Isang Video na Magbibigay sa Iyo ng Higit na Kaunawaan at Inspirasyon!
Abril 1951 noon. Libu-libong Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet—pami-pamilya—ang tinipon, isinakay sa mga bagon ng tren, at itinapon sa Siberia. Bakit kaya determinado ang makapangyarihan na pamahalaang Sobyet na lipulin sila? Paano nakaligtas at dumami pa nga ang ating mga kapatid sa kabila ng maraming dekada ng walang-humpay na pagsalansang? Masusumpungan mo ang mga sagot sa video na Faithful Under Trials—Jehovah’s Witnesses in the Soviet Union. Panoorin ito, at hayaang ang nakapagtuturong mensahe nito ay magsilbing inspirasyon sa iyo na manatiling tapat kay Jehova, anuman ang mangyari!
Masasagot mo ba ang mga tanong na ito? (1) Kailan unang opisyal na kinilala ang mga Saksi ni Jehova sa Russia? (2) Bago at pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, paano lalong dumami ang mga pamilyang Saksi sa Unyong Sobyet? (3) Sa paanong paraan tuwirang sumasalungat ang kanilang mga paniniwala sa pilosopiya ni Lenin? (4) Ano ang Operation North, at ano ang inaasahan ni Stalin na maisasakatuparan sa pamamagitan nito? (5) Ano ang kahulugan para sa mga Saksi ng pagkakatapon, at ano ang ipinagagawa sa kanila upang huwag silang ipatapon? (6) Sa mahabang biyahe patungong Siberia, paano nagpatibayan sa isa’t isa ang ating mga kapatid na ikinagulat naman ng mga bumihag sa kanila? (7) Anong mga paghihirap ang kinailangang batahin ng mga Saksi sa Siberia? (8) Anong espirituwal na paglalaan ang pinahalagahang lubos ng bayan ni Jehova, at bakit? (9) Bakit handang isapanganib ng ating mga kapatid ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang literatura, at paano sila nagtagumpay sa kabila ng walang-humpay na mga pagsisikap ng mga awtoridad na huwag silang makatanggap nito? (10) Paano ipinagpatuloy ni Khrushchev ang pagsalakay sa bayan ng Diyos? (11) Paano sinikap ng mga awtoridad na sirain ang pananampalataya ng mga batang Saksi? (12) Ano ang maliwanag na pang-unawa ng ating mga kapatid hinggil sa dahilan kung bakit sila pinag-uusig? (2002 Taunang Aklat, pahina 203-4) (13) Paano nabaligtad ang epekto ng lubusang pagsalakay ng mga mang-uusig sa organisasyon ng Diyos? (2002 Taunang Aklat, pahina 220-1) (14) Anong mga bagay ang natupad na dati’y pangarap lamang para sa mga Saksi sa dating Unyong Sobyet? (15) Ano ang nakatulong sa ating mga kapatid na mabata ang mga pagsubok sa kanila, at paano inilarawan ng huling eksena sa video ang pagiging totoo ng Jeremias 1:19? (16) Ilahad ang isa sa totoong-buhay na mga karanasan ng katapatan sa ilalim ng pagsubok na lubhang nakaantig sa iyo.