Magpakita ng Maibiging Interes sa “mga Batang Lalaking Walang Ama”
1 Si Jehova ay “ama ng mga batang lalaking walang ama.” (Awit 68:5) Ang kaniyang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan ay makikita sa utos na ito na ibinigay niya sa sinaunang bansang Israel: “Huwag ninyong pipighatiin ang sinumang babaing balo o batang lalaking walang ama. Kung pipighatiin mo siya, kapag dumaing nga siya sa akin ay walang pagsalang diringgin ko ang kaniyang daing.” (Ex. 22:22, 23) Kalakip din sa Kautusan ng Diyos ang mga kaayusan upang tulungan ang mga batang lalaking walang ama sa kanilang materyal na mga pangangailangan. (Deut. 24:19-21) Sa ilalim ng kaayusang Kristiyano, ang tunay na mga mananamba ay pinayuhan na “alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian.” (Sant. 1:27) Paano natin matutularan ang maibiging interes ni Jehova sa mga batang lumalaki sa mga pamilyang nagsosolo ang magulang o pamilyang nababahagi dahil sa relihiyon?
2 Espirituwal na Pagsasanay: Kung ikaw ay isang nagsosolong magulang o may asawang di-sumasampalataya, ang pagdaraos ng regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya kasama ang iyong mga anak ay maaaring maging hamon. Ngunit ang regular at makabuluhang pag-aaral sa Bibliya ay mahalaga upang lumaki silang timbang at may-gulang na mga adulto. (Kaw. 22:6) Ang pakikipag-usap sa kanila sa araw-araw hinggil sa espirituwal na mga bagay ay mahalaga rin. (Deut. 6:6-9) Kung minsan, baka nasisiraan ka ng loob, ngunit huwag kang susuko. Bumaling kay Jehova para sa lakas at patnubay habang ‘patuloy mong pinalalaki ang iyong mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.’—Efe. 6:4.
3 Kung kailangan mo ng tulong sa pagsasabalikat ng iyong maka-Kasulatang mga pananagutan, ipaalam ang iyong mga pangangailangan sa matatanda. Maaari silang makapagbigay ng praktikal na mga mungkahi o makatulong sa iyo sa pagtatatag ng mahusay na espirituwal na rutin para sa iyong sambahayan.
4 Paano Makatutulong ang Iba: Noong unang siglo, si Timoteo ay naging isang masigasig na lingkod ni Jehova bagaman lumaki siya sa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon. Ang puspusang pagsisikap ng kaniyang ina at lola na ituro sa kaniya ang banal na mga kasulatan noong nasa kabataan pa siya ay walang pagsalang nakatulong nang malaki. (Gawa 16:1, 2; 2 Tim. 1:5; 3:15) Gayunman, nakinabang din siya sa pakikisama sa ibang mga Kristiyano, kabilang na si apostol Pablo, na tumukoy kay Timoteo bilang kaniyang “minamahal at tapat na anak sa Panginoon.”—1 Cor. 4:17.
5 Sa katulad na paraan sa ngayon, tunay ngang kapaki-pakinabang kapag ang may-gulang sa espirituwal na mga kapatid ay nagpakita ng maibiging interes sa mga batang lalaki’t babae na walang ama sa kongregasyon! Alam mo ba ang pangalan ng bawat isa sa kanila? Nakikipag-usap ka ba sa kanila sa Kristiyanong mga pagpupulong at sa iba pang mga pagkakataon? Anyayahan silang samahan ka sa ministeryo sa larangan. Marahil ay maaari mo silang isama pana-panahon, kasama ang kanilang nagsosolo o nananampalatayang magulang, sa inyong pampamilyang pag-aaral o sa mga kaayusan para sa kapaki-pakinabang na libangan. Kapag itinuring ka ng mga kabataang ito bilang kanilang kaibigan, mas malamang na tularan nila ang iyong halimbawa at isapuso ang iyong pampatibay-loob.—Fil. 2:4.
6 Si Jehova ay lubhang interesado sa mga batang lalaki’t babae na walang ama, at pinagpapala niya ang ating maibiging mga pagsisikap na tulungan silang dibdibin ang katotohanan. Marami na lumaki sa mga sambahayang nagsosolo ang magulang o nababahaging pamilya ang tumanggap ng gayong pampatibay-loob at naglilingkod ngayon nang may katapatan bilang mga payunir, ministeryal na lingkod, matanda, naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, o miyembro ng pamilyang Bethel. Tayo nawang lahat ay humanap ng mga paraan upang ‘palawakin’ ang ating pagmamahal sa mga batang walang ama, bilang pagtulad sa ating makalangit na Ama.—2 Cor. 6:11-13.