Ang Makahulang Salita ng Diyos ay Magkakatotoong Lahat!
1 Ang mga Saksi ni Jehova ay laging interesado sa hula ng Bibliya. Kaya tuwang-tuwa tayong makaalam na ang tema ng pandistritong kombensiyon noong nakaraang taon ay “Ang Makahulang Salita ng Diyos.” Pinanabikan nating malaman kung ano ang inilaan sa atin ni Jehova bilang “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Hindi niya tayo binigo.
2 Mga Tampok na Bahagi ng Kombensiyon: Ang pinakatemang pahayag noong Biyernes na, “Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos,” ay naglakip sa nagbibigay-liwanag na pagtalakay sa ulat ng pagbabagong-anyo. (Mat. 17:1-9) Idiniin nito na ngayon na mismo tayo ay nasa bukana na ng pinakamabuting panahon sapagkat tayo’y nasa dulung-dulo na ng panahon ng kawakasan, anupat ang bagong sistema ay nasa unahan na! Isang mahalagang paraan upang tayo’y makapagbigay-pansin sa Salita ng Diyos ay ang pagbabasa nito nang regular. Ang simposyum na “Magkaroon ng Kasiyahan sa Pagbabasa ng Salita ng Diyos” ay naglaan ng praktikal na mga mungkahi para magawa nating higit na kapaki-pakinabang at kasiya-siya ang ating pagbabasa ng Bibliya.
3 Noong Sabado ng hapon ating nirepaso ang mga dahilan kung bakit dapat tayong makumbinsi na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw. Natatandaan ba ninyo ang lahat ng ito? Noong Linggo ng umaga, ang hula ni Habakuk ay nabuhay nang ating natutuhan na ang ating kaarawan ay katulad na katulad ng kaniyang kaarawan at ang tunay na mahahalagang pangyayari ay malapit nang sumapit kapag pinuksa ni Jehova ang mga balakyot at iniligtas ang matuwid. Nakuha ba ninyo ang punto ng drama sa Bibliya hinggil kina Jacob at Esau? Dapat na aktibong hanapin natin ang mga pagpapala mula kay Jehova, na nilalabanan ang espiritu ng pagwawalang-bahala at kawalang-interes.
4 Isang Kapana-panabik na Bagong Aklat: Kay saya nga natin nang tanggapin ang bagong aklat na, Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! Walang pagsalang binabasa na ninyo ang kawili-wiling publikasyong ito. Ang tagapagsalita na naglabas nito ay nagsabi: “Maliban sa ilang detalye, ang lahat ng hula sa aklat ng Daniel ay natupad na.” Hindi ba ito nagbibigay-diin sa pagkaapurahan ng ating panahon?
5 Ang programa ng kombensiyon ay lubhang nagpalakas ng ating pananalig na ang lahat ng pangako ng Diyos na hindi pa natutupad ay magkakatotoo. Tayo’y pinasisiglang patuloy na magpahayag sa iba ng makahulang salita ng Diyos!