Panatilihin ang Panahon ng Pagrerelaks sa Wastong Dako Nito
1 Sa mahirap na mga panahong ito, tayong lahat ay nangangailangan na mapaiba naman ang ginagawa sa pana-panahon. Ang katamtamang paglilibang ay nararapat lamang. Gayunman, ang labis na panahon sa pagrerelaks, paglilibang, at pakikipagsosyalan ay maaaring magpabagal sa isang tao anupat paunti nang paunting oras ang ginugugol niya sa espirituwal na mga gawain. Dapat nating panatilihin ang panahon ng pagrerelaks sa wastong dako nito. (Mat. 5:3) Paano ito magiging posible? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo na masusumpungan sa Efeso 5:15-17.
2 Magtakda ng mga Limitasyon: Isinulat ni Pablo na ang mga Kristiyano ay dapat na ‘manatiling mahigpit na nagbabantay’ sa kung paano sila namumuhay nang may katalinuhan. Kailangan ang pagiging katamtaman at pagpipigil-sa-sarili upang malimitahan ang panahon ng pagrerelaks ayon sa talagang kinakailangan lamang. Makabubuti na seryosong pag-isipan kung paano natin ginagamit ang ating libreng panahon. Ang paglilibang ay dapat na may ginagampanang kapaki-pakinabang na layunin sa halip na magpadama sa ating naaksaya lamang ang panahon natin o makapagod nang husto sa atin. Kung madama nating parang walang nangyari, hindi tayo nasiyahan, at waring mali ang ating ginawa pagkatapos ng isang gawain, ito ay nagpapahiwatig na kailangan nating gumawa ng mga pagbabago sa paggamit natin ng panahon.
3 Maging Makatuwiran: Nagbigay ng payo si Pablo hinggil sa ‘pagbili ng naaangkop na panahon’ para sa mas mahahalagang bagay sa buhay, na hindi nagiging “di-makatuwiran.” Hindi maaaring hayaan ng mga nakaalay na Kristiyano na maisentro ang kanilang buhay sa pagrerelaks. Bagaman ang pagpapahingalay at pagrerelaks ay makapagpapanariwa sa atin sa pisikal, ang pinagmumulan ng espirituwal na lakas ay ang aktibong puwersa ng Diyos. (Isa. 40:29-31) Tinatanggap natin ang kaniyang espiritu kaugnay ng ating teokratikong mga gawain—pag-aaral sa Bibliya, pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan—hindi sa pamamagitan ng paglilibang.
4 Magtakda ng mga Priyoridad: Tinagubilinan ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.’ Itinuro ni Jesus na ang ating mga gawain ay dapat na nakasentro sa Kaharian ng Diyos bilang ating priyoridad sa buhay. (Mat. 6:33) Mahalagang unahin nating gawin ang mga bagay na magpapahintulot sa atin na mamuhay nang kasuwato ng ating pag-aalay kay Jehova. Pagkatapos, ang panahon ng pagrerelaks ay mapananatili sa wastong dako nito. Kapag ganiyan ang ginawa, magkakaroon ito ng kapaki-pakinabang na epekto, at higit natin itong ikasisiya.—Ecles. 5:12.