Panlabas na Anyo Lamang Ba ang Iyong Nakikita?
1 Habang isinasagawa natin ang ating pangmadlang ministeryo, ang unang impresyon natin sa ilang tao ay maaaring magpaatubili sa atin na ibahagi ang mabuting balita sa kanila. Halimbawa, paano ka tutugon kapag ang isang lalaking mabalasik ang anyo ay laging tumititig sa iyo nang may paghihinala tuwing dinadalaw mo ang kaniyang kapitbahay na nagpakita ng interes sa katotohanan? Ang isang payunir na kapatid na babae na nakaranas ng ganito ay nagpasiyang lumapit sa lalaki at makipag-usap sa kaniya. Magaspang ang bati nito sa kaniya. Subalit, ang nakapagtataka, nakinig ito sa mensahe ng Bibliya at may pananabik na sumang-ayong mag-aral. Bunga ng hindi paghatol ng kapatid na babae ayon sa panlabas na anyo, ang daan ay nabuksan para sa lalaking ito at sa kaniyang asawa upang matuto ng katotohanan.
2 Isa pang kapatid na babae ang sa simula’y nahintakutan sa panlabas na anyo ng isang kabataang lalaki na mahaba ang buhok ngunit patuloy na nagpapatotoo rito nang maikli sa tuwing magtutungo ito sa tindahan na pinagtatrabahuhan ng kapatid. Nagbunga ang kaniyang pagsisikap, at ang kabataang lalaking iyon ay isa nang bautisadong Saksi ngayon. Ano ang hahadlang sa atin sa dagliang paghihinuha na hindi tutugon ang gayong mga tao?
3 Pagtulad sa Halimbawa ni Jesus: Alam ni Jesus na ipagkakaloob niya ang kaniyang buhay para sa lahat. Kaya naman hindi siya nahadlangan ng panlabas na anyo ng iba. Batid niya na maging yaong mga may di-mabuting reputasyon ay maaaring magnais na magbago kung bibigyan ng angkop na tulong at pampatibay-loob. (Mat. 9:9-13) Sinikap niyang tulungan kapuwa ang mayayaman at mahihirap. (Mat. 11:5; Mar. 10:17-22) Huwag sana nating husgahan ang mga taong ating natatagpuan sa ministeryo sa pamamagitan ng kanilang panlabas na anyo, anupat binubulag ang ating sarili sa marahil ay isang mabuting kalagayan ng puso. (Mat. 7:1; Juan 7:24) Ano ang makatutulong sa atin upang matularan ang mahusay na halimbawa ni Jesus?
4 Sa ating pag-aaral ng Bibliya, naunawaan natin na ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihang bumago ng pag-iisip, paggawi, at personalidad ng isang tao. (Efe. 4:22-24; Heb. 4:12) Samakatuwid, dapat tayong magtaglay ng isang positibong saloobin at ipaubaya ang mangyayari sa mga kamay ni Jehova, ang Isa na nakababasa ng puso ng tao.—1 Sam. 16:7; Gawa 10:34, 35.
5 Ang atin nawang walang-pagtatanging pamamahagi ng mabuting balita sa lahat ng uri ng tao, anuman ang kanilang panlabas na anyo, ay makatulong sa malaking gawaing pag-aani sa mga huling araw na ito.—1 Tim. 2:3, 4.