Maghanda Para sa Pag-aaral ng Hula ni Isaias!
1 “Ang mga tapat na mananamba ay makapagtitiwala na hindi pahihintulutan ni Jehova . . . na lumampas pa ng isang araw ang pag-iral ng sanlibutan ni Satanas kaysa roon sa hinihiling ng katarungan.” Nakapagpapatibay ngang pananalita! Saan ito sinipi? Sa Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I. Ang hula ba ni Isaias ay nagbibigay sa atin ng dahilan upang magkaroon ng gayong nakapagpapasiglang konklusyon? Oo! Sa aklat na iyon ng Bibliya, ang tema ng kaligtasan ay mapuwersa at maliwanag na idiniin. (Isa. 25:9) Iyan ang dahilan kung bakit magiging lubhang nakapagpapatibay sa atin na pag-aralan ang bahaging ito ng Salita ng Diyos sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Tayo kaya ay naroroon upang tamasahin ito bawat linggo? Bakit ba dapat na naroroon tayo?
2 Sa Isaias 30:20, si Jehova ay tinatawag na ating “Dakilang Tagapagturo.” Ang bawat Kristiyano ay dapat na matamang makinig habang nagsasalita sa atin si Jehova sa pamamagitan ng mga pahina ng kaniyang Salita at sa pamamagitan ng salig-Bibliyang mga publikasyon na inilaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45; Isa. 48:17, 18) Tiyak na totoo ito sa aklat na Hula ni Isaias I. Paano ka lubusang makikinabang sa pag-aaral nito?
3 Maghanda Upang Makibahagi: Maglaan ng sapat na panahon bawat linggo upang maghanda para sa pag-aaral ng aklat. Basahin ang bawat iniatas na parapo. Pag-isipan ang bawat nakalimbag na tanong. Markahan ang mga sagot sa iyong aklat. Ang mga talatang sinipi mula sa Isaias ay nakalimbag sa mas makakapal na letra. Basahing mabuti ang mga ito. Kung tungkol sa ibang mga kasulatang binabanggit, hanapin ang mga ito upang makita kung paano nauugnay ang mga ito sa materyal. Bulay-bulayin ang iyong mga natututuhan. Pagkatapos ay ibahagi sa inyong grupo ng pag-aaral sa aklat ang mga resulta ng iyong paghahanda.
4 Dapat tulungan ng kapatid na konduktor ng pag-aaral sa aklat ang lahat ng dumadalo na gamiting mabuti ang Bibliya at maunawaan ang praktikal na kahalagahan ng materyal na sinasaklaw. Kung ikaw ang unang tinawag upang magkomento, magbigay ng simple at tuwirang sagot. Kung may nauna nang sumagot nang gayon, maaari mong palawakin ang puntong tinatalakay. Marahil ay maipakikita mo kung paanong ang isang susing kasulatan ay sumusuhay sa tema. Sikaping magkomento sa iyong sariling pananalita, at tamasahin ang kasiyahan ng pakikibahagi sa pagtalakay.
5 May pananabik nating suriing magkakasama ang mahalagang mensahe sa aklat ni Isaias. Patitibayin tayo nito na mabuhay sa araw-araw taglay ang may kagalakang pag-asam sa pagliligtas ni Jehova!—Isa. 30:18.