Gaano Ba Kahalaga ang Kristiyanong Pagsasamahan?
1 “No man is an island.” Ang pananalitang iyan ng isang makata noong ika-17 siglo ay isang pag-uulit lamang sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa isang saligang pangangailangan ng tao—pagsasamahan. (Kaw. 18:1) Nasasapatan ng ating samahang Kristiyano ang pangangailangang ito. Sa anong kapaki-pakinabang na mga paraan?
2 Sa Ministeryo: Ang isa sa pangunahing pakinabang ay ang paraan ng pagpapalakas at pag-alalay sa atin ng ating mga kapatid sa pangmadlang ministeryo. Isinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang “dala-dalawa” upang mangaral. (Mar. 6:7; Luc. 10:1) Kasuwato ng parisang ito, kapag gumagawa tayo kasama ng iba sa paglilingkod sa larangan, nararanasan natin ang katotohanan ng Eclesiastes 4:9, 10. Habang isinasagawa natin ang ating ministeryo nang magkakasama, napupuspos tayo ng lakas ng loob at panibagong sigasig dahil sa pananampalataya, pagkamasunurin, at pag-ibig ng ating mga kasama.
3 Ukol sa Personal na Tulong: Ang ating kapatiran ay isa ring bukal ng pampatibay-loob at patnubay upang maharap ang mga panggigipit at mapaglabanan ang mga tukso. Maaaring itawag-pansin sa atin ng mga kasama nating Kristiyano ang mga kasulatan na tumatalakay sa personal nating mga alalahanin. Maaari pa nga nila tayong ipanalangin, gaya ng ginagawa natin para sa kanila. (2 Cor. 1:11) At tiyak na ang kanilang mabubuting halimbawa ay nag-uudyok sa atin ukol sa matutuwid na gawa at nakapagpapalakas sa atin.
4 Sa mga Pulong: Ang pagpapala ng Kristiyanong pagsasamahan ay natatamasa kapag regular tayong dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Ang programa ay sagana sa espirituwal na mga tagubilin, at ang ating pagkanaroroon sa mga pulong ay nagpapanatili sa atin na malapít sa mga kapananampalataya natin. Ang mga pagtitipong ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na marinig ang mga kapatid natin na magpahayag ng kanilang pananampalataya, mula sa plataporma man o sa panig ng mga tagapakinig. (Roma 1:12) Ang bigkis ng ating pagsasamahan ay humihigpit habang nag-uusap-usap tayo bago at pagkatapos ng mga pulong. Ang gayong mga okasyon ay naglalaan sa atin ng mga pagkakataon na ilahad ang sarili nating mga karanasan na nakapagpapatibay ng pananampalataya. Ang ating personalidad ay naaapektuhan sa positibong paraan kapag malaya tayong nakikisama sa mga umiibig kay Jehova, sa kaniyang Salita, sa kaniyang gawain, at sa kaniyang bayan.—Fil. 2:1, 2.
5 Kailangan natin ang ating mga kasamang Kristiyano. Kung wala sila, ang paglakad sa masikip na daan patungo sa buhay ay magiging mas mahirap. Gayunman, sa pamamagitan ng kanilang pag-ibig at pampatibay-loob, makapagpapatuloy tayo tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova.—Mat. 7:14.