Bahagi 2—Mga Pagpapala Dahil sa Pagpapakita ng Pagpapahalaga sa Pag-ibig ni Jehova
1 Sa naging bahagi noong nakaraang buwan sa paksang ito, ating itinampok ang apat na paraan kung paanong ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova ay maipakikita sa ministeryo. (1 Juan 4:9-11) Dito ay idaragdag natin ang lima pang paraan upang magawa ito. Kapag tayo’y nakikibahagi nang lubusan sa pagtulong sa iba sa espirituwal na paraan, tayo ay pinagpapala.
2 Di-Pormal na Pagpapatotoo: Ito’y isang mabisang paraan upang hanapin ang mga taong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at makapagpasakamay ng nakatutulong na mga literatura sa kanila. Makabubuting ‘bilhin ang naaangkop na panahon’ at magpatotoo sa lahat ng pagkakataon sa sinumang masumpungan natin. (Efe. 5:16) Baka kakailanganin nating mag-ipon ng lakas ng loob upang magkapagpatotoo sa ganitong paraan, subalit kung pinahahalagahan natin ang pag-ibig ng Diyos at ang mga pangangailangan ng mga tao, tayo ay magpapatotoo sa bawat pagkakataon.—2 Tim. 1:7, 8.
3 Ang isang misyonero ay mayamang pinagpala dahil sa pakikipag-usap sa kapuwa pasahero sa isang taksi. Ang lalaki ay nagpakita ng interes. Ginawa ang mga pagdalaw-muli, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Ang lalaking iyon ay napasakatotohanan at sumulong hanggang sa punto na maging isang matanda sa kongregasyon!
4 Pagliham: Marahil ay hindi tayo nakakapagbahay-bahay dahil sa ilang pisikal na kapansanan o masamang kalagayan ng panahon. Maaari tayong lumiham, na nagbibigay ng maikling patotoo sa pamamagitan ng koreo sa mga kakilala nating indibiduwal, sa mga namatayan ng minamahal, o sa mga wala sa tahanan sa teritoryo. Maaari nating ilakip ang isa sa ating mga napapanahong tract na may kaakit-akit na salig-Bibliyang mensahe at nagpapasigla sa nakatanggap upang tumugon kung siya’y may anumang katanungan. Gamitin ang inyong personal na direksiyon o yaong sa Kingdom Hall; pakisuyong huwag gamitin ang direksiyon ng tanggapang pansangay.
5 Pagpapatotoo sa Telepono: Ito ay isang mainam na paraan upang abutin ang mga tao na hindi natin nasusumpungan sa gawain sa bahay-bahay. Kung maingat nating gagawin ito, taglay ang kabaitan, taktika, at kasanayan, maaaring tamuhin natin ang isang napakainam na pagtugon. Ang Pebrero 2001 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, pahina 5-6, ay nagbibigay ng praktikal na mga mungkahi kung paano matatamo ang pinakamabubuting resulta.
6 Nang ang isang sister ay nagpapatotoo sa telepono, tinanong niya ang isang babae kung napag-isipan na niya nang lubusan kung ano ang taglay ng kinabukasan para sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Ang babae ay sumagot ng oo. Isiniwalat niya na dahil sa kaniyang kawalan ng pag-asa, nagkulong siya sa tahanan. Udyok ng taimtim na pagkabahala ng sister, sumang-ayon ang babae na makipagkita sa kaniya sa isang kalapit na pamilihan. Bilang resulta, ang babae ay kaagad na tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya!
7 Pagtanggap sa mga Estranghero: Kung iniibig natin ang ating kapuwa, tayo ay magiging alisto na bigyan ng pansin ang sinumang estranghero na nagtutungo sa ating pulungang-dako at ipadama sa kaniya na siya’y tinatanggap. (Roma 15:7) Hayaang makita niya na siya’y nasa piling niyaong talagang interesado sa kaniyang espirituwal na kapakanan. Ang ating taimtim na pagkabahala at ang ating pag-aalok ng isang personal na pag-aaral sa Bibliya ay maaaring gumanyak sa kaniya na tanggapin ang ating tulong.
8 Ang Ating Mabuting Paggawi: Sa pamamagitan ng ating mainam na paggawi, ating nagagayakan ang katotohanan. (Tito 2:10) Kapag yaong mga nasa sanlibutan ay nagsasabi ng mabubuting bagay tungkol sa atin bilang mga Saksi ni Jehova, ang mga ito ay nagdudulot ng karangalan sa ating Diyos. (1 Ped. 2:12) Ito rin ay makatutulong sa iba na makalakad sa daan tungo sa buhay.
9 Bakit hindi repasuhin ang limang paraang ito upang maipakita ang ating pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig ni Jehova para sa atin at ikapit ang mga ito? (1 Juan 4:16) Sa paggawa ninyo nito, kayo ay aani ng maraming pagpapala.