilead ay naghahanda sa mga ministro para sa gawaing pangmisyonero sa banyagang mga larangan. Ang mga miyembro ng Komite ng Sangay mula sa buong daigdig ay nag-aaral sa isang dalawang-buwan na kurso hinggil sa pag-oorganisa ng sangay. Noong Mayo 1999, isang bagong dalawang-buwan na kurso para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa ang pinasimulan na may isang klase na binubuo ng 48 estudyante mula sa Estados Unidos at Canada. Lahat ng lingkod ni Jehova sa bandang huli ay nakatatanggap ng maiinam na kapakinabangan mula sa pagsasanay na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng iba’t ibang paaralang ito.
4 Tinuruan Ukol sa Anong Layunin? Sinabi ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala: “Ang ating kasalukuyang programa sa edukasyon ay dinisenyo upang dalhin ang lahat sa bayan ni Jehova saanman sila naroroon sa mainam na kalagayan ng pagkamaygulang na inilarawan sa Kawikaan 1:1-4.” Patuloy nawang bigyan ni Jehova ang bawat isa sa atin “ng dila ng mga naturuan.”—Isa. 50:4.