Ano ang Inyong Sasabihin sa Isang Judio?
1 Noong unang siglo, marami “sa mga anak ni Israel” ang may pagpapahalagang tumugon sa pangangaral ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. (Gawa 10:36) Kung paano noon, marami ring taimtim na mga Judio ngayon ang buong-pusong yumayakap sa katotohanan—hindi lamang sa Israel kundi maging sa Russia, sa Estados Unidos, at sa iba pang mga bansa. Nais ba ninyong higit na magtagumpay sa pagpapatotoo sa mga Judio? Ang sumusunod na mga mungkahi ay makatutulong sa inyo na makapagbigay ng mataktikang patotoo kapuwa sa relihiyoso at hindi relihiyosong mga Judio.
2 Pagpapatotoo sa Relihiyosong mga Judio: Dapat mabatid na ang relihiyosong mga Judio ay kadalasang higit na interesado sa pagsunod sa mga tradisyon ng mga rabbi kaysa sa pagpapaliwanag ng espesipikong mga doktrina. Sa katunayan, karaniwan ay minamalas nila na magkapantay ang awtoridad ng tradisyon at ng Kasulatan. Kaya, hindi sila gaanong interesadong makipag-usap tungkol sa malalalim na paksa ng Bibliya. Inaakala rin nila na ang Bibliya ay isang Kristiyanong aklat. Dahilan dito, karaniwan nang makabubuti na gumamit ng mga terminong “ang Hebreong Kasulatan,” “ang Torah,” o “ang Kasulatan,” kapag tinutukoy ang Bibliya. Ang isang napakainam na publikasyon na inihanda lalo na para sa mga Judio ay ang brosyur na Will There Ever Be a World Without War? Makukuha ito sa Ingles lamang.
3 Anong paksa ang maaaring pumukaw sa interes ng relihiyosong mga Judio? Buweno, sila’y naniniwala na may isang Diyos, na lubos na interesado sa tao. Naniniwala rin sila na ang Diyos ay nakikialam sa mga ginagawa ng tao. Maaari ninyong gamitin ang mga ito upang maitatag ang puntong mapagkakasunduan. Karagdagan pa, ang karamihan sa mga Judio ay lubos na nakababatid sa pagdurusa ng kanilang mga kababayan noong Digmaang Pandaigdig II. Sila’y nag-iisip kung bakit pinahintulutan ng Diyos ang gayong kawalan ng katarungan at kung kailan magwawakas ang kabalakyutan. Tayo’y lubos na nasasangkapan upang sagutin ang gayong mga katanungan, na binabanggit, bilang halimbawa, ang naranasan ng ating mga kapatid noong panahon ng Holocaust.
4 Sabihin pa, upang hindi umiwas ang maybahay, makabubuting huwag karaka-rakang ibangon sa inyong pag-uusap ang tungkol sa pagkakakilanlan ng Mesiyas. Sa halip, maaari ninyong talakayin ang papel na ginampanan ni Moises sa kasaysayan ng Israel at tanungin ang maybahay kung siya’y naniniwalang may kaugnayan sa ngayon ang mga turo ni Moises. Kung waring angkop na pag-usapan ang pagkakakilanlan ng Mesiyas, maaari ninyong basahin muna ang Deuteronomio 18:15, na nagsasabi: “Isang propeta mula sa gitna mo, mula sa iyong mga kapatid, na tulad ko, ang ibabangon ni Jehova na iyong Diyos para sa iyo—sa kaniya kayo dapat makinig.” Tanungin ang maybahay kung sino ang nasa isipan ni Moises nang sabihin niya ang tungkol sa isang propetang tulad niya. Pagkatapos ay saklawin ang ilang punto sa brosyur na World Without War, pahina 14, parapo 17 at 18.
5 Naiiba ang Pangmalas ng Hindi Relihiyosong mga Judio: Hindi lahat ng nagpapakilalang Judio ay tumatanggap sa mga turo ng Judaismo. Maraming Judio ang hindi relihiyoso sa kanilang pangmalas. Sila’y higit na interesado sa pagtataguyod ng naiibang pagkakakilanlan bilang Judio, lakip na ang kultura, tradisyon, at edukasyon nito, kaysa sa pagsasagawa ng relihiyong Judio. Ang ilang sekular na Judio ay agnostiko—ang ilan ay mga ateista pa nga. Sa pasimula, kakaunti lamang ang maibubunga ng napakaraming pagsipi mula sa Hebreong Kasulatan. Magiging higit na kapaki-pakinabang kung sisimulan ang pakikipag-usap sa paraang katulad ng pakikipagtalakayan sa isang taong hindi relihiyoso. Halimbawa, maaari ninyong ipaliwanag kung paanong ang Bibliya ay praktikal sa ating kaarawan. Kung ang maybahay ay hindi naniniwala na ang Bibliya ay kinasihan, maaaring makatulong ang ilang punto sa brosyur na World Without War, lalo na yaong masusumpungan sa seksiyon sa pahina 3 na pinamagatang “The Bible—Inspired by God?”
6 Kapag nagpapatotoo sa isang Judio, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ang karamihan sa atin ay nagkaroon na nang malungkot na karanasan na mamatayan ng isang minamahal. Ano sa palagay ninyo ang nangyayari sa atin kapag tayo’y namatay?” Hayaang sumagot. Pagkatapos ay akayin ang maybahay sa kahong pinamagatang “Death and the Soul—What Are They?” sa pahina 22 ng brosyur na World Without War. Inihahambing ng kahon ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa buhay pagkatapos ng kamatayan sa itinuturo ng mga rabbi. Pagkatapos ay bumaling sa parapo 17 sa pahina 23, at ipakita na ayon sa Kasulatan, ang patay ay ibabangong-muli sa buhay sa isang paraisong lupa. Ialok ang brosyur. Bilang paghahanda sa pagdalaw-muli, maaari ninyong banggitin na pinaniwalaan ng patriyarkang si Job ang pag-asa sa pagkabuhay-muli. Tukuyin ang mga kasulatang binanggit sa dulo ng parapo 17, at sabihing kayo’y magbabalik upang talakayin ang mga iyon.
7 Ang mga aklat ng Mateo, Marcos, Lucas, Juan, at Mga Gawa ay nag-uulat ng mga karanasan ng mga Judiong nakinig at kumilos ayon sa katotohanan. Pinananatili pa rin ni Jehova na bukás ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Maraming taimtim na mga Judio ang matututo pa hinggil kay Jehova, ang tunay na Diyos, upang sila rin ay mabuhay magpakailanman sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Mik. 4:1-4.