Gamitin Nang Wasto ang Salita ng Diyos
1 Nang nagpapatotoo sa isang opisyal, ‘ibinuka ni Felipe ang kaniyang bibig at, nagsisimula sa [isang] Kasulatan, ipinahayag niya sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus.’ (Gawa 8:35) ‘Ginamit [ni Felipe] nang wasto ang salita ng katotohanan.’ (2 Tim. 2:15) Gayunman, sa ngayon, napansin ng mga naglalakbay na tagapangasiwa na maraming mamamahayag ang bihirang gumamit ng Bibliya kapag nagpapatotoo. Ginagamit mo ba ang Bibliya sa iyong ministeryo?
2 Ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng ating pinaniniwalaan at itinuturo. (2 Tim. 3:16, 17) Ito ang umaakay sa mga tao kay Jehova at nagtuturo sa kanila para sa buhay. Kaya mahalaga na gamitin natin ang Bibliya sa ating ministeryo sa halip na basta ipakipag-usap ang mga paksang doo’y interesado tayo. (Heb. 4:12) Dahil sa kakaunti lamang ang nalalaman ng karamihang tao tungkol sa Bibliya, kailangan tayong bumasa mula rito upang ipakita sa kanila ang praktikal na patnubay na iniaalok nito at ang kinabukasang taglay nito para sa sangkatauhan.
3 Bumasa Nang Tuwiran Mula sa Bibliya: Maaari mong subuking mangaral nang walang bag. Maaari mong ilagay sa isang manipis na portpolyo ang tampok na literatura na nais mong ialok at hawakan o ilagay sa bulsa ang Bibliya. Pagkatapos, kapag nakikipag-usap ka, maaari mong ilabas ang Bibliya nang hindi nadarama ng tao na nagsisikap kang magsermon. Iposisyon mo ang iyong sarili sa paraan na ang iyong tagapakinig ay makasusubaybay sa iyong Bibliya. Marahil ay hihilingin mo sa kaniya na basahin nang malakas ang isang talata. Makalilikha ng isang mas malalim na impresyon kapag nakikita niya kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa halip na marinig lamang niya ito mula sa iyo. Sabihin pa, upang matulungan siyang maunawaan ang punto ng teksto, idiin ang mga salitang nagdadala ng diwa.
4 Isang Tekstong Presentasyon: Pagkatapos na maipakilala ang iyong sarili, maaari mong sabihin: “Ang mga tao ay umaasa sa iba’t ibang pinagmumulan ng patnubay sa kanilang buhay. Ano sa palagay ninyo ang pinakamabuting pinagmumulan ng praktikal na patnubay? [Hayaang sumagot.] Ano naman ang palagay ninyo sa mga salitang ito? [Basahin ang Kawikaan 2:6, 7, at hayaang sumagot.] Ang karunungan ng tao ay napatunayang kapos na kapos, na umaakay sa maraming tao sa kawalang pag-asa. Gayunpaman, ang karunungan ng Diyos ay laging maaasahan at kapaki-pakinabang.” Pagkatapos ay ipakita ang publikasyon na iyong inihaharap, at itampok mula rito ang isang halimbawa ng praktikal na karunungan ng Diyos.
5 Ginamit ni Jesus ang Kasulatan upang tulungan ang tapat-pusong mga tao. (Luc. 24:32) Pinatunayan ni Pablo sa pamamagitan ng Kasulatan ang mga bagay na kaniyang itinuro. (Gawa 17:2, 3) Ang ating pagtitiwala at kagalakan sa ministeryo ay susulong habang tayo ay nagiging higit na bihasa sa wastong paggamit sa Salita ng Diyos.