Paglinang sa Interes na Pinukaw ng Kingdom News Blg. 36
1 Natapos na ba ninyong ipamahagi ang ibinigay sa inyong Kingdom News Blg. 36? Ito’y nagbabangon ng napapanahong tanong para bulay-bulayin ng lahat: “Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?” Habang papalapit ang taóng 2000, ang mga inaasam na maidudulot ng bagong milenyo ay lubhang nagkakaiba-iba. Tinatalakay ng Kingdom News Blg. 36 ang ilan sa mga inaasam na iyon at ipinaaalaala sa atin na ang mga kalagayan sa daigdig ay hindi naglalaan ng isang saligan para maging optimistiko. Ang tanging milenyo na makapagdudulot ng kapayapaan at katiwasayang hinahangad ng mga tao ay ang Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus. Ang ating pagtitiwala sa pagiging totoo ng kaniyang Kaharian ay gumanyak sa atin na ipamahagi ang Kingdom News Blg. 36 sa lahat ng maaabot natin.
2 Mga Pagtugon sa Kingdom News: Ang nakaraang mga pamamahagi ng Kingdom News ay napatunayang isang mainam na pampasigla sa atin sa ating gawain. May kaugnayan sa Kingdom News Blg. 35, ang sangay sa Canada ay sumulat: “Ang pantanging kampanyang ito ay masiglang sinuportahan ng mga mamamahayag at mga payunir sa larangan, at maraming nakapagpapatibay na mga karanasan ang tinamasa.” Walang alinlangan na kayo ay nagpamalas ng gayunding kasiglahan sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36.
3 Ang kasalukuyang kampanya sa Kingdom News ay naka-iskedyul na matapos sa Nobyembre 17, 2000. Nakubrehan na ba ang lahat ng teritoryong nakaatas sa inyong kongregasyon? Kung hindi pa, maaaring hilingin sa inyo ng matatanda na ipagpatuloy ang kampanya hanggang sa katapusan ng Nobyembre.
4 Ano na ang naging reaksiyon sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36 sa inyong lugar? Pupunan ng ilang tao ang kupón at hihiling ng isang kopya ng brosyur na Hinihiling at/o ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Gayunman, ang karamihan sa mga nagpakita ng panimulang interes sa paksa ng milenyo ay malamang na hindi kumilos hanggang sa dumalaw-muli ang isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang lahat ng nagpakita ng interes ay dapat na dalawing-muli. Kailan ang angkop na panahon upang gawin ito? Ang pagsubaybay ay dapat gawin kaagad hangga’t maaari.
5 Bigyang-pansin ang mga karanasang ito na ibinunga ng pagbabalik-muli sa mga tumanggap ng Kingdom News Blg. 35. Isang payunir sa Ireland ang nag-iwan ng Kingdom News sa may-ari ng isang restawran. Ang babae ay humanga sa mensahe at inanyayahan ang sister na bumalik. Ang sister ay nagbalik makaraan ang dalawang araw, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Sa Denmark, isang kopya ng Kingdom News ang iniwan sa isang bahay na walang tao. Noong araw ding iyon ay ipinadala ng babae na nakatira roon ang kupón sa tanggapang pansangay, na siya namang nagpadala nito sa lokal na kongregasyon. Bago natapos ang sanlinggo, dalawang sister ang dumalaw, isang pag-aaral ang isinaayos, at ang babae ay dumalo sa kaniyang kauna-unahang pulong sa Kingdom Hall!
6 Kung Ano ang Sasabihin sa Inyong Pagbabalik: Ang pagdalaw-muli sa mga tumanggap ng Kingdom News ay madali lamang at ito’y isang kasiya-siyang bahagi ng ating ministeryo. Kapag nagsasagawa nito, makabubuting magdala kayo ng isang kopya ng Kingdom News Blg. 36, yamang maaaring hindi taglay ng maybahay ang kaniyang kopya. Maaaring subukin ninyo ang mga mungkahing ito.
7 Pagkatapos ninyong ipaalaala sa maybahay kung sino kayo, maaari ninyong sabihin:
◼ “Ako’y nag-iwan ng babasahing pinamagatang ‘Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?’ Hindi ba’t nakapagpapatibay na mabasa na malapit nang magsimula ang Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus, na magpapangyari ng mga kalagayang Paraiso sa lupa? [Ipakita ang mga ilustrasyon ng Paraiso sa Kingdom News Blg. 36.] Sa likurang pahina, kayo ay inaanyayahang humiling ng isang kopya ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?” Ipakita ang brosyur, bumaling sa aralin 5, basahin ang unang tanong at mga parapo 1 at 2, at hilinging magkomento ang maybahay. Basahin at talakayin ang isa o dalawang kasulatan. Kung posible, isaalang-alang ang isa pang tanong at parapo, pagkatapos ay isaayos na makabalik at maipagpatuloy ang pag-uusap.
8 Yamang ang susunod na alok sa Nobyembre ay ang brosyur na “Hinihiling” o ang aklat na “Kaalaman,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Nang dalawin ko kayo kamakailan, ako ay nag-iwan ng isang kopya ng ‘Ang Bagong Milenyo—Ano ang Laan ng Kinabukasan Para sa Iyo?’ Ito’y may alok na isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ako ay bumalik upang ipakita sa inyo ang ginagamit naming pantulong sa pag-aaral. [Ipakita ang brosyur na Hinihiling, at bumaling sa likod na pabalat; o ipakita ang aklat na Kaalaman, at bumaling sa pahina 188-9.] Ang Milenyo na binabanggit sa Bibliya ay magpapangyari ng mga kalagayan na gaya ng inyong nakikita sa ilustrasyong ito. Upang maging kuwalipikado para sa buhay sa Paraiso, kailangan nating kumuha ng tumpak na kaalaman sa Diyos. Pakisuyong pahintulutan ako na itanghal nang sandali kung paano kami nag-aaral ng Bibliya.”
9 Ang pamamahagi ng Kingdom News Blg. 36 ay gumaganyak sa atin na pag-ibayuhin ang ating pakikibahagi sa ministeryo, na lumilikha ng isang malaking patotoo. Malamang na ito’y pumukaw sa interes ng maraming indibiduwal sa teritoryo. Ang ating nagkakaisang pagsisikap na linangin ang interes na ito, sa tulong ni Jehova, ay magbubunga ng ating may kagalakang paghahanap sa higit pang mga tulad-tupang tao.—Mat. 10:11; Gawa 13:48, 49, 52.