Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Marso p. 14-19
  • Tularan ang Sigasig ni Jesus sa Pangangaral

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tularan ang Sigasig ni Jesus sa Pangangaral
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • NAGPOKUS SIYA SA KALOOBAN NI JEHOVA
  • KUMILOS SIYA BASE SA MGA HULA SA BIBLIYA
  • UMASA SIYA SA TULONG NI JEHOVA
  • NANATILI SIYANG POSITIBO
  • Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Patuloy Tayong Nangangaral Dahil sa Pag-ibig!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Marso p. 14-19

ARALING ARTIKULO 11

AWIT BLG. 57 Mangaral sa Lahat ng Uri ng Tao

Tularan ang Sigasig ni Jesus sa Pangangaral

“Isinugo sila [ng Panginoon] nang dala-dalawa para mauna sa kaniya sa bawat lunsod at nayon na pupuntahan niya.”—LUC. 10:1.

MATUTUTUHAN

Apat na paraan para matularan ang sigasig ni Jesus sa ministeryo.

1. Paano naiiba ang bayan ni Jehova sa mga nag-aangking Kristiyano?

KITANG-KITA ang kaibahan ng bayan ni Jehova sa mga nag-aangking Kristiyano dahil sa sigasiga nila sa ministeryo. (Tito 2:14) Pero minsan, baka hindi ka ganadong mangaral. Iyan din ang naramdaman ng isang masipag na elder. Sinabi niya, “Alam n’yo, may mga panahong tinatamad akong mangaral.”

2. Bakit posibleng mawala ang sigasig natin sa pangangaral?

2 Baka mas excited tayo sa ibang paraan ng paglilingkod kaysa sa pangangaral. Bakit? Kasi kapag nagtatayo at nagmamantini tayo ng mga teokratikong pasilidad, tumutulong sa disaster relief, o nagpapatibay ng mga kapatid, madalas na nakikita natin agad ang mga resulta nito kaya nagiging masaya tayo. Habang kasama natin sa mga gawaing ito ang mga kapatid, ramdam natin ang pagkakaisa at pag-ibig. Alam din nating napapahalagahan nila ang mga ginagawa natin. Kumusta naman sa pangangaral? Baka ilang taon na tayong nangangaral sa teritoryo natin, pero kaunti lang ang nakikinig. May iba pa nga na naiinis o nagagalit sa atin. At habang papalapit ang wakas, malamang na mas pag-usigin tayo. (Mat. 10:22) Kaya paano natin mapapanatili o mapapatindi ang sigasig natin sa pangangaral?

3. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus sa ilustrasyon sa Lucas 13:6-9?

3 May matututuhan tayo sa halimbawa ni Jesus sa pangangaral. Noong nasa lupa siya, hindi nabawasan ang sigasig niya. Ang totoo, mas naging masigasig pa nga siya sa paglipas ng panahon. (Basahin ang Lucas 13:6-9.) Gaya ng tagapag-alaga ng ubasan sa ilustrasyon ni Jesus na tatlong taóng nag-alaga ng isang puno ng igos na hindi namumunga, mga tatlong taon ding nangaral si Jesus sa mga Judio, na karamihan ay hindi nakinig sa kaniya. Hindi sinukuan ng tagapag-alaga ng ubasan ang puno ng igos. Hindi rin sinukuan ni Jesus ang mga tao. Mas lalo pa nga siyang nagsikap na abutin ang mga puso nila.

4. Anong apat na bagay ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus?

4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano naging masigasig si Jesus, lalo na sa huling anim na buwan ng ministeryo niya. (Tingnan ang study note na “Pagkatapos nito” sa Lucas 10:1.) Magiging masigasig din tayo ngayon kung pag-aaralan natin ang mga sinabi at ginawa ni Jesus. May apat na bagay tayong matututuhan sa halimbawa niya: (1) Nagpokus siya sa kalooban ni Jehova, (2) kumilos siya base sa nalalaman niyang hula sa Bibliya, (3) umasa siya sa tulong ni Jehova, at (4) nanatiling positibo ang tingin niya sa mga tao.

NAGPOKUS SIYA SA KALOOBAN NI JEHOVA

5. Paano ipinakita ni Jesus na nakapokus siya sa kalooban ni Jehova?

5 Masigasig na ipinangaral ni Jesus “ang mabuting balita ng Kaharian” kasi alam niyang ito ang gusto ng Diyos na gawin niya. (Luc. 4:43) Ito ang naging pinakamahalaga kay Jesus. Kahit sa mga huling buwan ng ministeryo niya, pumunta siya “sa mga lunsod at nayon at nagturo sa mga tao.” (Luc. 13:22) Tinuruan din niya ang iba pang alagad kung paano mangaral.—Luc. 10:1.

6. Kahit may iba’t ibang teokratikong atas, ano ang dapat na maging tingin natin sa pangangaral? (Tingnan din ang larawan.)

6 Hindi nagbago ang tingin ni Jehova at ni Jesus sa pangangaral. Ito pa rin ang pinakamahalagang atas ng bayan ng Diyos ngayon. (Mat. 24:14; 28:19, 20) May koneksiyon ang mga teokratikong atas natin sa gawaing pangangaral. Halimbawa, nagtatayo tayo ng mga teokratikong pasilidad at naglilingkod sa Bethel para suportahan ang pangangaral. Kapag may mga sakuna, nagbibigay tayo ng relief sa mga kapatid bilang tulong sa kanila at para maipagpatuloy nila ang mga espirituwal na gawain, gaya ng pangangaral. Kapag nauunawaan natin na ang pangangaral ang pinakamahalagang atas na ibinigay sa atin ni Jehova, mas gaganahan tayong mangaral. Sinabi ni János, isang elder sa Hungary: “Lagi kong iniisip na hindi mapapalitan ng anumang teokratikong atas ang pangangaral. Ito ang pinakaimportanteng gawain natin.”

Collage: 1. Isang brother na nagboboluntaryo sa isang proyekto ng pagtatayo. 2. Isa pang brother na remote volunteer ng Bethel. 3. Magkasamang nangangaral ang dalawang brother na iyon.

Para kay Jehova at kay Jesus, pangangaral ang pinakamahalagang atas natin ngayon (Tingnan ang parapo 6)


7. Bakit gusto ni Jehova na patuloy tayong mangaral? (1 Timoteo 2:3, 4)

7 Kapag tinularan natin ang tingin ni Jehova sa mga tao, magiging mas masigasig tayo sa pangangaral. Gusto niyang marinig ng lahat ang mabuting balita at kumilos. (Basahin ang 1 Timoteo 2:3, 4.) Kaya sinasanay niya tayo na maging mas mahusay sa gawaing ito. Halimbawa, may mga tip sa brosyur na Mahalin ang mga Tao—Gumawa ng mga Alagad tungkol sa pagpapasimula ng pag-uusap para magkaroon tayo ng mga Bible study at tulungan silang magpabautismo. Hindi man kumilos ang mga tao ngayon, puwede pa rin silang magbago sa hinaharap hangga’t hindi pa natatapos ang malaking kapighatian. Baka maalala nila sa panahong iyon ang mga ipinapangaral natin ngayon sa kanila at kumilos sila. Pero mangyayari lang iyan kung hindi tayo hihinto sa pangangaral.

KUMILOS SIYA BASE SA MGA HULA SA BIBLIYA

8. Anong mga hula sa Bibliya ang nakatulong kay Jesus na gamitin sa pinakamabuting paraan ang panahon niya?

8 Naintindihan ni Jesus kung paano matutupad ang mga hula sa Bibliya. Alam niyang tatlo’t kalahating taon lang siyang mangangaral. (Dan. 9:26, 27) Alam din niyang malapit na siyang mamatay at na magdurusa siya. (Luc. 18:31-34) Dahil sa mga hulang ito, ginamit ni Jesus sa pinakamabuting paraan ang panahon niya. Naging masigasig siya sa pangangaral para magawa niya ang iniatas sa kaniya.

9. Paano makakatulong ang mga hula sa Bibliya para maging masigasig tayo sa pangangaral?

9 Kapag naiintindihan natin ang mga hula sa Bibliya, magiging masigasig tayo sa pangangaral. Alam nating kaunti na lang ang panahong natitira. Inihula ng Bibliya ang mga mangyayari sa mga huling araw, pati na ang magiging ugali ng mga tao. At kitang-kita na natin ang mga iyan ngayon. Natutupad na rin ang hula tungkol sa hari ng timog at hari ng hilaga sa “panahon ng wakas.” Alam natin iyan dahil sa mga nangyayari ngayon sa pagitan ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerika at ng Russia at mga kaalyado nito. (Dan. 11:40) Alam din nating tumutukoy sa Anglo-Amerika ang mga paa ng imahen sa Daniel 2:43-45. Dahil sa hulang ito, alam nating napakalapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang mga gobyerno ng tao. Napakalapit na ng wakas ng sistemang ito, kaya gamitin natin ang natitirang panahon para maging masigasig sa pangangaral!

10. Paano pa tayo natutulungan ng mga hula sa Bibliya na maging masigasig?

10 May mga hula sa Bibliya na gustong-gusto nating sabihin sa iba. “Napakaganda ng mga pangako ni Jehova, kaya gusto ko rin itong i-share sa iba,” sabi ni Carrie, isang sister sa Dominican Republic. Sinabi pa niya: “Napakaraming problema ng mga tao ngayon, at alam kong para din sa kanila ang mga pangako ni Jehova.” Pinapatunayan din ng mga hula sa Bibliya na tutulungan tayo ni Jehova sa gawaing pangangaral. Sinabi ni Leila, na taga-Hungary: “Napapatibay ako ng Isaias 11:6-9 na mangaral sa mga tao na parang ’di makikinig sa mensahe natin. Alam kong kahit sino, puwedeng magbago sa tulong ni Jehova.” Sinabi naman ni Christopher, na taga-Zambia: “Ipinapangaral na sa buong mundo ang mabuting balita, gaya ng inihula sa Marcos 13:10. At proud akong magkaroon ng bahagi sa hulang ito.” Ikaw, anong hula sa Bibliya ang nakakatulong sa iyo na maging masigasig sa pangangaral?

UMASA SIYA SA TULONG NI JEHOVA

11. Bakit kailangang umasa ni Jesus kay Jehova para mapanatili ang sigasig niya? (Lucas 12:49, 53)

11 Umasa si Jesus kay Jehova para mapanatili ang sigasig niya sa pangangaral. Kahit maingat magsalita si Jesus, alam niyang magagalit ang mga tao at pag-uusigin siya dahil sa mensaheng dala niya. (Basahin ang Lucas 12:49, 53.) Ilang beses pa nga siyang sinubukang patayin ng mga lider ng relihiyon dahil sa pangangaral niya. (Juan 8:59; 10:31, 39) Pero nangaral pa rin si Jesus kasi alam niyang tutulungan siya ni Jehova. Sinabi niya: “Hindi ako nag-iisa, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. . . . Hindi niya ako iniwang nag-iisa, dahil lagi kong ginagawa ang mga gusto niya.”—Juan 8:16, 29.

12. Paano inihanda ni Jesus ang mga alagad para patuloy silang makapangaral kahit may pag-uusig?

12 Ipinaalala ni Jesus sa mga alagad niya na makakaasa sila sa suporta ni Jehova. Paulit-ulit niyang sinabi sa kanila na tutulungan sila ni Jehova kapag may pag-uusig. (Mat. 10:18-20; Luc. 12:11, 12) Pero sinabi rin niya na kailangan nilang maging maingat. (Mat. 10:16; Luc. 10:3) Pinayuhan niya sila na huwag ipilit ang mensaheng dala nila sa mga ayaw makinig. (Luc. 10:10, 11) At sinabi niya sa kanila na tumakas kapag may pag-uusig. (Mat. 10:23) Kahit masigasig si Jesus at nagtitiwala kay Jehova, iniwasan niya ang mga mapanganib na sitwasyon hangga’t posible.—Juan 11:53, 54.

13. Bakit ka nakakasiguradong tutulungan ka ni Jehova?

13 Kailangan natin ang tulong ni Jehova para maging masigasig pa rin sa pangangaral kahit may pag-uusig. (Apoc. 12:17) Bakit ka nakakasiguradong tutulungan ka ni Jehova? Tingnan ang panalangin ni Jesus sa Juan kabanata 17. Hiniling ni Jesus na bantayan ni Jehova ang mga apostol. At sinagot iyan ni Jehova. Mababasa sa aklat ng Mga Gawa kung paano niya tinulungan ang mga apostol na maging masigasig kahit may pag-uusig. Ipinanalangin din ni Jesus na bantayan ni Jehova ang mga makikinig sa mabuting balita, at kasama ka diyan. Sinasagot pa rin ni Jehova hanggang ngayon ang panalangin ni Jesus. Gaya ng ginawa ni Jehova sa mga apostol, tutulungan ka rin niya.—Juan 17:11, 15, 20.

14. Bakit ka makakasiguradong patuloy kang makakapangaral nang may sigasig? (Tingnan din ang larawan.)

14 Habang papalapit ang wakas, baka maging mas mahirap para sa atin na mangaral. Pero tiniyak ni Jesus na may tutulong sa atin. (Luc. 21:12-15) Gaya ni Jesus at ng mga apostol, hinahayaan natin ang mga tao na magpasiya kung makikinig sila sa mensahe natin o hindi. Hindi rin tayo nakikipagtalo sa kanila. Kahit sa mga lugar kung saan limitado o ipinagbabawal ang gawain natin, nakakapangaral pa rin ang mga kapatid kasi umaasa sila kay Jehova. Binigyan ni Jehova ng banal na espiritu ang mga lingkod niya noon. Ibibigay niya rin iyan sa atin ngayon para ‘lubusan nating maipangaral ang mensahe’ hanggang sa sabihin niyang tapos na ang gawain. (2 Tim. 4:17) Kung aasa ka kay Jehova, patuloy kang makakapangaral nang may sigasig.

Kahit sa mga lugar na may pagbabawal sa gawain natin, maingat na nangangaral ang mga kapatid (Tingnan ang parapo 14)b


NANATILI SIYANG POSITIBO

15. Paano natin nalaman na positibo ang tingin ni Jesus sa mga tao?

15 Nagtitiwala si Jesus na may mga makikinig sa mabuting balita. Dahil diyan, positibo siya sa pangangaral. Halimbawa, noong mga huling buwan ng 30 C.E., nakita ni Jesus na marami ang handang makinig sa mabuting balita. Itinulad niya sila sa isang bukirin na puwede nang anihin. (Juan 4:35) Paglipas ng mga isang taon, sinabi niya sa mga alagad: “Talagang marami ang aanihin.” (Mat. 9:37, 38) Di-nagtagal, inulit niya: “Talagang marami ang aanihin . . . Makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.” (Luc. 10:2) Laging nakikita ni Jesus ang potensiyal ng mga tao na tumugon sa mabuting balita. At masaya siya kapag ginagawa nila iyon.—Luc. 10:21.

16. Paano makakatulong ang mga ilustrasyon ni Jesus para manatili tayong positibo? (Lucas 13:18-21) (Tingnan din ang larawan.)

16 Para manatiling positibo ang mga alagad, sinabi ni Jesus na magkakaroon ng magagandang resulta ang mensaheng ipapangaral nila. Gumamit siya ng dalawang ilustrasyon para magawa iyan. (Basahin ang Lucas 13:18-21.) Itinulad ni Jesus ang mensahe ng Kaharian sa maliit na binhi ng mustasa na naging isang malaking puno, kasi hindi mapipigilan ang paglaki ng bilang ng mga makikinig sa mabuting balita. Itinulad niya rin ito sa pampaalsa na kumakalat sa masa, kasi ipapangaral ito sa maraming lugar sa buong mundo. At gaya ng pampaalsa, kaya rin nitong baguhin ang mga tao kahit hindi laging makikita agad ang epekto nito. Dahil sa mga ilustrasyong ito, natulungan ni Jesus ang mga alagad na manatiling positibo sa pangangaral.

Dalawang sister na nagka-cart sa isang mataong lugar. Dinadaanan lang sila ng mga tao.

Gaya ni Jesus, nagtitiwala tayong may mga makikinig pa rin sa mensahe natin (Tingnan ang parapo 16)


17. Bakit tayo makakapanatiling positibo sa gawaing pangangaral?

17 Kapag pinag-iisipan natin ang resulta ng gawaing pangangaral sa buong mundo ngayon, makakapanatili tayong positibo. Bawat taon, milyon-milyong interesado ang dumadalo sa Memoryal at nagpapa-Bible study. Libo-libo ang nagpapabautismo at sumasama sa atin sa pangangaral. Hindi natin alam kung gaano pa karami ang makikinig sa atin. Pero alam nating isang malaking pulutong ang tinitipon ni Jehova, at makakaligtas sila sa malaking kapighatian. (Apoc. 7:9, 14) Nakikita ng Panginoon ng pag-aani na marami pa ang tatanggap sa mabuting balita, kaya dapat tayong patuloy na mangaral.

18. Ano ang gusto nating makita ng mga tao sa atin?

18 Kilalá ang mga alagad ni Jesus sa pagiging masigasig sa pangangaral. Nang makita ng mga tao noon ang katapangan ng mga apostol sa pangangaral, “naalaala nilang ang mga ito ay kasama noon ni Jesus.” (Gawa 4:13) Patuloy sana tayong maging masigasig sa pangangaral para makita ng mga tao na tinutularan natin si Jesus.

PAANO TAYO MANANATILING MASIGASIG SA PANGANGARAL KAPAG PINAG-ISIPAN NATIN . . .

  • ang tingin ni Jesus sa pangangaral?

  • kung paano umasa si Jesus kay Jehova?

  • kung paano nanatiling positibo si Jesus?

AWIT BLG. 58 Hanapin ang mga Kaibigan ng Kapayapaan

a KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito, tumutukoy ang “sigasig” sa kagustuhan at kasipagan ng mga Kristiyano na sambahin si Jehova.

b LARAWAN: Isang brother ang nakahanap ng paraan para mangaral sa isang lalaki sa gas station.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share