Isang Marubdob na Panawagang Magbigay-Pansin sa Mga Babalang Halimbawa sa Ating Kaarawan
Mapatitibay nating lahat ang ating determinasyon na manatiling tapat sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa mga aral na natutuhan sa drama sa Bibliya na itinampok sa video na Warning Examples for Our Day. Bago ito panoorin, pakisuyong basahin ang Bilang kabanata 25 at ang kaugnay na materyal sa Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 419, parapo 3-5. Pagkatapos ay sagutin ang mga tanong na ito: Sino ang mga Moabita, at bakit sinabi ni Jehova kay Moises na huwag silang makipagdigma laban sa mga ito? (Deut. 2:9) Paano nagpakana si Balaam na gamitin ang mga Moabita upang malipol ang bansang Israel? Bakit hindi natin dapat kalimutan na maraming Israelita ang nabigo sa mahalagang pagsubok na ito bago pumasok sa Lupang Pangako?—1 Cor. 10:11, 12.
Habang pinanonood ang video na Warning Examples, pag-isipan ang sumusunod na apat na larangan sa buhay na kailangan nating pag-ukulan ng seryosong pansin sa ngayon upang mapatunayan na tayo ay tapat at upang matamasa natin ang lingap ng Diyos. (1) Saloobin: Paano ipinakita ng ilang Israelita ang maling saloobin hinggil kay Jehova at sa kaniyang kaayusan? Sa halip, anong saloobin ang dapat nating pagsikapang ipakita? (2) Mga Kasama: Bakit ayaw ni Jehova na makipagkaibigan ang mga Israelita sa mga Moabita? (Ex. 34:12; Kaw. 13:20) Bakit kailangang maging matalino tayo sa pagpili ng ating mga kaibigan? (3) Moralidad: Sa anong malubhang pagkakasala inakay ng masasamang kasama ang humigit-kumulang sa 23,000 Israelita? (1 Cor. 10:8) Sa ngayon, ano ang umakay sa ilan sa bayan ng Diyos na gumawa ng imoralidad, ngunit paano natin maipagsasanggalang ang ating sarili? (4) Pagsamba: Paano nasubok ang mga Israelita hinggil sa kadalisayan ng kanilang pagsamba? Sa anong tusong anyo ng idolatriya maaaring magpadala ang ilan sa ngayon, ngunit paano natin maiiwasan ito?—Col. 3:5.
Sa drama, paano pinagpala si Jamin dahil sa kaniyang katapatan sa moral? Sa pamamagitan ng video na ito, anong marubdob na panawagan ang ginagawa ng Lupong Tagapamahala sa lahat ng tunay na Kristiyano? Kung ikaw ay isang ulo ng pamilya, bakit sa palagay mo matalinong panoorin ng iyong pamilya ang programang ito nang paulit-ulit?