Taglay Mo Ba ang Espiritu ng Pagsasakripisyo sa Sarili?
1 Ang pagpapahalaga sa walang pag-iimbot na ginawa ni Jesu-Kristo para sa sangkatauhan ay dapat na magpakilos sa ating lahat na gamitin ang ating mga kakayahan, kasiglahan, at kalakasan sa mapagsakripisyo-sa-sariling paraan. Ang Kasulatan ay nagsusumamo: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod.” (Roma 12:1) Ang pagsusuri-sa-sarili sa pana-panahon ay makatutulong sa iyo na makita kung naipamamalas mo nang lubusan ang gayong uri ng espiritu hangga’t ipinahihintulot ng iyong personal na mga kalagayan.
2 Sa Paghahanap ng Kaalaman sa Bibliya: Ikaw ba ay regular na naglalaan ng panahon para sa personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya? Nananatili ka ba sa iskedyul na iyon? Kinaugalian mo ba ang paghahanda nang mabuti para sa mga pulong ng kongregasyon? Kung ikaw ay isang ulo ng pamilya, mayroon ka bang regular na pag-aaral ng Bibliya sa iyong sambahayan? Ang paggawa ng mga bagay na ito ay maaaring mangailangan ng pagsasakripisyo sa panahong ginugugol sa panonood ng telebisyon o sa computer o sa iba pang mga gawain. Gayunman, kayliit na sakripisyo iyon, sa pagkaalam na ang panahong ginugol sa Salita ng Diyos ay aakay sa iyo sa buhay na walang hanggan!—Juan 17:3.
3 Sa Pagsasanay sa Iyong mga Anak: Ang pinakamabuting panahon para magpasimulang matuto sa isang landasin ng pagsasakripisyo sa sarili ay sa pagkabata. Ituro sa iyong mga anak na samantalang may panahon sa paglalaro, kailangan ding magkaroon ng panahon sa pagtatrabaho at sa teokratikong mga gawain. (Efe. 6:4) Bigyan sila ng kapaki-pakinabang na mga gawain sa tahanan. Gumawa ng regular na iskedyul na makibahagi sa ministeryo kasama nila. Patibayin ang iyong tagubilin sa pamamagitan ng iyong mabuting halimbawa.
4 Sa mga Gawain sa Kongregasyon: Umuunlad ang kongregasyon kapag ang bawat isa na kabilang dito ay handang magsakripisyo upang maisakatuparan ang mga bagay-bagay sa kapakinabangan ng lahat. (Heb. 13:16) Posible ba para sa iyo na gumugol ng higit pang panahon sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad? Maaari ka bang magboluntaryo upang tulungan ang may sakit o may edad, marahil ay tinutulungan silang may masakyan patungo sa mga pulong?
5 Bago sukdulang isakripisyo ang kaniyang buhay-tao, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ituon ang kanilang mga mata sa mga kapakanan ng Kaharian, na inilalagay ang lahat ng iba pang mga bagay sa buhay na pangalawahin. (Mat. 6:33) Ang pagtataguyod sa gayong espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili ay magdudulot sa atin ng higit na kaligayahan habang patuloy nating pinaglilingkuran si Jehova nang may kagalakan.