Tanong
◼ Anong pamantayan sa pananamit at pag-aayos ang dapat nating sundin kapag dumadalaw sa mga tahanang Bethel at mga pasilidad ng sangay?
Kapag dumadalaw tayo sa Bethel, ito man ay upang mamasyal sa mga pasilidad o dumalaw sa mga miyembro ng pamilyang Bethel, “ang ating pananamit, pag-aayos at paggawi ay dapat na maging katulad niyaong inaasahan sa atin kapag dumadalo sa mga pulong ukol sa pagsamba sa Kingdom Hall.” (om 131) Gayunman, napapansin na kapag dumadalaw sa mga tanggapang pansangay, ang ilang kapatid na lalaki at babae ay nagiging labis na di-pormal sa kanilang pananamit. Hindi iyan angkop kapag dumadalaw sa mga pasilidad na ito. Ang ating hitsura ay dapat na maging huwaran, maayos at mahinhin, na nagpapakita ng pagiging disente at dignidad na nararapat sa mga lingkod ng Diyos na Jehova.—1 Tim. 2:9, 10.
Ito ay lalo nang mahalaga kapag dumadalaw sa mga tahanang Bethel at mga pasilidad ng sangay dahil ang mga bisita ay pinagmamasdan ng maraming di-Saksi. Ang mga nagmamasid na ito ay maaaring makabuo ng mga opinyon tungkol sa bayan ng Diyos at sa kaniyang organisasyon batay sa kanilang nakikita. Makabubuting kausapin ang mga estudyante sa Bibliya at ang iba pa na maaaring dumalaw upang mapaalalahanan sila sa kahalagahan ng pagbibigay-pansin sa tamang pananamit at pag-aayos. Pahahalagahan ng pamilyang Bethel ang paggawa ninyo nito.
Bilang mga ministrong Kristiyano, dapat tayong mag-ingat na ang ating hitsura ay hindi magiging dahilan ng anumang ikatitisod. (2 Cor. 6:3, 4) Sa halip, sa pamamagitan ng angkop na pag-aayos, nawa’y lagi nating “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Tito 2:10.