Ikinakapit Mo Ba ang Iyong Natutuhan sa “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon?
1 Maaaring nakita ng sinumang dumalo sa pandistritong kombensiyon sa taóng ito na ang bayan ni Jehova ay buhós na buhós sa kanilang atas na maging mga guro ng Salita ng Diyos. (Mat. 28:19, 20) Sa pag-uwi mo, anong mga espesipikong punto na itinagubilin ang determinado mong ikapit sa iyong buhay at sa ministeryo sa larangan?
2 Ang Kinasihang Kasulatan ay Kapaki-pakinabang sa Pagtuturo: Ang tema noong unang araw ay nagtampok sa 2 Timoteo 3:16. Ipinakita ng pinakatemang pahayag na upang ‘Lubusang Masangkapan Bilang mga Guro ng Salita ng Diyos,’ kailangan nating pahalagahang mabuti ang Salita ng Diyos, igalang ito nang higit kaysa sa anumang opinyon o tradisyon ng tao, at laging gamitin ito. Dapat din tayong manalangin araw-araw na tulungan tayo ng banal na espiritu sa ating ministeryo at magsikap na linangin ang pinakapangunahing bunga nito—ang pag-ibig. At dapat nating hayaan ang makalupang organisasyon ni Jehova na sanayin tayo bilang mga ministro sa pamamagitan ng lahat ng pulong ng kongregasyon.
3 Ang simposyum noong Biyernes na “Tinuturuan ang Ating Sarili Habang Tinuturuan ang Iba,” ay nagpaliwanag na dapat tayong maging halimbawa sa (1) mahigpit na pagsunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng pitak ng Kristiyanong moralidad, (2) pagpapanatili sa masipag na ugali sa pag-aaral, at (3) pagwawaksi ng mga saloobin at mga kalagayan ng puso at isip na maaaring gamitin ng Diyablo. Pagkatapos, natutuhan natin ang mga praktikal na paraan upang maipagsanggalang ang ating pamilya mula sa makasanlibutang salot ng pornograpya. Hinimok ang mga magulang na magpakita ng halimbawa sa pag-iwas kahit na sa sandaling pagsulyap sa isang eksena hinggil sa sekso at palaging sumubaybay sa kanilang mga anak sa paggamit ng Internet at panonood ng telebisyon. Aling punto mula sa programa noong Biyernes ang sinimulan mo nang ikapit?
4 Ang huling pahayag sa araw na ito ay nagpatibay sa ating kapasiyahang manatili sa liwanag ni Jehova, maging malapít sa uring tapat na pinahiran ng Diyos, at tumulong sa ikasusulong ng kapayapaan ng bayan ni Jehova. Nabasa mo na ba ang bagong labas na Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II?
5 Lubusang Kuwalipikado na Magturo sa Iba: Ang temang teksto para sa ikalawang araw ay ang 2 Timoteo 2:2. Habang nakikinig ka sa simposyum noong Sabado ng umaga, binigyang-pansin mo ba ang mga mungkahi kung paano (1) hahanapin ang mga karapat-dapat, (2) lilinangin ang kanilang interes, at (3) tuturuan silang ganapin ang lahat ng ipinag-utos ni Kristo? Ikinakapit mo ba ang iyong natutuhan—na ipakita sa mga may-bahay ang kahit na isa man lamang punto mula sa Kasulatan at ilatag ang saligan para sa pagdalaw sa hinaharap?
6 Ang programa sa hapon ay nagdiin sa kahalagahan ng pagtulad sa Dakilang Guro, si Jesus. Sa anu-anong paraan pinagsisikapan mo na maging higit na kagaya niya? Mula sa iyong natutuhan sa ikalawang simposyum nang araw na iyon, sa palagay mo, paano ka ‘Makikinabang Nang Lalong Higit Mula sa Teokratikong Edukasyon’? Anong mga mungkahi ang iyong ikinapit na upang mapasulong ang tagal ng pagtutuon mo ng pansin sa personal na pag-aaral at sa mga pulong ng kongregasyon?
7 Walang alinlangan, ang dumarating na paglalaan na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay tutulong sa atin upang sumulong ang ating mga kakayahan bilang mga tagapagsalita at bilang mga guro ng Salita ng Diyos. Higit na pansin ang ibibigay sa mga katangian sa pagsasalita na doo’y nakilala ang matatapat na lingkod ng Diyos noong kapanahunan ng Bibliya. Ang bawat leksiyon sa bagong aklat-aralin ay may mga kahon na nagpapakita sa maikling paraan kung ano ang kailangan nating gawin, bakit ito mahalaga, at kung paano gagawin ito. Kalakip dito ang mga praktikal na pagsasanay. Ang mga kapatid na babae ay may mapagpipiliang 29 na tagpo kapag gumaganap ng kanilang mga atas. Pagsapit ng panahon, ang ipinatalastas na mga pagbabago ay gagawin sa pormat ng paaralan. May mabuti ka bang rutin sa pag-aaral at paghahanda upang makinabang nang lubusan mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo bawat linggo?
8 Maging mga Guro Dahilan sa Panahon: Inihanda ng Hebreo 5:12 ang kaisipan ng mga tagapakinig para sa araw ng Linggo. Ang simposyum noong umaga na “Inihahanda Tayo ng Hula ni Malakias Para sa Araw ni Jehova,” ay humimok sa atin na ibigay natin sa Diyos ang pinakamabuti at kapootan ang lahat ng anyo ng kataksilan upang tayo ay makaligtas sa dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova. Ang dramang “Igalang ang Awtoridad ni Jehova,” ay mapuwersang nagpakita kung paanong ang pagmamataas, ambisyon, paninibugho, at di-wastong pagkamatapat ni Kora noon at ng kaniyang mga kasamahan ay humantong sa mga gawa ng hayagang paghihimagsik laban kay Jehova mismo. Ang sumunod na pahayag ay nagtuon ng pansin sa pangangailangan sa makabagong-panahon na magpasakop sa makadiyos na awtoridad sa loob ng pamilya at ng kongregasyon. Ang pahayag pangmadla na “Sino ang mga Nagtuturo ng Katotohanan sa Lahat ng mga Bansa?,” ay nagpatunay na ang mga Saksi ni Jehova ang gumagawa nito, na siyang kabaligtaran ng Sangkakristiyanuhan, na nag-aangkin lamang na nagtuturo ng katotohanan sa Bibliya.
9 Maliwanag, sinasanay tayo ni Jehova upang maging mas mabubuting guro ng kaniyang Salita. Ikapit natin kung ano ang ating natutuhan, na ‘laging nagbibigay-pansin sa ating sarili at sa ating turo, upang mailigtas natin ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin.’—1 Tim. 4:16.