Bahagi 1—Mga Pagpapala Dahil sa Pagpapakita ng Pagpapahalaga sa Pag-ibig ni Jehova
1 Si apostol Juan ay sumulat: “Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat [si Jehova] ang unang umibig sa atin.” (1 Juan 4:19) Kapag ating iniisip ang lahat ng mga paglalaan ni Jehova para sa atin, tayo ay nagaganyak na magpakita ng ating lubos na pagpapahalaga bilang ganti. Si Jesus ay naglaan ng halimbawa sa pagsasagawa nito sa pamamagitan ng masunuring pagpapatotoo tungkol sa pangalan at Kaharian ng Diyos. (Juan 14:31) Kapaki-pakinabang na isaalang-alang natin ang ilang paraan na roo’y maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova at sa mga pagpapala na maidudulot niyaon.
2 Pagtungo sa Bahay-Bahay: Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung paano isasagawa ang gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang kaniyang mga tagubilin ay maliwanag na nagpapakita na sila’y nagtungo sa bahay-bahay sa pagpapalaganap ng mabuting balita. (Luc. 9:1-6; 10:1-7) Kailangan ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa upang patuloy na makapagbahay-bahay sa kabila ng kawalang-interes at pagsalansang na ating nasusumpungan. Gayunpaman, sa pagtungo sa bahay-bahay, tayo ay personal na nakikinabang dahil sa nagiging mas matatag ang ating pananampalataya, mas matibay ang ating pananalig, at mas maliwanag ang ating pag-asa.
3 Sa paggawa sa ilalim ng patnubay ng mga anghel, nasusumpungan natin ang maraming nagugutom at nauuhaw sa katotohanan. (Apoc. 14:6) Sinasabi ng mga may-bahay na sila ay nananalangin ukol sa tulong nang may dumating na Saksi sa kanilang pintuan. Ang dalawang Saksi at isang munting bata ay nagbabahay-bahay sa isang isla sa Caribbean. Nang magpasiya ang mga nakatatanda na sila’y hihinto na, ang bata ay nagtungong mag-isa sa sumunod na pintuan at kumatok. Isang kabataang babae ang nagbukas ng pinto. Nang makita ito ng mga nakatatanda, sila ay lumapit at nakipag-usap sa kaniya. Pinapasok sila ng babae at ipinaliwanag na katatapos lamang niyang manalangin para isugo ng Diyos ang mga Saksi upang turuan siya ng Bibliya!
4 Pagpapatotoo sa mga Lansangan: Yamang sa ilang lugar ay napakahirap makasumpong ng mga tao sa kanilang tahanan, ang pagpapatotoo sa lansangan ay isang mabisang paraan upang mabigyan ng patotoo ang mga tao. Karagdagan pa, maraming tao ang nakatira sa mga komunidad na ang mga tarangkahan ay naguguwardiyahan o sa mga gusali na mahigpit ang sistema ng seguridad na doo’y hindi tayo makapagbahay-bahay. Gayunman, ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova ang nag-uudyok sa atin na samantalahin ang lahat ng posibleng paraan upang makausap ang mga tao taglay ang mensahe ng Kaharian, lakip na ang pagpapatotoo sa lansangan.—Kaw. 1:20, 21.
5 Paggawa ng mga Pagdalaw-Muli: Yamang hinahanap natin yaong mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan,” nais nating gawin ang ating makakaya upang masapatan ang pangangailangang iyon. (Mat. 5:3) Ito ay humihiling na tayo ay bumalik upang diligin ang ating naitanim na mga binhi ng katotohanan. (1 Cor. 3:6-8) Isang kapatid na babae sa Australia ang nakapagpasakamay ng isang tract sa isang babae na waring hindi nagpakita ng malaking interes. Gayunpaman, nagpumilit ang kapatid na babae sa kaniyang pagsisikap na masumpungan itong muli sa tahanan. Nang sa wakas ay kaniyang makausap ito, nalaman ng ating kapatid na pagkatapos ng unang pagdalaw, bumili ang babae ng isang mamahaling Bibliya. Pinasimulan ng kapatid na babae ang pakikipag-aral sa kaniya!
6 Pagdaraos ng mga Pag-aaral sa Bibliya: Ito marahil ang siyang pinakakasiya-siya at pinakakapaki-pakinabang na bahagi ng ating ministeryo. Kay laki ngang pagpapala na tumulong sa mga tao na matuto hinggil kay Jehova, na makita silang gumagawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay upang paluguran siya, at pagkatapos ay masaksihan ang kanilang bautismong Kristiyano bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos!—1 Tes. 2:20; 3 Juan 4.
7 Sa susunod na isyu, ating isasaalang-alang ang higit pang paraan na doo’y pinagpapala tayo dahil sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova.