Pasulungin ang mga Kapakanan ng Kaharian sa Pamamagitan ng Espiritu ng Pagsasakripisyo-sa-Sarili
1 Sa sanlibutan sa ngayon ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ay halos naglaho na. lilan na lamang ang nag-iisip na tumulong sa iba. Ang namamayani ay ang pagkagumon-sa-sarili at saloobing ako-muna. Sinabi ni Pablo hinggil sa ating kaarawan: “Ang mga tao ay magiging malasarili, sakim . . . walang utang na loob.” (2 Tim. 3:2, TEV) Bakit kailangang paglabanan ng mga Kristiyano ang espiritung ito ng sanlibutan, at sa papaanong paraan maaari tayong magsakripisyo-sa-sarili upang mapasulong ang mga kapakanang pang-Kaharian?
BAKIT MAGSASAKRIPISYO-SA-SARILI
2 Ang lahat ng tinataglay natin ay pawang buhat kay Jehova. (Sant. 1:17) Kaya ang pagkakadama na tayo’y may utang sa Diyos ay dapat na magpakilos sa atin na isakripisyo ang ating panahon, kakayahan, at maging ang ating buhay para sa paglilingkod sa kaniya. (Ihambing ang 1 Corinto 4:7.) Utang natin sa kaniya ang gayong debosyon.—Apoc. 4:11.
3 Si Jesu-Kristo ay isang sakdal na halimbawa ng pagiging mapagsakripisyo-ng-sarili. Isinaisang tabi niya ang personal na mga kapakanan upang gawin ang kalooban ng Diyos at naging buhos-na-buhos ang isip sa mga kapakanan ng Kaharian. (Juan 5:30) Si Pablo rin ay naging mapagsakripisyo-ng-sarili, at hinimok niya ang mga kapatid sa Roma na ‘iharap ang kanilang katawan bilang isang haing buhay para sa Diyos.’—Roma 12:1.
MGA PARAAN SA PAGSASAGAWA NG PAGSASAKRIPISYO
4 Sa panahong ito ang mga lingkod ng Diyos ay nagsasakripisyo din ng sarili. Marami ang umalis sa tahanan at iniwan ang mga ariarian upang gumawa ng buong-panahong paglilingkod. Saganang ipinagkaloob ng iba ang kanilang panahon, salapi at lakas upang tumulong sa pagtatayo ng mga dako ukol sa pagsamba. Oo, ang boluntaryong pagtulong ng mga nag-alay na lalaki, babae at mga bata sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall o Assembly Hall ay lubos na pinasasalamatan. Minamalas ng mga ito ang pagboboluntaryo bilang abuloy sa pagsulong ng mga kapakanang pang-Kaharian. Ikinakapit nila ang simulain ni Jesus nang sinabi niya: “Tinanggap ninyong walang bayad, ipamahagi ninyong walang bayad.”—Mat. 10:8.
5 Kumusta naman tayo? Taglay ba natin ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili? Hindi natin mapahihintulutang ang espiritu ng sanlibutan ang mamayani sa ating pag-iisip. Maaari ba tayong maglaan ng higit na panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya? Maaari ba nating tulungan ang mga may sakit o matatanda sa pamamagitan ng mga gawa ng Kristiyanong kabaitan? Mapalalawak ba natin ang ating ministeryo upang saklawin ang paglilingkuran bilang auxiliary o regular payunir? Maaaring sa pamamagitan ng pagsusuri ng sarili ay makita natin kung saan tayo makagagawa ng pagsulong.—Heb. 13:15, 16.
6 Nalalaman ni Satanas na umiikli ang kaniyang panahon, kaya wala siyang iba pang nais kundi ang akitin ang mga lingkod ni Jehova upang itaguyod ang malasariling landasin ng sanlibutan. Paglabanan nawa natin ang kaniyang mga pakana at linangin ang espiritu ng mang-aawit nang sabihin niyang: “Ako’y maghahain sa iyo ng kusang handog. Ibubunyi ko ang pangalan mo, O Jehova, sapagka’t mabuti.”—Awit 54:6.