Gamitin ang Kasalukuyang mga Pangyayari Upang Antigin ang Interes
1 Nais ba ninyong magkaroon ng patuloy na suplay ng mabubuting ideya upang mapanatiling sariwa ang inyong ministeryo at maantig ang interes ng mga tao sa mensahe ng Bibliya? Kung gayo’y gamitin kung ano ang nangyayari sa daigdig at sa inyong komunidad upang pasimulan ang mga pag-uusap. Maaari kayong gumamit ng lokal at pambansang mga pangyayari o mga pang-internasyonal na balita. Ang mga ito ay laging nagbabago. (1 Cor. 7:31) Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa.
2 Ang mga suliranin sa ekonomiya at ang halaga ng bilihin ay tunay na ikinababahala ng mga tao. Kaya, maaari ninyong sabihin:
◼ “Narinig na ba ninyo ang balita na tataas na naman ang halaga ng [banggitin ang paninda]?” O maaari ninyong komentuhan ang tungkol sa kawalan ng trabaho kung nagbawas ng maraming manggagawa ang isang malaking kompanya. Depende kung paano ninyo nais ipagpatuloy ang pagtalakay, maaari ninyong isunod na itanong ang alinman sa “Napag-isipan na ba ninyo kung bakit napakahirap maghanapbuhay?” o “Sa palagay ba ninyo’y patuloy na magiging mahirap na sapatan ang pangangailangan?”
3 Ang mga ulat ng karahasan, tulad ng mga trahedya sa mga pamilya o sa mga estudyante sa paaralan, ay naglalaan ng saligan para sa isa pang pagtalakay. Maaari ninyong itanong:
◼ “Nabasa na ba ninyo sa pahayagan na [banggitin ang trahedya sa komunidad]?” Pagkatapos ay itanong ang alinman sa “Ano sa palagay ninyo ang dahilan ng napakaraming karahasan sa daigdig?” o “Sa palagay ba ninyo’y darating ang panahon na tayo’y makadarama ng katiwasayan?”
4 Ang mga balita hinggil sa mapangwasak na mga baha, mga lindol, o kaguluhang bayan sa iba’t ibang panig ng daigdig ay nagbibigay rin ng materyal na nakapupukaw ng interes. Halimbawa, maaari ninyong itanong:
◼ “Ang Diyos ba ang may pananagutan sa [banggitin ang likas na kasakunaan]?” O maaari ninyong tukuyin ang pinakahuling pagsiklab ng kaguluhang bayan at sabihin: “Kung ang lahat ay nagnanais ng kapayapaan, bakit napakahirap tamuhin iyon?”
5 Manatiling alisto sa kasalukuyang mga pangyayari na maaari ninyong gamitin sa inyong pambungad. Masusumpungan ang nakatutulong na mga mungkahi sa ilalim ng “Kasalukuyang mga Pangyayari,” sa pahina 11 ng aklat na Nangangatuwiran (p. 10-11 sa Ingles). Gayunman, iwasan ang pagkiling sa makapulitika o panlipunang mga isyu. Sa halip, akayin ang pansin sa Kasulatan at sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging namamalaging solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan.