Bakit Patuloy Pang Mangangaral?
1 Matagal na bang isinasagawa ang pangangaral ng kaharian sa inyong komunidad? (Mat. 24:14) Kung gayon, maaaring sa palagay mo ay ganap nang nakubrehan ang teritoryo ng kongregasyon. Ngayon kapag nangangaral ka, marahil ang karamihang tao na nakakausap mo ay waring walang interes sa mensahe ng Kaharian. Magkagayunman, pansinin kung paano kinilala ang tunay na mga alagad ni Jesus sa pahina 141 ng aklat na Hula ni Isaias II: “Sa ilang lugar, maaaring sa wari’y walang kabuluhan ang resulta ng kanilang ministeryo kung ihahambing sa dami ng pagpapagal at pagsisikap na ginugol. Gayunman, sila’y nagbabata.” Ngunit bakit patuloy pang mangangaral?
2 Tandaan si Jeremias: Ang ating matapat na pagbabata sa gawaing pangangaral ay hindi dapat na nakasalig sa kung makikinig ang mga tao sa atin o hindi. Si Jeremias ay nangaral sa loob ng 40 taon sa iyo’t iyon ding teritoryo kahit na iilan lamang ang nakinig sa kaniya at marami ang sumalansang sa kaniyang mensahe. Bakit nagtiyaga si Jeremias? Sapagkat nagsasagawa siya ng gawaing ipinag-utos sa kaniya ng Diyos at ang pagkaalam niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap ang nag-udyok sa kaniya na patuloy na magsalita nang may katapangan.—Jer. 1:17; 20:9.
3 Gayundin ang ating kalagayan. Si Jesus ay ‘nag-utos sa atin na mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo na ito ang Isa na itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.’ (Gawa 10:42) Ang dala nating mensahe ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan para doon sa makaririnig nito. Ang mga tao ay hahatulan salig sa kanilang pagtugon sa mabuting balita. Dahil dito, pananagutan nating gawin nang eksakto kung ano ang ipinag-utos sa atin na gawin. Kahit na tumanggi ang mga tao na makinig, ito ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong maipakita ang lalim ng ating pag-ibig para sa kanila at ang ating debosyon kay Jehova sa pamamagitan ng matiyagang pagsasagawa kung ano ang nararapat nating gawin. Subalit mayroon pa.
4 Tayo ay Nakikinabang: Ang paggawa ng kalooban ng Diyos, anuman ang pagtugon sa teritoryo, ay nagbibigay sa atin ng panloob na kapayapaan, kasiyahan, at kaligayahan, na hindi masusumpungan sa ibang paraan. (Awit 40:8) Ang ating buhay ay nagkakaroon ng tunay na kahulugan at layunin. Habang higit tayong nakikibahagi sa ministeryo, higit namang naitutuon ang ating puso at isip sa pag-asa at sa kagalakan na mamuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang pagbubulay-bulay sa mga maka-Kasulatang pangakong ito ay nagpapaunlad sa ating espirituwalidad at nagpapatibay sa ating kaugnayan kay Jehova.
5 Kahit na hindi natin nakikita ang kagyat na mga resulta ng ating gawaing pangangaral, ang binhi ng katotohanan ay maaaring naitanim sa puso ng isang indibiduwal na tutubo sa takdang panahon ni Jehova. (Juan 6:44; 1 Cor. 3:6) Walang sinuman sa atin ang nakaaalam kung gaano pa karami ang matututo hinggil sa Kaharian sa pamamagitan ng pagsisikap ng bayan ni Jehova, sa lokal man o sa pambuong-daigdig na antas.
6 Taglay ang pagkaapurahan higit kailanman, dapat nating sundin ang tagubilin ni Jesus: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon. Ngunit ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Patuloy kayong magbantay.” (Mar. 13:33, 37) Kaya, tayo nawang lahat ay magpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian, na pinagagalak ang puso ni Jehova habang tayo ay nakikibahagi sa pagpapabanal sa kaniyang dakila at banal na pangalan.