Patuloy na Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan
1 Bilang mga ministrong Kristiyano, alam natin na ang ating pangangaral ay hindi tatanggapin ng lahat. (Mat. 10:14) Gayunman, hindi natin hinahayaan ang negatibong pagtugon ng ilan na patigilin tayo sa paghahayag ng mabuting balita. (Kaw. 29:25) Ano ang tumutulong sa atin na patuloy na salitain ang salita ng Diyos nang may katapangan?
2 Pinahalagahan ni apostol Pablo ang “nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus.” Ito ang nagpakilos sa kaniya na magsalita taglay ang “matibay na pananalig.” (Fil. 3:8; 1 Tes. 1:5) Bagaman itinuring ng ilan na mahina at mangmang ang mensaheng kaniyang ipinangaral, alam niya na ito ang “kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.” (Roma 1:16) Kaya nga, kahit na napaharap sa pagsalansang, nagpatuloy siya sa “pagsasalita nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova.”—Gawa 14:1-7; 20:18-21, 24.
3 Ang Pinagmumulan ng Ating Lakas: Nakapagpatotoo nang may katapangan si Pablo hindi dahil sa kaniyang sariling lakas. Sa pagtukoy hinggil sa kaniyang sarili at kay Silas, sumulat si Pablo: “Pagkatapos na maghirap muna kami at mapakitunguhan nang walang pakundangan . . . sa Filipos, nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tes. 2:2; Gawa 16:12, 37) Karagdagan pa, habang nakabilanggo sa Roma, hiniling ni Pablo sa iba na ipanalangin siya upang makapagpatuloy siya sa paghahayag ng mabuting balita ‘nang may katapangan gaya ng dapat niyang salitain.’ (Efe. 6:18-20) Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Jehova sa halip na sa kaniyang sarili, nagawa ni Pablo na patuloy na salitain ang salita ng Diyos nang may katapangan.—2 Cor. 4:7; Fil. 4:13.
4 Gayundin sa ngayon. Isang kapatid na lalaki na nahihirapang magpakilala bilang isang Saksi ni Jehova at nahihirapang magpatotoo nang di-pormal sa kaniyang pinagtatrabahuhan ang nanalangin hinggil sa bagay na iyon at nagsimulang magpatotoo. Noong una, tinanggihan ng isang katrabaho ang kaniyang pagsisikap, ngunit nang mabanggit ang tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli, umakay ito sa isang pag-aaral sa Bibliya. Magmula noon, sinamantala na ng kapatid ang bawat pagkakataon upang magpatotoo. Sa loob ng 14 na taon sa kaniyang sumunod na pinagtrabahuhan, natulungan niya ang 34 katao tungo sa bautismo. Makapagtitiwala tayo na palalakasin din tayo ni Jehova upang ‘patuloy nating salitain ang kaniyang salita nang buong katapangan.’—Gawa 4:29.