Nangangaral Ka Ba Nang May Katapangan?
1 Sa kabila ng pagkakaaresto at pagbabanta ng mga sumasalansang, patuloy na inihayag nina Pedro at Juan ang mensahe ng Kaharian nang may katapangan. (Gawa 4:17, 21, 31) Ano ang kahulugan para sa atin sa ngayon na mangaral nang may katapangan?
2 May Katapangang Pagpapatotoo: Ang singkahulugan ng “katapangan” ay “buo ang loob,” na nangangahulugang nagtataglay ng “matibay na pagkawalang-takot, katatagan, at pagbabata.” Para sa tunay na mga Kristiyano, ang pangangaral nang may katapangan ay nangangahulugan ng pagiging walang-takot sa pagsasalita kailanma’t may angkop na pagkakataong ibahagi sa iba ang mabuting balita. (Gawa 4:20; 1 Ped. 3:15) Nangangahulugan ito na hindi natin ikinahihiya ang mabuting balita. (Awit 119:46; Roma 1:16; 2 Tim. 1:8) Kaya, ang katapangan ay isang katangiang kailangan upang ganapin ang ating atas na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa panahong ito ng kawakasan. Pinakikilos tayo nito na ibahagi ang mabuting balita sa mga tao saanman sila masusumpungan.—Gawa 4:29; 1 Cor. 9:23.
3 Katapangan sa Paaralan: Ang pagiging matatakutin ba o mahiyain ang nagpapahirap sa iyo na mangaral sa iyong mga kaeskuwela? Kung minsan ay hindi ito madali; sa katunayan nga, ito ay maaaring maging isang tunay na hamon. Gayunman, palalakasin ka ni Jehova kung mananalangin ka ukol sa katapangan na mangaral sa iba. (Awit 138:3) Ang katapangan ay tutulong sa iyo upang maipakilala ang iyong sarili bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at upang makayanan ang panlilibak. Bilang resulta, ang iyong pangangaral sa paaralan ay maaaring makapagligtas doon sa mga nakikinig sa iyo.—1 Tim. 4:16.
4 Katapangan sa Trabaho: Kilala ka ba sa trabaho bilang isa sa mga Saksi ni Jehova? Ang tanging paraan na maaaring mapaabutan ng mabuting balita ang iyong mga katrabaho ay sa pamamagitan ng iyong pangangaral sa kanila. Ang iyong katapangan ang tutulong din sa iyo na humiling ng bakasyon sa trabaho para sa iyong mga Kristiyanong pagpupulong at kombensiyon.
5 Katapangan Kapag Nasa Pagsubok: Ang pag-iipon ng katapangan ay mahalaga kapag napapaharap tayo sa pagsalansang. (1 Tes. 2:1, 2) Tumutulong ito sa atin na manghawakang mahigpit sa ating pananampalataya kapag napasailalim tayo sa mga pagbabanta, panlilibak, o tuwirang pag-uusig. (Fil. 1:27, 28) Pinatitibay tayo nito na manindigang matatag kapag ginigipit tayong ikompromiso ang ating pagsunod sa mga pamantayan ng ating Diyos, si Jehova. Pinalalakas tayo nito na panatilihin ang ating kapayapaan kapag pumupukaw ng pakikipagtalo ang iba.—Roma 12:18.
6 Anumang panggigipit ang personal na napapaharap sa atin, harinawang magmatiyaga tayo sa pangangaral ng mabuting balita nang may katapangan.—Efe. 6:18-20.