Pag-ibig ang Gumaganyak sa Atin Upang Mangaral
1 Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo ay kilalang-kilala sa pagiging masisigasig na mangangaral ng mensahe ng Kaharian. (Mat. 24:14) Mahigit na anim na milyon ang aktibo sa buong daigdig; ang mga baguhan ay idinaragdag kapag nakisama na sila sa atin sa pangangaral. Ang bilang ay itinatala salig sa pakikibahagi sa gawaing ito.
2 Ano ang gumaganyak sa atin upang magboluntaryo sa gayong mapanghamong atas? Hindi tayo pinipilit, inaakit ng materyal na pakinabang, o inaalukan ng pantanging mga parangal. Sa umpisa, marami sa atin ang nangingimi dahil nadama nating hindi tayo kuwalipikado, at ang pagtugon ng madla ay kalimitan nang negatibo. (Mat. 24:9) Hindi nauunawaan ng karamihan sa mga nagmamasid kung ano ang gumaganyak sa atin. Tiyak na may matinding dahilan upang tayo ay magpatuloy.
3 Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig: Kinilala ni Jesus ang pinakadakila sa lahat ng utos nang sabihin niyang dapat nating ‘ibigin si Jehova nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas.’ (Mar. 12:30) Ang pag-ibig natin kay Jehova ay nakaugat sa matinding damdamin ng pagpapahalaga kung sino at kung ano siya—ang Soberanong Tagapamahala, ang Maylalang ng lahat ng bagay, na ‘karapat-dapat tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan.’ (Apoc. 4:11) Ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian ay walang kapantay.—Ex. 34:6, 7.
4 Ang pagkakilala at pag-ibig kay Jehova ay nagpapakilos sa atin na pasikatin ang ating liwanag sa harap ng mga tao. (Mat. 5:16) Sumisikat ang ating liwanag kapag pinapupurihan natin siya sa madla, nagsasalita tayo tungkol sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa, at ipinangangaral natin ang mensahe tungkol sa kaniyang Kaharian. Tulad ng anghel sa kalagitnaan ng langit, mayroon tayong “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita . . . sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6) Ang ating pag-ibig ang siyang puwersang nasa likod ng gawaing pangangaral sa buong daigdig.
5 Minamalas ng sanlibutan ang ating pangangaral bilang “kamangmangan” na dapat ipagwalang-bahala. (1 Cor. 1:18) Malawakang mga pagsisikap ang ginawa upang patigilin ang ating gawain. Gaya ng ginawa ng mga apostol, ang ating matapat na pag-ibig ay nagpatibay sa atin upang ihayag: “Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig. . . . Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 4:20; 5:29) Ang gawaing pangangaral ay patuloy na lumalawak sa lahat ng bahagi ng lupa sa kabila ng pagsalansang.
6 Ang ating pag-ibig kay Jehova ay tulad ng isang nagniningas na apoy na nagpapakilos sa atin upang ipahayag nang malawakan ang kaniyang mga kagalingan. (Jer. 20:9; 1 Ped. 2:9) Patuloy nating ‘ihahayag sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga ginagawa . . . sapagkat siya ay gumawa ng mga dakilang bagay’!—Isa. 12:4, 5.