Maaari Ka Bang Tumulong?
1 Pinaalalahanan ni apostol Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon na “magkaroon ng magkakatulad na pagmamalasakit sa isa’t isa.” (1 Cor. 12:25) Samakatuwid, dapat tayong magpakita ng personal na interes sa isa’t isa at maging handang magbigay ng maibiging tulong kapag kinakailangan. Bilang halimbawa, ang ilan sa ating espirituwal na mga kapatid na babae ay mag-isang nagpapalaki ng kanilang mga anak sa katotohanan. Binabalikat ng mga kapatid na babaing ito ang buong bigat ng pananagutan sa espirituwal na pagsasanay sa kanilang mga anak. Tiyak na karapat-dapat sila sa ating mabait na pagpapatibay-loob at praktikal na pagtulong “ayon sa kanilang mga pangangailangan.” (Roma 12:13a) Maaari ka bang tumulong sa kanila?
2 Mga Paraan na Maaari Kang Makatulong: Ang pag-aalok ng masasakyan doon sa mga umaasa sa pampublikong mga transportasyon kapag nagtutungo sa mga pulong at mga asamblea ay maaaring magbunga ng malaking katipiran para sa pamilyang iyon. Ang pagtulong sa isang ina sa pag-aalaga sa kaniyang maliliit na anak sa mga pulong ay maaaring mangahulugan na higit siyang makikinabang nang lubusan sa programa. Gayundin naman, ang pag-aalok ng tulong sa kaniya kapag isinasama niya ang mga bata sa paglilingkod sa larangan ay maaaring magpaginhawa sa kaniya. Ang pagpapamalas ng taimtim na interes sa mga bata—anupat kinakaibigan sila—ay malaki ang magagawa upang maimpluwensiyahan ang ating mga kabataan sa positibong paraan. Ang paminsan-minsang pag-aanyaya sa isang pamilyang may nagsosolong magulang na makisali sa inyong pampamilyang pag-aaral ay magbibigay ng isang nakapagpapanariwang espirituwal na pampatibay-loob.
3 Maging Maingat: Dapat tayong mag-ingat na huwag ipilit ang ating tulong sa isa na hindi nakadaramang kailangan niya ito. Ni gugustuhin man natin na manghimasok sa personal na buhay ng isang tao habang nagbibigay ng kinakailangang tulong. Sabihin pa, ang mga kapatid na babae at mga mag-asawa ang mas nasa kalagayang tumulong sa isang kapatid na babae na nangangailangan.
4 Lahat ng Kristiyano ay pinasisigla na ‘sumunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy’ sa isa’t isa. (Roma 12:13b) Ang pagtulong sa ating espirituwal na mga kapatid ay isa sa maraming paraan ng pagpapamalas natin ng tulad-Kristong pag-ibig na taglay natin sa isa’t isa.—Juan 13:35.