Humingi ng Tulong
1 Ang kinasihang mga salita na “mahirap pakitunguhan” ay angkop na lumalarawan sa ating mapanganib na panahon. (2 Tim. 3:1) Kaya, ano ang magagawa mo kapag napapaharap ka sa mahihirap na espirituwal na hamon anupat nadarama mong parang hindi mo kayang harapin?
2 Handa ka bang makipag-usap sa isang maygulang sa espirituwal na miyembro ng kongregasyon? Ang ilan ay maaaring mag-atubiling gumawa ng gayon dahil sa sila’y nahihiya, ayaw makabigat sa iba, o nag-aalinlangan kung mayroon talagang makatutulong. Totoo, dapat tayong magsikap sa pag-aasikaso sa ating personal na mga pananagutan sa pinakamabuting paraang magagawa natin, subalit dapat tayong maging malaya sa tuwina na humingi ng tulong sa mga bagay na may kinalaman sa ating espirituwal na kapakanan.—Gal. 6:2, 5.
3 Kung Saan Magsisimula: Nanaisin mong lumapit sa iyong konduktor ng pag-aaral sa aklat at itanong kung maaari kang gumawang kasama niya sa paglilingkod sa larangan. Ito’y magbibigay sa iyo ng pagkakataong sabihin sa kaniya ang iyong pagnanais na sumulong sa espirituwal. Kung siya’y isang ministeryal na lingkod, ipaalam sa kaniya ang iyong pangangailangan para sa espirituwal na tulong at hihilingin niya sa matatanda na tulungan ka. O maaari kang lumapit sa sinumang matatanda hinggil sa mga bagay na ikinababahala mo.
4 Anong uri ng tulong ang kailangan mo? Mayroon bang bagay na nagpatamlay sa iyong sigasig? Ikaw ba’y isang nagsosolong magulang na nagsisikap na mapanatiling malapit ang iyong mga anak sa kongregasyon? Ikaw ba’y isang taong may edad na nangangailangan ng tulong? O ang ilang suliranin ay nagpapahina sa iyo? Maaaring mahirap na pakitunguhan ang ating mapanganib na panahon—subalit hindi imposible. May makukuhang tulong.
5 Kung Paano Makatutulong ang Matatandang Lalaki: Ang matatanda ay tunay na nagmamalasakit. Sila’y makikinig sa iyong mga ikinababahala. Kung may iba pang mamamahayag na napapaharap sa gayunding mga hadlang, isasaalang-alang ito ng matatanda samantalang sila’y nagpapastol at nagtuturo sa kongregasyon. Bilang “mga halimbawa sa kawan,” sila’y laging handang gumawang kasama mo taglay ang kagalakan. (1 Ped. 5:3) Ang pakikinig sa makaranasang mga kapatid na ito samantalang sila’y nangangatuwiran sa mga simulain ng Bibliya ay magpapasulong sa iyong ministeryo at makatutulong sa iyong personal na buhay.—2 Tim. 3:16, 17.
6 Pinagkalooban tayo ni Jesus ng maraming “kaloob na binubuo ng mga lalaki.” (Efe. 4:8, talababa sa Ingles) Ito’y nangangahulugang ang matatanda ay handang maglingkod sa inyo. Sila’y naririyan upang tulungan kayo. Sila, wika nga, ay para “sa inyo.” (1 Cor. 3:21-23) Kaya sa halip na mag-atubili, malayang magsalita. Humingi ng tulong na kailangan ninyo.