“Sa Diyos ay Posible ang Lahat ng mga Bagay”
1 Ang pangunahing gawain ng kongregasyong Kristiyano ay ang ipangaral ang mensahe ng Kaharian sa buong daigdig. (Mat. 24:14) Napakalaking gawain ito. Para sa maraming nakakakita, waring ito ay nangangailangan ng mga kayamanan na higit pa sa taglay natin. Para naman sa iba, ang pagtupad sa atas na ito ay halos hindi kapani-paniwala sapagkat tayo ay tampulan ng panunuya, pagsalansang, at pag-uusig. (Mat. 24:9; 2 Tim. 3:12) Naniniwala ang mga mapag-alinlangan na ang gawaing ito ay isang bagay na imposibleng gawin. Gayunman, sinabi ni Jesus: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.”—Mat. 19:26.
2 Positibong mga Halimbawa na Dapat Tularan: Sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo bilang isang tao na laban sa buong sistema ng mga bagay. Upang pigilan siyang magtagumpay, isinailalim siya ng mga mananalansang sa lahat ng maisipang paraan ng paghamak, anupat nang dakong huli ay pinaranas sa kaniya ang isang napakasakit na kamatayan. Gayunman, sa katapusan ay may-pagtitiwalang sinabi ni Jesus: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Tunay na isang kahanga-hangang gawa!
3 Ang mga alagad ni Jesus ay nagpamalas ng gayunding espiritu ng katapangan at kasigasigan sa Kristiyanong ministeryo. Marami ang hinagupit, binugbog, ibinilanggo, at pinatay pa nga. Gayunman, sila ay “nagsasaya sapagkat ibinilang silang karapat-dapat na walaing-dangal alang-alang sa kaniyang pangalan.” (Gawa 5:41) Sa kabila ng mga hadlang, naisagawa nila ang tila imposibleng gawain ng pangangaral ng mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; Col. 1:23.
4 Kung Paano Magtatagumpay sa Ating Panahon: Tayo ay may-kasigasigang nagsasagawa rin ng gawaing pangangaral ng Kaharian bagaman napapaharap sa tila mga imposibleng kalagayan. Sa kabila ng mga pagbabawal, pag-uusig, pagbibilanggo, at iba pang mararahas na pagtatangkang pigilan tayo, sa atin pa rin ang tagumpay. Paano ito nagiging posible? “ ‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zac. 4:6) Yamang nasa likod natin si Jehova, walang anumang bagay ang makapagpapatigil sa ating gawain!—Roma 8:31.
5 Kapag tayo ay nangangaral, walang dahilan upang tayo ay mahiya o matakot o makadama ng kawalang-kakayahan. (2 Cor. 2:16, 17) Mayroon tayong nakahihigit na mga dahilan upang magpatuloy sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian. Sa tulong ni Jehova, maisasagawa natin ang “imposible”!—Luc. 18:27.